Maging Akin Ka Sana

man-woman

(Mula sa kantang “Be My Lady” ni Martin Nievera)

Lumapit ka sana’t kamay ko’y abutin
Ibubulong kong tanong iyong sagutin
Maaari bang ikaw ay maging akin?
Maari bang ako’y iyong ibigin?

Tanging sa ‘yo nakatuon ang paningin
Sa isip hindi kita kayang burahin
Pumayag ka sanang ika’y maging akin
Habang nabubuhay kita’y sasambahin

Lumapit ka na at ibulong sa akin
Batid ko na meron kang nais sabihin
Mga ngiti mo’y huwag gamiting tabing
Upang itago ang sinaktang damdamin

Pahintulutan sana na kita’y mahalin
Tulungang nakaraa’y iyong limutin
Bumaong tinik sa puso’y bubunutin
Ulap sa langit mo’y aking hahawiin

Mapait na kahapon huwag nang balikan
Heto ang palad ko mahigpit mong hawakan
Masuyong luha mo’y aking pupunasan
Mithing ligaya kita’y hahandugan

Maging akin ka ang tanging panalangin
Pag-ibig sa puso muling pasikatin
Pahintulutan sanang kita’y makapiling
Payagan akong ika’y paligayahin

%d bloggers like this: