Panahon Na
Naghaharing uri ay hindi papayag
Maputol ang kanilang pamamayagpag
Ang nais nila’y manatili sa ulap
Takot na sa lupa ang paa’y sumayad
Takot na poder sa kanila’y agawin
Sa kapangyariha’y masyadong nalasing
Kaya’t ang lahat ay kanilang gagawin
Na ang mananalo’y isang mestizo rin
At kapag nanalo ang dapat manalo
Ay hindi papayag ang mga mestizo
Kapag natalo ang dapat ay manalo
T’yak nang magwalala kinawawang Indio
Alipin ka noon alipin ka pa rin?
Hahayaan mong ika’y laru-laruin?
Hahayaan mong ika’y utu-utuin?
Panahon na upang ikaw ay gumising
Habang nasa poder sila’y nagpakasasa
Dugo mo’y sinaid parang mga linta
Iginisa ka sa sariling mantika
Kung ‘di ka kikilos ikaw ang kawawa
Pilipinas sa Pilipino’y ibalik
Pilipino sa Pilipinas magmalasakit
Pinoy sa balota ang iyong ititik
‘di Kastila, ‘di Kano, lalong ‘di Intsik
Leave a comment
Comments 0