AKING AMA’T INA – 1

Hardpen, 02-25-10

Capture

Habang ako ngayon dito ay namamahinga,
ilang mga tula mo noo’y muling binasa,
hinagod ko ang tula mong inialay sa ama,
kasunod tulang hinabi mo para sa iyong ina.

Dumaloy sa katha mo lubos na pasasalamat,
sa pag-aalaga na sa iyo’y kanilang iginawad,
sa puso mo’y walang mapagsidlan ng galak,
dahil minahal ka nila ng higit pa sa nararapat.

Ang kadakilaan ng iyong mga mahal na magulang,
bilyon-bilyon mang salapi’y di mapapantayan,
napakasarap na sa tula mo naisip iparamdam,
pagkilala’t pagpupugay sa kanilang kadakilaan.

Tula mong sa mga magulang ay iyong inaalay,
wala ring materyal na bagay na makakapantay,
pagtangi mo sa ama’t ina na sa tula’y ikinulay,
pihadong di malilimot habang sila’y nabubuhay.

Sa puntong ito ay sumaisip aking ama at ina,
na katulad ng mga magulang mo’y lubhang dakila,
puede bang kuwentuhan kita tungkol sa kanila,
alay kay Mama at Papa tulang pang-labinglima.

Batid mo nang hiwalay ang aking ama’t ina,
hanggang ngayo’y sinisikap pagkasunduin sila,
sa panalangin di nakakalimutang sila’y isama,
kutob ko balang araw, sila’y muling magsasama.

Di talaga naging “intimate” mga magulang ko,
sa bahay kasi noon madalas wala silang pareho,
kung saan-saang probinsiya sila nagtutungo,
upang asikasuhin “small time” nilang negosyo.

Ang Papa ko ay isang guwapong Batangueño,
pagtitinda ng ibat’-ibang kalakal kanyang trabaho,
kung saan-saang probinsiya siya nadedestino,
kaya’t madalas di siya kapiling ng Mama ko.

Mama ko nama’y isang magandang mestisa,
ibig kong sabihin siya’y “half-Ibanag, half-Ilocana,”
madiskarte, matapang, kalahi nga kasi ni Gabriela,
dahil sa hanapbuhay, kung saan-saan din napupunta.

Mama ko sa Papa ko ay ayaw magpadaig,
sa kinikita ni Papa gusto laging makahigit,
sa hanapbuhay kompetisyon nila’y sobrang higpit,
kaya’t sa atensyon nila, kaming mga anak, nagipit.

Subalit kakulangan nila pilit kong inuunawa,
sapagkat para rin sa amin kanilang ginagawa,
batid ko din naman na di nila ikinakatuwa,
na sa piling namin palagi silang nawawala.

Sapagkat ano ba talaga ang dapat nilang piliin,
ang manatili sa bahay at kami’y makapiling,
alagaan kami maghapon, kahit walang makain,
ano bang tungkulin ng magulang dapat nilang sundin.

Kami naman ay hindi talagang pinabayaan,
sapagkat kami’y nakahabilin kay LOLA TOYANG,
dakila kong “grandma” kami’y minahal at inalagaan,
pinunan pagkukulang ng aming mga magulang.

At sa mga panahong kasama namin mga magulang,
tungkulin nila ay buong sayang ginagampanan,
pagmamahal nila sa puso’y nanunuot, nararamdaman,
di mo na maiisip ang kanilang mga pagkukulang.

Mahal kong mga magulang, hindi sila perpekto,
sa kahinaan, kakulangan pagkatao nila’y burdado,
subalit may tsansa man na magulang makakapamili ako,
sina MONCHING at SALLY pa rin ang hahanapin ko.

Pagmamahal sa magulang, “they always deserve it,”
respeto’t pagtangi ng asawa, “you have to earn it,”
prinsipyo kong ito kahit kanino ay di ipipilit,
magulang ko’y tanging yaman, di ipagpapalit.

Kay Mama marami akong natutuhang mga aral,
pinakamahalaga ang paniniwala sa Poong Maykapal,
tinuruan akong lumuhod at ng dasal ay umusal,
sa Diyos magpasalamat, humingi ng tawad at gabay.

Araw-araw tuwing ika-anim ng hapon kami ay tatawagin,
sa harap ng maliit naming altar kami’y paluluhurin,
sama-samang ang Rosaryo ay aming dadasalin,
pagkatapos kaming magkakapatid ay pagmamanuhin.

Ang Mama ko ay isang “stern disciplinarian”
di kami kinokunsinti sa ano mang kalokohan,
kapag may nagawang mali at paliwanag di nya maibigan,
palo ng tsinelas sa kamay o puwit ang kaparusahan.

Si Papa naman ay sobrang hilig sa pagbabasa,
di puedeng wala siyang dyaryo tuwing umaga,
ang lupit, binabasang pilit bawat pahina,
pati crossword puzzle sa English sinasagutan niya.

Sa galing ni Papa sa English napabilib akong talaga,
sa tindi ng pangangatwiran at memorya ako’y napapanganga,
di mo nga paniniwalaan na Grade IV lang ang inabot nya,
kaya’t bata pa lang ako noon pilit ko siyang ginagaya.

Marami pa akong sasabihin tungkol sa Mama’t Papa ko,
kaya lang 22nd stanza na pala itong bahaging ito,
ihihinto ko muna panandalian ang aking pagkukuwento,
ikalawang bahagi ng tulang hinabi ‘mate pakiabangan mo.