WALA kang dapat IWANAN!

Tibong Cagayano, 02-12-10

him 10

Ipagpaumanhin mo sana aking kaybigan,
padalus-dalos kong bigay na kasagutan.
sa sinabi mong may nais ka d’yang iwanan,
ako’y nabigla.. damdamin ay di napigilan.

Sa karugtong ng iyong tulang pang-walo,
imahinasyon ko’y lumikot at gumulo,
para bang diwa ko ay naglakbay sa sementeryo,
kung saan kalat mga bungo ng patay na tao.

Sa iyong isinalaysay, ako ay sobrang nalumbay,
sadyang mabigat ang pagsubok na dumating sa ‘yong buhay.
saang anggulo ka man luminga, sa alanganin ka nalagay,
para bang pinaglaruan ka ng isang mahiwagang kamay.

Saglit nating balikan, mga salita mong binitawan,
sa huling saknong, isang tanong, ikaw ay nag-iwan.
pagsasama niyong mag-kabiyak, anong kahihinatnan,
ipag-patuloy ba ito o tuluyan nang wakasan?

Sa tanong mong ‘yan nasa mga tula mo ang kasagutan,
balikan mo uli mga ito at masusi mong pag-aralan.
lahat ng mga nabanggit mong kanyang katangian,
sapat ang mga ito, sa kanya’y huwag magpa-alam.

Madali nga siguro sa akin na ito ay sabihin,
pagkat di naman ako ang nakabitin sa alanganin,
hindi rin ako ang nakakapit sa patalim,
ikaw ang sumusuong sa yungib na madilim.

Larawan ng iyong maybahay aking tinitigan,
ubod nga siya ng ganda, bagay sa ‘yong kapogian,
idagdag pa dyan kanyang pagiging “librarian,”
dapat magsaya ka at tumambay sa silid-aklatan.

Kalimutan mo na ang dentistang nagsabi,
ng “You can never find another woman like me!”
tama siya, wala kang makikitang tulad niya,
ngunit sigurado akong mas higit ang iyong nakuha!

Noong ika’y nalunod sa kumunoy ng kalungkutan,
sino bang sumagip sa ‘yo, di ba ang “librarian?”
sino ang nag-abot ng kamay at sa ‘yo umalalay,
di ba yung gusto mong iwan na iyong maybahay?

Suriin mo sanang mabuti kaybigan kong makata,
ang epekto ng desisyong iyong ginagawa.
ang pag-iwan sa asawa at pagwasak ng pamilya,
kasalanang malaki sa Dakilang Lumikha.

Iyong tingnan lahat ng katangian niya,
lahat ng masama at pangit iyong ibasura,
ilagay naman sa ala-ala lahat ng magaganda,
pagsasama niyong dalawa iyong isalba.

Noong tanungin kita sa isa kong tula,
tama bang ambisyo’y talikuran at buuin aking pamilya?
galing na rin sa iyong mahusay na pananalita,
ang tugon mo pamilya dapat ang inu-una!

Mga katagang namutawi sa iyong bunganga,
huwag mong sabihing bulaklak lang ito ng iyong dila,
palamuting salita upang gumanda ang tula,
maganda pag binasa, tunog-musika sa tenga.

“I did my best but my best wasn’t good enough!”… ‘yan,
pag nilapat mo sa musika, ang gandang pakinggan,
pero sa tutoo lang, dahilan ‘yan ng isang talunan,
para lang masabing ginawa na lahat ng paraan!

Habang binabasa mo ang tula kong ito,
nagtataka ka siguro at kinakamot iyong ulo.
bakit ba ganito ang tema ng mga sinasabi ko?
di ba maliwanag, gusto ko pamilya mo ay buo!

Nai-kwento mo na rin naman sa akin ang nakaraan,
paghihiwalay ng ama’t ina mo’y masyado mong dinamdam.
“dysfunctional” ang pamilya, ayon sa iyong paglalarawan,
ngayon, gusto mo bang pati ang sa ‘yo maging ganyan?

Maging “honest” ka sana sa iyong nararamdaman,
sapagkat ang tanong kong ito ay napakaselan,
damdamin mo ba ay nag-iba, pag-ibig sa kanya ay wala na,
bakit ka nag-iisip na lisanin mo siya?

Anuman ang sabihin ko, ikaw man ay sermunan,
sa bandang-huli ikaw pa rin ang siyang may tangan,
kung saan tutungo ang masalimuot niyo ngayong samahan,
panalangin ko sa Maykapal, dalhin kayo sa kaluwalhatian

Advertisement
%d bloggers like this: