Ang Sumpa (Part 5)
Alas-siyete ng gabi ang itinakda ni kapitan na paghaharap sa baranggay. Araw ng Miyerkules noon. Sinamahan ko ang ama at si Mon. Madilim na subalit sa halip na paniki ay mga uwak ang nagliliparan sa paligid at habang kami ay naglalakad papunta sa barangay ay parang sinusundan kami ng mga ito. Tinawag ko na ngang mga alaga ni Mon ang mga uwak na iyon. Kapag nakikita ko na ang mga iyon kapag kasama ko si Mon ay sinasabi kong, “Hayan na naman ang mga alaga mo ‘tol.” Ngingiti lang siya. Kalaunan, kapag itinaas ni Mon ang isa niyang kamay ay may lalapag na uwak sa kanyang balikat.
Kitang-kita ko kung papaano dahan-dahang nagsasara ng bintana at ilaw ang bawat madaanan naming bahay. Ang mga taong nasa gilid ng daan o na nasasalubong namin, kakilala man o kamag-anak, ay halatang umiiwas sa amin. Batiin man sila ng ama ay hindi sila sumasagot, ni ayaw kaming tignan.
“Galit ba sila sa atin itay?” Ang pag-uusisa ni Mon.
“Hindi anak, hindi lang nila tayo napansin, iyong mga nasasalubong naman natin ay nagmamadali lang dahil kasi nga gabi na.”
Pilit pa ring pinagtataknap ng aming ama ang katotohan na kung puwede lang ay ayaw na kaming makita ng mga tao sa Dolores. Naiintindihan na ni Alfred kung ano ang nangyayari. Nasasaktan ako para sa kanya, nasasaktan ako para sa pamilya namin. At naawa ako sa aking kapatid. Napakabata pa niya upang danasin ang mga ganitong bagay. Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa barangay.
Nang makarating kami sa baranggay hall ay walang katao-tao sa paligid. Sanay ako na kapag may usapin sa Dolores ay alam nakakapagtakang nalalaman ng mga tao at maraming magdadatingang na mga usisero at usisera na animo’y may isang palabas. Wala rin ang mga barangay-tanod, maging ang mga kagawad. Ang tanging nandoon ay si kapitan na parang atubili pa nang kami ay pumasok at siya ay aming lapitan.
“Magandang gabi po kapitan!” Ang bungad ng aking ama pagkapasok namin. “Ano po ba ang atin?”
Lumapit si Mon at akmang magmamano.
“Sige na Mon! Kaawaan ka ng Diyos,” ang wika ni kapitan na iniwasang hawakan ang kamay ng kapatid ko. “Ah Dennis, lumabas na lang kayo nitong kapatid mo. Kami na lang ni pareng Julio ang maguusap.”
Inis man ako sa inasal ng punong-barangay namin ay kumalma lamang ako. Ang ama ko’y halatang nabwisit rin.
“Sige mga anak, doon na lang kayo sa labas. Hintayin na lang ninyo ako doon.”
Lumabas kami ni Mon. Naupo kami sa bangkong kawayan na nasa terrace ng barangay hall. Tahimik ang paligid, nakakapanibago talaga. May basketbolan pa nga sa may bandang likuran na may ilaw kapag gabi upang mapaglaruan ng mga kabataan sa lugar namin. Doon man ay walang katao-tao. Maging ang kalapit na tindahan ay sarado samantalang hanggang hating-gabi ito madalas na nakabukas.
Ganoon na kapraning ang mga tao sa Dolores dahil sa kapatid kong si Mon.
Sa simula ay hindi namin naririnig ang usapan sa loob. Ngunit ilang sandali lamang ay parang nadinig kong nagkakainitan na ang usapan. Maya-maya pa’y lumabas ang ama, padabog na isinara ang pintuan ng barangay hall.
“Tayo na mga anak. Walang kuwentang kausap ang kapitan na ‘yan.”
Pagkalabas na pagkalabas namin sa barangay hall ay nagulat ako ng biglang pasigaw na nagsalita ang ama ko na animo’y naghahanap ng away.
“Kung sino man sa inyo na nakakarinig sa akin ngayon at kayo ang nagsasabing paalisin kami ay ito lamang ang masasabi ko – wala kayong karapatang paalisin ang anak ko o sino man sa pamilya ko. Kung gusto ninyo eh harapin ninyo ako ngayon, huwag ninyong tirahin ang pamilya ko ng patalikod. At tandaan ninyo ito, ang sino mang mananakit sa sino man sa pamilya ko ay ako ang inyong makakaaway.”
“Ama tama na po,” ang pakiusap ko sa nanggigigil kong ama. Lumabas bigla ang pagkasundalo niya. Hindi man niya ipakita sa amin ay alam kong may lamang baril ang maliit na bag na laging niyang bitibit kapag lumalabas siya na kasama kami.
Noon ko lamang nakita na umasta ng ganoon ang ama at naiintindihan ko kung bakit. Kaylangang ipagtanggol niya si Mon, kaylangang protektahan niya ang buong pamilya namin.
Niyakap ni Mon ang ama. Umiiyak ito.
“Sorry po itay. Kasalanan ko lahat ng ito. Ako ang dahilan bakit nangyayari lahat ng ito.”
“Mon, anak, tandaan mo ito wala kang kasalanan. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Ang mga taong namatay ay namatay dahil oras na nila. Hindi ikaw ang pumatay sa kanila. Ni dulo ng daliri nila ay hindi mo nahawakan. Ang tao anak, ay mamatay at mamatay kung nakatakda na. Kahit ang kuya Dennis mo alam iyan.”
