Category Archives: Creative Writing

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (Audiobook)

I tried to see if I could create an audiobook. I just did. I created an audiobook out of one of my short novels written in Filipino. It’s a tragic love story. It’s not perfect but I gave it my best shot. One thing that I realized when I finished it is that I should have asked a lady friend or two to read the lines delivered by the female characters in my story. I undertook this project just to make good use of my free time here in South Korea. Doing creative work is the best way to overcome boredom.

Chapter 1 – Ang Tagpo Sa Kubo

Chapter 2 – Sa Iisang Bubong

Chapter 3 – Sa Ilalim Ng Mesa

Chapter 4 – Sa Muling Pagkikita

Chapter 5 – Siya Ba O Ako?

Chapter 6 – Ang Desisyon

Chapter 7 – Masakit Tanggapin

Chapter 8 – Trahedya

Final Chapter – Ang Kabayaran

SA PAGBUHOS NG ULAN

(Spoken Poetry in Filipino)

Tuwing bubuhos ang ulan
Kagyat kang papasok sa aking isipan
Kaya paano kita makakalimutan
Hindi ito mangyayari, gustuhin ko man.
Sa dahilang  hindi ko kayang pigilin
Ang pagpatak ng ulan
Uulan kung kaylan nakatakdang umulan

Kung puwede lang ipanalangin na sana tag-araw na lang palagi
Para kahit kaylan ay hindi na bumuhos ang ulan
Kung puwede sana na laging may araw
Lalabas ako kahit katanghaliang-tapat
At hayaang sunugin nito
Hindi lamang ang aking balat
Kundi ang bawat hibla ng iyong ala-ala sa aking isipan
Gusto ko itong masunog… maging abo… at hipan ng hangin palayo sa akin
Ang ala-ala mo kasi’y parang tinik na dinuduro ang bawat bahagi ng pagkatao ko

Tuwing makikita ko na may namumuong kaulapan sa langi
Ay kasabay nitong mamumuo rin ang kalungkutan sa aking isip
At kapag ang hangin na ay umihip
At magbabadya nang umulan
Maghahanap na ako ng masisilungan
Sa dahilang kapag bumuhos na ang ulan
Bubuhos na rin ang mga ala-ala ng nagdaan

Kapag bumuhos na ang ulan
Bubuhos nanaman ang mga ala-ala ng nagdaan
Ala-ala ng iyong karupukan
Ala-ala ng gabing yakap ka ng iba doon
sa karimlan
Mga katawan ninyo’y umiindayog sa saliw ng kataksilan
Humihiyaw ka sa tindi ng kasiyahan
Hanggang marating ninyo ang rurok ng kaliluhan
Bakit kasi noo’y akin pang naisipan
Sorpresa kang dalawin sa iyong tahanan

Kapag bumuhos na ang ulan
Bubuhos nanaman ang mga ala-ala ng nagdaan
Ala-ala ng kung papaanong parang gamit ako na iyong pinalitan
Ala-ala ng kung papaanong para akong pusang iniligaw at itinapon kung saan

Kapag bumuhos na ang mga ala-ala ng nagdaan
Babahain ng lungkot ang aking kabuuan
At hindi ito huhumpay
Hanggat hindi ako nalulunod sa lumbay
Kapag bumuhos na ang mga ala-ala ng nagdaan
Wala akong puwedeng silungan
Ala-ala mo’y parang pilat… nakamarka sa aking balat
Ala-ala mo’y parang anino na lagi akong sinusundan
Aninong kahit walang araw aking nababanaag
Ayaw akong pakawalan
Lalo na kapag umuulan

Isipan ko’y parang bubong na may butas
At ang ala-ala mo’y parang tubig-ulan
Pilit nitong hahanapin ang butas na iyon
Para pasukin
Upang sa lungkot at pighati ako’y lunurin.
Wala akong magagawa kundi hintayin
Ang pagtila ng ulan at ipanalangin
Na sa muling pagsikat na araw
Ala-ala mo sa aking isip ay sunugin
Abuhin
At sana’y hipan ng hangin
Palayo sa akin

