Ang Sumpa (Part 4)

third-eye-3-1Kinabukasan na namin nahanap ang bunso kong kapatid. Nakita namin siya sa isang bahagi ng gubat sa kalapit na baranggay. Natutulog ito sa mabatong bahagi sa ilalim ng isang puno ng mangga kasama ang napakaraming uwak. Nakapaligid sa kanya ang mga ibon. Siya ay nakahiga sa mga maliliit na mga tuyong sanga’t dahon na animo’y malaking pugad.  Ang ilang uwak ay  nakapatong sa kanyang mga binti’t katawan na para bang siya’y nililimliman, parang tinitiyak na si Mon ay hindi giginawin. Nagliparan lamang ang mga uwak palayo nang siya’y gumising at bumangon.

Lahat kami’y hindi makapaniwala sa aming nakita. At sinoman marahil ang makakakita niyon ay tiyak na magtataka rin.

Parang isang sanggol na pinangko ng ama si Mon. Iyak nang iyak ang kapatid ko habang papauwi.

“Itay, natatakot po ako. Iyong mamang naka-balabal ng itim lagi kong nakikita.” wika ni Mon.

“Hayaan mo anak, lagi ka naming babantayan. Hindi ka namin pababayaan.”

Nang makita kong parang pagod na ang ama sa pagbubuhat sa bunso namin ay sinabi kong isampa niya sa likod ko si Mon.

Pinagtitinginan kami ng mga tao habang binabagtas namin ang daaan pauwi sa aming bahay. Sa dami ng tsismoso’t tsismosa sa amin ay siguradong nabalita na sa buong Dolores ang nangyari sa guro ni Mon. At hindi na ako magtataka kung sa bawat sulok ng San Luis ay malaman ang tungkol sa kapatid ko.

Muling kinarga ni ama ang nakatulog kong kapatid nang makarating kami sa bahay. Dahan-dahan niya itong inilapag sa higaan.

Mula sa araw na iyon ay nagbago na ang takbo ng buhay ng kapatid ko at pati kami ay damay. Tumigil siya sa pag-aaral. Lagi daw kasi siyang nakakakita ng kung ano-ano nilalang tuwing naglalakad siya papunta at pauwi ng paaralan. Minsan pa daw ay tinatabihan siya ng mga ito sa upuan niya. May pagkakataong naisip na baka nasisiraan ng bait ang aking kapatid.

Kahit anong pilit na gawin ng ama na kumbinsihin siyang pumasok ay hindi natinag si Mon. Ang aming inang guro na lamang ang nagturo kay Mon na bumasa at sumulat. Nagpasiya noon ang inay na tumigil na sa pagtuturo upang bantayan si Mon.  Naging tutor naming magkakapatid ang aming ina mula noon.  Maging ang pagdarasal ng rosaryo ay itinuro sa amin.

Kahit sa mismong bakuran daw namin ay kung ano-anong elemento ang nakikita ni Mon. Subalit hindi nagtagal ay parang nakasanayan na si Mon na nakakakita ng mga ganoon. Hindi na namin siya napapansin na mula sa bakuran ay bigla na lamang tatakbo papasok sa bahay at doon sa kuwarto niya’y magtatalukbong ng kumot. Minsan nga ay parang may kinakausap siya at kalaro  na hindi naman namin nakikita.

Ganoon pa man ay naging mailap sa ibang tao ang kapatid ko. Sa kabilang banda iniiwasan din naman siya ng mga tao. Walang batang nais makipaglaro sa kanya. Sabagay, hindi na niya kaylangang may kalarong ibang bata dahil madalas nga na parang may mga humahabol sa kapatid ko at minsan naman ay parang siya ang may hinahabol. Tawa siya ng tawa habang nangyayari iyon at iisipin kong nababaliw ang kapatid ko kung hindi  ko alam kung ano nangyayari. Sa napakadalang niyang paglalakad sa lugar namin ay atubili ang mga taong nag-aabang kung may tatapatan siyang bahay o anumang lugar. Kulang na lang na ipagtabuyan ang kapatid ko kapag siya ay nakikita.

Maging sa mga tao sa ibang sityo at mga kalapit na barangay ng Dolores  ay kumalat na ang balita tungkol sa aming kapatid. Hindi ako magtataka kung isang araw ay bigla na lamang may mga reporters na pupunta sa amin upang mangalap ng balita tungkol sa kanya.

May mga pagkakataon noon na umuuwi si Mon na umiiyak. Ayaw man niyang sabihin ang dahilan ay alam na namin kung bakit.

Minsan ay may nagmagadang-loob na nagsabi sa amin na binubulyawan daw at itinataboy palayo si Mon ng mga tao lalo na kung akma na parang hihinto ito ng paglalakad.

Hindi lamang si Mon ang apektado sa mga pangyayari, maging ang buong pamilya man namin ay ganoon din. Madalas napapaaway ang tatay kapag nalalaman niya kung sino ang mga naninigaw at nagtataboy kay Mon.

