… aking TUGON sa tula mong KAUNTING LIWANAG

Tibong Cagayano, 02-14-10

Capture

Ako’y naglulundag sa tuwa ‘igan kong makata,
nang makatanggap muli sa iyo ng isang magandang tula,
ilang araw din naman akong nalungkot at nangulila,
hinahanap-hanap ang maririkit mong mga katha.

Sa pinamagatang “Kaunting Liwanag” mong tula,
labis-labis ang aking naramdamang ligaya,
sa pamagat pa lang kasi mukha ng may pag-asa,
na nababanaag upang maisalba inyong pagsasama.

Akin ding naiintindihan kung ika’y medyo natagalan,
sa pagsagot sa mga tula kong pinaghirapan,
alam ko namang marami ka dyang pinagkaka-abalahan,
may problema pa ngang kaylangang solusyonan!

Ako naman dito ay walang puknat sa pagdadasal,
nakaluhod na nagmamaka-awa sa Diyos Amang Maykapal,
mabuo muli pansamantalang hiwalayan ng inyong pagmamahal,
at ang pag-iibigan niyo’y maluklok sa mas mataas na pedestal.

Malakas talaga ang aking pakiramdam,
na ang mga dasal ko’y Kanyang pakikinggan,
kaya nga ba dapat mo ng kalimutan,
naging huli kong payo sa ‘yo, makata kong kaybigan.

‘Igan kong katulaan, kung iyo pang natatandaan,
ang ipinayo ko na pansamantalang hiwalayan.
sabi ko… pangingibang-bansa ay iyong pag-isipan,
baka ikako sa sitwasyon niyo ay makagaan.

Napabilis yata masyado ang daloy ng aking isipan,
kaya siguro agaran kong naipayo sa iyo iyan,
pero lahat ng mga ‘yan ay pwede mo ng kalimutan,
sapagkat nakakasiguro ako ngayong wala ka dyang iiwan!

Sa tula kong “dito sa INGLATERA” ay aking inilarawan,
mga negatibong bagay dito sa aking pinamumugaran,
na sinundan ko pa rin ng isang tula naman,
na puro positibo naman lahat ang nilalaman.

Kinatha ko ‘yang mga tula na ‘yan,
sa pagnanais na ikaw ay mabigyan,
ng ideya kung anong buhay dito sa ibang bayan,
sana ay makadagdag ito sa iyong kaalaman.

Muli mo ring nabanggit sa tula mong panglabing-isa,
mga kaklase nating natipuhan noong tayo’y nasa elementarya,
mabuti rin sigurong ating iwaksi na muna,
sa ating isipan at damdamin ang mga ala-ala nila.

Sa iyong mungkahi, ikaw ay aking sinasang-ayunan,
na mag-isip tayo ng kuwentong mapagtatawanan,
nang sa ganon isip at damdamin natin muling gumaan,
tumulo man uli ang luha, dahil naman sa hagalpakan.

Mabuti pa sigurong dalhin natin ang ating kuwentuhan,
sa mga nakakatuwang karanasan noong “high school days” naman,
i-kwento mo sa akin ang iyong mga pinagdaanan,
kukwentuhan din kita ng aking mga naging kalokohan!