At ang marubdob kong panalangin
Sana kapag muling bumuhos ang ulan
May lumapit sa akin
Bitbit ay payong
Sa ilalim nito magkasama kaming sisilong
Doon sa bisig niya ako’y magkakanlong
Hanggang ang sugat sa puso ko’y maghilom

Ang Sumpa (Part 1)

(A Novella in Filipino)
third-eye-3-1

Papalubog na ang araw. Nagsisimula nang gumapang ang dilim sa paligid. Nagsisihapon na ang manok sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Isa-isa na ring nagsisipag-paalam ang aming mga bisita. Ilan na lamang ang natira sa kanila kasama ang ilang mga kamag-anakan namin.

Masaya ang maghapong iyon. Maraming pagkain at inumin. Rumenta rin ako ng videoke para mas mag-enjoy ang mga bisita. Nagkakantahan sila habang kumakain. Ang iba’y nag-iinuman at ang ilan sa kanila’y sumasayaw kapag may kantang nagtutulak sa kanila upang umindak. May ilan rin sa mga bisita na nag-abot ng regalo kay Alfred. Ang iba’y sobre ang ibinigay sa kanya.

Pinagmamasdan ko ang aking kaisa-isang anak habang inaasikaso niya ang kanyang mga kaklase at mga kaybigang nagdatingan. Masigla siya at tawa ng tawa. Panay nga ang kuha ng selfie kasama ang mga bisita. Pihadong mamaya o bukas eh babaha nanaman ng pictures sa Facebook ng anak ko. Ipinalangin ko na sana ay ganoon siya palagi. Sana pagkatapos ng araw na iyon ay walang magbago sa takbo ng buhay niya… sana ay walang magbago sa takbo ng buhay naming mag-anak.

“Kuya, mukhang hindi ka yata uminom ngayon. Nakakapanibago ah. Parang pang balisa ka.” Si Pol iyon, pinsan ko.

“Ha, eh pagod lang siguro ako,” tugon ko sa pagitan ng isang ngiting pilit.

“Ang dami mong inihanda para kay Alfred ah!”

“Siyempre naman, binata na ito mula ngayong araw na ito.” Sagot ko sabay akbay sa aking anak. “Alam mo naman ang tradisyon sa lahi nating mga Cervantes. Kapag unang kaarawan, ika-7, ika-13 at debu ng mga anak natin ay ipinaghahanda natin sila, di ba?.”

“O tito Pol, itay… picture-picture muna.” umakbay sa akin si Alfred sabay kuha ng picture namin gamit ang bagong cell phone na iniregalo ko sa kanya.

“Siyanga pala, next month eh debu naman ng unica hija ko. Huwag na huwag na hindi kayo pupunta ha.”

“Aba eh hindi talaga puwede na hindi kami pupunta. Magtatampo iyong inaanak ko,” sagot ng asawa kong si Sally na bigla na lamang sumulpot mula sa aming likuran.

“Aasahan ko yan! Pasensya na ulit kung iyong mag-ina ko eh hindi nakarating ngayon, may sinat kasi iyong inaanak mo kanina.”

“Okay lang iyon Pol. Tumawag kanina si kumare at nagpaliwanag,” ang sagot ni Sally.

“O papaano, ako eh aalis na at hayan oh papadilim na. Happy birthday na lang ulit Alfred. Iyong regalo ko, binuksan mo na ba?”

“Naku hindi pa po, mamaya ko pa siguro maaasikasong buksan mga regalo ko.”

“Okay… okay! Hoy batang tisoy, huwag ka munang manliligaw ha… hehe.”

“Wala pa po sa isip ko iyan tito.”

“Talaga lang ha. Iyong isang bisita mong dalagita kanina eh laging nakadikit sa iyo ah. Panay pa ang sulyap sa iyo.”

“Ha… eh…”

“O kitam hindi ka makasagot. O…o…biglang namula mukha mo ah.”

“Naku tito wala lang po iyon, napakababata pa po namin ano.”