Makaraan pa ang ilang linggo ay may batang namatay sa lugar namin. Nabundol ng jeep. Bigla na lamang sumugod ang tatay nito sa amin at sinabing tinapatan daw ng kapatid ko ang kanilang bahay kaya namatay ang kanyang  anak. Nagsisigaw ito sa labas na bahay namin. Hindi na lamang namin pinansin ang kapitbahay naming iyon.

Sa pagkakaalam ko ay halos dalawang linggo ng mga panahong iyon na hindi lumalabas ng bahay si Mon. Ganoon pa man ay tinanong  pa rin siya ng ama.

“Anak, lumabas ka ba ng bahay nang hindi namin nalalaman.”

“Hindi po itay. Pero iyong mamang nakabalabal ng itim ay kinausap ako noong isang linggo at sinabing susunduin nga niya kahapon iyong bata. Puwede daw bang samahan ko siya. Eh tumanggi na po ako. Dati kasi, sa takot ko eh laging sumasama ako sa kanya kapag niyaya niya akong ganoon. Katulad po noong namatay iyong adviser ko. Nagkataon po noon na gusto ninyo siyang kausapin. Ayaw ko po sanang sumaman noon pero pilit po akong pinasama niyong mama. Pero mula po noong nakikipaglaro ako sa mga kaybigan kong duwende ay pinagagalitan iyong mama kung pipilitin niya akong sumama sa kanya.”

“Ha, saan ka naman niya kinausap kapag niyaya ka niya?” ang tanong ng ama.

“Kahit po saan eh. Minsan dito po sa loob ng bahay mismo. Minsan po doon sa likod.”

Nangalisag ang mga balahibo ko sa narinig kong iyon sa aking kapatid.

“Eh hindi ba nagalit sa iyo nang hindi ka sumama?”

“Hindi naman po. Kahit naman iyong ibang mga nilalang at kaluluwa na nakikita ko eh kinakausap lang ako. Hindi naman po sila nananakit. Iyong isa pa nga po sa kanila eh ang sabi kaya ko daw manggamot ng maysakit kung gugustuhin ko. Pero hindi ko po naman alam kung paano.”

Tahimik lamang kaming nakinig kay Mon. Noon lamang siya nagkuwento sa amin ng matagal. Dati kasi eh ayaw niyang pinaguusapan ang mga ganoong bagay.

“Siyanga po pala, ang sabi sa akin niyong mama na malapit na daw na may susunduin din siya sa  mga Cervantes.”

Nawalan kaming lahat ng kibo nang sabihin iyon ni Mon. Umiyak ang nanay ko at sinabing, “Huwag naman sanang isa sa atin ang susunduin kung totoo man iyan.”

“Ay hindi po inay. Sabi ko po doon sa mama na huwag na huwag na may susunduin siya sa atin sa pamilya natin.”

“Ha… eh ano naman ang sagot niya.” Ang tanong ng aking ama.

“Hindi po siya sumagot eh.”

“Dapat po bang sabihin natin ito sa ating mga kamag-anak?” Ang tanong ko sa aming ama.

Hindi niya ako sinagot. Lumabas siya ng bahay. Nagpasiya akong sundan siya. Sumalampak siya sa bermuda grass sa garden sa tapat ng terrace namin. Umupo ako sa tabi niya. Matagal bago nagsalita ang aking ama.

“Anak, pwede kong sabihin sa mga kamag-anakan natin para na rin makapaghanda sila kung magkatotoo nga ang sinabi ni Mon.”

Sumangayon ako sa sinabi ng aking ama. Kinabukasan ay pinuntahan niya ang mga kamag-anak namin upang ibigay ang babala. Iba’t-iba ang naging reaksyon ng mga kadugo namin. May mga nagpasalamat at may mga nagalit na sinabing mas gusto daw nilang hindi na lang nila iyon nalaman.

Marami sa kanila ang natakot, lalo na iyong may mga sakit sa kanila.

Ilang buwan din bago naganap ang sinasabing pagsundo ng mamang nakatalukbong ng itim. Isa sa mga pinsan namin ang nalunod nang maligo sa ilog.

Mula noon maging ang mga kamag-anak namin ay nagsimula na rin na matakot kay Mon. Umiwas ang mga ito sa kanya at pati kami damay. Hindi na lang si Mon ang iniwasan, buong pamilya na namin. Parang ang naging tingin sa amin ay pamilya ng mangkukulam. Dumating sa punto na tuwing may mamatay o magkakasakit sa aming lugar ay parang ibinubunton ang sisi kay Mon.

Isang araw ay inimbitahan ang ama ko at si Mon sa barangay. May mga reklamo daw laban sa kapatid ko. Ang araw na iyon at ang dalawang sumunod pa ang masasabi kong pinakamatindi ang mga pagsubok na dinanas ng aming pamilya.

Part 5