“Tama ang ama Mon. Kaya huwag mong sisihin ang sarili mo.”
Tumahimik si Mon. Hindi ko alam kung nauunawaan ba niya ang ibig sabihin namin ni ama.
“Tara na mga anak umuwi na tayo.”
Hindi pa kami nakakalayo masyado sa barangay hall ay bigla na lamang may naglapagang bato sa tabi namin. Binabato kami ng hindi namin malaman kung sino. Hindi rin namin malaman kung saang direksyon galing ang mga bato. Mabilis na lamang kaming nagsitakbo. Ayaw tumigil ng mga bumabato sa amin. Parang sinunsundan nila kami. Sandaling huminto si ama, sapo ang kanyang ulo. Pagkatapos ay tumakbo kaming muli. Ako man ay tinamaan din sa likod.
“Takbo lang mga anak. Bilisan ninyo.”
Pagtapat namin sa posteng may ilaw ay nakita kong may dugong umaagos ang noo ng aming ama. Nakita ko rin na habang tumatakbo si Mon ay may mga uwak na lumilipad sa ulunan niya na parang nakapayong sa kanya. Maya-maya pa ay parang nakikita kong nakaangat sa lupa ang mga paa ng kapatid ko. Hindi ko malaman kung namamalikmata lamang ba ako pero parang parang binitbit siya ng mga uwak. Ilang sandali pa’y nawala siya sa aming paningin.
Nang kami ay makarating sa bahay ay nasa terrace na si Mon. Wala na ang mga uwak. Pumasok kami, ginamot ng nanay ang sugat ni ama. Mabuti na lamang at ito ay hindi na kinayalangang tahiin.
Hindi ko ininda ang tama ko sa likod. Ang masakit ay ang mga nangyayari kay Mon at sa pamilya namin. Galit na talaga ang mga tao sa amin. Hindi lamang nila gusto kaming palayasin kundi sinasaktan na nila kami.
Kinabahan ako sa kung ano pa ang susunod na mangyayari.
Nais kong palakasin ang loob ko sa pamamagitan ng pag-iisip na parang may proteksyong ibinibigay ang mga uwak, o ang kung sino o ano, sa kapatid ko.
Kinabukasan nang hapon ay dinalaw kami ng tito Robert, isa sa mga kapatid ng ama.
“O diko, nadalaw ka. Hindi ka ba natatakot kay Mon, hindi ka ba natatakot sa amin.” Ang parang nagtatampong sabi ng ama ko.
“Ano ka ba kuya, natatakot ako pero kapatid pa rin kita at pamangkin ko at inaanak pa si Mon.”
Niyakap ng tito Robert ang ama. “Nabalitaan ko ang nangyari kagabi sa inyo. O, may sugat ka pala.”
“Ako man tito, may tama sa likod pero okay lang.”
“Si Mon, ano nangyari sa kanya?”
“Wala po tito, nakapagtatakang parang pinayungan siya ng mga uwak kagabi habang kami ay tumatakbo.”
“Ha? Huwag ka ngang magbiro ng ganyan.”
Hindi ko na nga pala dapat binanggit pa iyon dahil tiyak na hindi naman maniniwala si tito Robert. Lalo na siguro kung sinabi ko pang parang binitbit ng mga uwak si Mon at inilipad papunta sa aming bahay.
“Nasaan nga pala ang kapatid mo?”
“Nasa likod-bahay, kasama ang inay at sina Elena at Teresa.”
“Siya nga pala kuya. May mga kabataan, lima daw sila, na pinatawas kay aling Merced kanina. Wala daw makita iyong matanda. At dahil nga sobrang namamaga ang kanilang mga braso at kamay at may lumalabas na nga daw na nana eh dinala sa hospital. Hindi daw tumalab ang mga gamot na ibinigay sa hospital kaya iniuwi na lang ulit ng kanilang mga magulang ang mga bata.”
Natitiyak kong sila ang mga bumato sa amin, at marahil pinarusahan sila ng mga uwak o ng kung ano o sino pa man na parang nagbibigay ng proteksyon kay Mon.
“At ang usap-usapan ay sila daw ang mga namato sa inyo kagabi kaya nagkaganoon sila,” ang dugtong ng tito Robert.
“O, ‘di si Mon nanaman daw ang may kasalanan?” ang sabi ng ama. “At kung dahil sa ginawa nila kaya sila nagkagayon ay pasensyahan na lang. Parusa iyon sa kanila.”
Sa narinig kong iyon ay napagtanto kong pareho kami ng inisip ng aking ama. Na ayaw man namin ay parang niyayakap namin ang katotohanan na si Mon ay hindi pangkaraniwang bata, merong kung anong hiwaga o kapangyarihang bumabalot sa kanya. Kaya parang nakakatiyak kaming walang makakapanakit kay Mon.
“Malamang nga na ganoon ang iniisip nila. Pero buhay sila. Ang naririnig kong usap-usapan ay sinabi daw ni aling Merced na subukang nilang humingi ng tawad kay Mon at baka gumaling sila.”
“Malabo siguro diko na himingi ng tawad ang mga iyon.”
“Malay natin. Teka kuya, tignan mo kung sino ang paparating.”
Tumanaw kami ng ama sa may bintana.”
“Itay… sina kapitan at father Enrico, mukhang dito nga sa atin papunta.”
“Sige anak, salubungin mo at patuluyin. Sabihin mo na rin sa nanay mo at sa mga kapatid mo na maghanda ng kape at makakain para sa mga bisita natin.”