“Okay…okay… sige… sabi mo eh!. Ay siya, lalakad na ako.”

“Sige po tito. Ingat kayo,” ang sagot ni Alfred.

Inihatid ko sa labasan ang aking pinsan at ilan pa sa mga bisita namin.

Habang pabalik ako sa loob ng bahay ay napansin kong may mga uwak na aali-aligid sa bahay namin. Napansin din iyon ng ilang mga bisita naming papalabas. Iyon eh binale-wala lang ng mga bagong kakilala namin subalit sa aming mga kaybigan na alam ang kuwento ng aming pamilya ay nabakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala.

Bawat huni ng uwak na marinig ko ay parang nagpapasidhi sa kabang aking nararamadaman at nagpapabilis sa paglalakad palayo ng ilan sa mga bisita namin.

Nagsimula na ang kinatatakutan ko. Kung kaylan pa naman na parang nanumnumbalik na ang lahat sa normal. Kung kaylan na parang nakalimutan na ng mga dating kapitabahay at mga kaybigan namin doon sa sityo sa barangay na aming pinanggalingan ang mga nangyari.

Naabutan ko si Alfred na naglalagay sa ilang supot ng mga pagkaing inihanda habang ang asawa ko’y patuloy sa pagliligpit ng mga ginamit sa handaan.

“O,  saan mo dadalhin iyan?” tanong ng kanyang ina.

“Kay tito Mon po. Dadalhan ko siya ng makakain.”

“Ha! Gabi na, malayo iyon. Bukas mo na lang siya dalhan niyan!”

“Inay naman eh! Ngayon na po. Pleaasee!!! Magmo-motor naman ako eh.”

“Ay naku anak!”

“Pleaaasseee!!!” Ang nagsususumamong sabi ni Alfred sabay halik sa pisngi ng ina.

“Pero anak, baka mapaano ka. Dumidilim na oh.”

“Inay, hindi na po ako bata.”

“Hayaan mo lang si Alfred ‘nay. Binata na nga naman siya.” Pagkatapos kong sabihin iyon sa aking kabiyak eh bumaling naman ako kay Alfred. “Sige na anak, lakad ka na para makabalik ka kaagad. May pasok ka bukas kaya hindi puwedeng doon ka nanaman matutulog ha.

“Opo itay. Babalik po agad ako.”

“Huwag mabilis magpatakbo ng motor. Iyong bago na ang gamitin mo. I-check mo muna ang preno at ilaw bago mo paandarin” dugtong ko.

Sir… yes sir!”

“Kunsintidor ka talaga. Wala pa namang lisensya iyang anak mo at napakabata pa.” Bulong sa akin ng aking asawa sabay kurot sa aking baywang.

“Responsableng bata si Alfred. Sanay na sanay na siyang magmotor. Naiaangkas na nga niya ako eh.” Ang sagot ko.

Habang isinusuot ni Alfred ang helmet ay may itinanong siya.

“Itay, iyon nga po palang sunog na mga bahay sa tabi ng bahay ng tito Mon… ano po ba talaga ang nangyari doon? Ang tagal nang ganoon ang hitsura ng lugar na iyon ah. Bakit kaya hindi na inayos ng mga may-ari.”

“Ha?! Eh…” Hindi ko inakalang itatanong niya iyong sa akin. Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko sa kanya.

“Naku… naku… Alfred lumakad ka na at gagabihin ka masyado. Saka na lang ikukwento sa iyo ng tatay mo iyan,” ang wika ni Sally.

“Ang gara ah… kapag tinatanong ko si tito Mon tungkol doon eh halatang ayaw niyang ikuwento kung ano ang nangyari. Tapos ang tatay naman eh parang nagulat ng nagtanong ako tungkol doon.”

“Alfred… sabi nang lumakad ka na eh!”

“Oo nga po inay, heto na nga po bababa na.”

 “Ikumusta mo na lang kami sa tito Mon mo.”

“Sige po itay. Lalarga na po ako.”

Part 2
%d bloggers like this: