… tatlong ROSAS sa aking BUHAY!

 Tibong Cagayano, 03-06-10

Capture

Muli kong binalikan ang iyong mga naunang tula,
ninamnam ng husto ang tamis nilang lasa,
damdamin ko’y nabusog mga mata’y lumuwa,
ibang-iba talaga mga katha mo kaybigan kong makata.

Sa iyong The 15th at The 16th ay iyong isinalaysay,
mga kwento ng iyong mahal na tatay at nanay,
hayaan mo rin sana na ako’y magbigay-pugay,
sa tatlong mahahalagang rosas sa aking buhay.

Sa bawat buhay na Diyos ang nagbigay,
isang espesyal na halaman ang siya nitong kasabay,
halamang kaylangang pagyamanin ng buong husay,
upang umusbong at magbigay ng panibagong buhay.

Sa ibinigay na buhay sa akin nang Diyos,
ang kasabay nitong halaman ay isang rose,
halamang sumasagisag sa pag-iibigang maayos,
ng dalawang pusong nagmamahalan ng lubos.

Ang Unang Rosas na handog sa akin ng Maykapal,
tunay na tapat at sobrang mapagmahal,
walang araw na ako ay di pinagsilbihan,
laging nasa tabi ko, umaraw man o umulan.

Katapatan ng rosas ko ay aking sinuklian,
buong husay ko itong pinagyaman at inalagaan,
pinanatiling mataba ang lupang pinagtamnan,
sinigurong maaliwalas ang bakurang tinitirhan.

Tulad ng isang napakaputing bulak,
ang rosas ko’y napakadalisay at busilak,
namumukod tangi at parang mamahaling pilak,
sa hanay ng mga naggagandahang bulaklak!

Paggising ko sa umaga ito agad ang bubungad,
sa mga mata kong unti-unting dumidilat,
napakagandang tanawin sa aking pagmulat,
parang anghel na palamuti sa araw na sumisikat.

Dahil na rin sa mapagmahal kong pag-aasikaso,
naging maayos ang kalagayan nitong rosas ko,
dumaan mga araw at maraming buwan ng Hunyo,
rosas ko’y namukadkad, isang bulaklak, binigyan ako!

Dumating itong Pangalawang Rosas ng aking buhay,
tulad ng halamang pinanggalingan ito rin ay mahusay,
tunay na kabigha-bighani at napakaputi ng kulay,
ang tindig at tayo niya ay walang kasing-tibay!

Tulad din ng ginawa kong pag-alaga,
sa Unang Rosas na sa buhay ko ay mahalaga,
Pangalawang Rosas ko ay pinalaking masagana,
sa lahat ng pangangailangan niya lalo na sa bitamina!

Datapwat dalawa na ang inaalagaan kong rosas,
pagmamahal at pagsisilbi sa kanila ay parehas,
ilang hirap at ginhawa din ang mabilis na lumipas,
hanggang sa dumating uli ang isa pang buwenas!

Unang Rosas ko ay namulaklak na muli,
tulad ng Pangalawang Rosas, ito’y pagkaputi-puti,
sa sobrang ligaya wala akong ibang masabi,
kundi, “Pangatlong Rosas, lumaki ka sanang mabuti!”

Pangatlong Rosas ko nama’y malusog na lumaki,
walang problemang hatid sa buhay kong busy,
para itong anghel na humahalik sa aking pisngi,
laging nakabantay at naghihintay sa aking pag-uwi.

Tatlong rosas na ngayon ang sa akin ay umaasa,
katamtamang bilang ng mga rosas na gusto kong makuha,
maswerte pa rin ako kahit kokonti ang pera,
sa tatlong rosas ko, napakayaman ko na!

Sadya rin namang napakabuti ng Diyos sa akin,
ako ay pinagbigyan sa aking mga panalangin,
tatlong magagandang rosas ang sa akin ngayo’y tumitingin,
ano pa bas a buhay ang kailangan kong hilingin?