Ang Sumpa (Part 7)

third-eye-3-1Apat lamang sa limang kabataan ang kasama ni kapitan nang ito’y bumalik. Marami-rami din ang dumating na tao sa amin ng hapong iyon. Bukod sa mga magulang ng mga namato ay may kasama pa silang ibang mga kamag-anak.

Si father Enrico ang nakiusap sa mga bisita namin na tanging ang mga kabataan lamang at mga magulang nila ang dapat na pumasok sa loob ng bahay. Iminungkahi ng pari na magkulong muna sa kuwarto si Mon.

Nandiri ako ng makita ang mga namamagang kamay ng namato sa amin, kulay ube’t asul at may nana ngang lumalabas. Nagkakandaiyak ang mga ito sa nararamdamang sakit. Nawala ang galit na nadama ko sa kanila, napalitan ng awa. Isa sa kanila’y inaanak pa sa binyag ng ama ko.

“Pare, ako na ang humihingi ng dispensa sa ginawa ng mga batang ito sa inyo kagabi.” wika ni mang Andy, isa sa mga tatay. “Hindi ko akalain na pati itong inaanak mo sasali sa ganoong uri ng kabulustugan. Kahit nga maga ang mga kamay ay napalo ko pa rin dahil hindi man lang niya naiisip na ninong ka niya.”

“Hindi ko akalain na mangyayari ang ganito, hindi ko akalain na hahantong ang lahat sa sakitan. Mabuti na lang at hindi kami napuruhan kagabi,” ang sagot ni ama.

“Eh, ang hirap din ng kalagayan namin. Bakit ganito ang nangyayari sa lugar natin. Datin naman tahimik tayo dito. Takot na takot na kami sa anak mo. Pasensya na kung nasasabi ko ito ngayon pareng Julio. Tignan mo nga ang mga kamay nitong inaanak mo oh.”

“Aba teka muna mareng Vicky. Kayo ba ay nagpunta dito para ipamukha sa amin na kasalanan namin ang mga nangyayaring ito?”  Ang tila galit na sabi ng aking ina. “May katibayan ba kayo na ang may kagagawan niyang pamamaga ng mga kamay ng mga anak ninyo ay si Mon?”

“Teka, teka. Huminahon kayo aling Vicky… aling Estella. Huwag masyadong mainit ang mga ulo ninyo,” ang wika ni father Enrico. “Daanin natin sa mahinahong usapan ang lahat. Manahimik muna lahat mga matatanda. Unahin muna natin ang mga bata.”

At tumahimik nga ang lahat matapos sabihin iyon ni father.

“O mga bata, tumayo kayo diyan, sumama kayo sa akin sa kuwarto ni Mon. Magdadasal lang tayo. Kayong mga matatanda, dito lang kayo, sumabay kayo sa aming  pananalangin kung gusto ninyo.”

Mula sa kuwarto ay dinig namin na pinangunahan ni father Enrico ang pagrorosaryo. Ang tanging naririnig kong tinig na nakikipanalangin ay si Mon. Isang debotong Katoliko kasi ang nanay at tuwing gabi ay inoobliga kaming samahan siya sa pagdarasal at pagrorosaryo kaya kabisado naming magkakapatid ito.

Nakita ko ang reaksyon ng mga taong nandoon. Nagtitinginan sila, marahil nagtataka kung bakit nakakapanalangin si Mon. Marahil katulad ko din na ang inaakala nila ay may masamang espiritu na lumukob kay Mon at dahil doon ay takot ito sa krus at hindi makakatawag sa Panginoon.

Ilang sandali pa ay wala na kaming naririnig mula sa kwarto. Parang natapos na ang pagdarasal nila ng rosaryo. Naunang lumabas si father Enrico. Pagkalabas ay isinarado nitong muli ang pintuan ng silid, naiwan si Mon at ang mga kabataan doon.

“Hinayaan ko munang mag-usap usap sila sa loob.”

Father baka kung anong gawin ni Mon sa mga anak namin.”

“Vicky, kanina pa ako napipikon sa iyo. Ano ba ang tingin mo sa anak ko ha, impakto ba ang anak ko?” Ang sabi ng aking ina na pigil na pigil ang panggigigil.

“Mare sige nga ipaliwanag mo. Ilan na ba ang namamatay o nagkakasakit o minamalas  dito sa atin kapag natatapatan ni Mon ang kanilang bahay? Ipaliwanag mo kung bakit ang  lugar natin ay parang ginawa ng pugad ng mga ibong uwak na madalas ay sa bubong ninyo aali-aligid.” ang nanggagalaiting sagot naman ni aling Vicky.

“Walang kasalanan si Mon.” Ang wika ni father Enrico. “Meron kung anong mahiwagang nangyayari dito sa lugar natin na kaylangan nating tuklasin. Hindi impakto si Mon, hindi siya demonyo, napatunayan ko iyan, maging si kapitan man ay saksi.”

Father paano nga ninyo maipapaliwanag ang mga nangayayari. Nagkakataon lang ba na nauugnay si Mon sa mga pagkamatay at pagkakasakit nga ilang mga taga dito sa atin. Nagkataon lang ba na binato ng mga anak namin sina pareng  Julio kagabi kaya  namaga ang mga kamay nila? ang sagot ni Vicky. “Pustahan tayo father, dahil ganito ako magsalita ngayon, mamaya o bukas o bago matapos ang linggong ito ay may mangyayari sa aking hindi maganda. Baka bibig ko naman ang mamamaga mamaya.”

Bumukas ang pintuan ng kuwarto. Lumabas ang mga kabataan. Lahat ng tao sa loob ng bahay ay nakatuon ang tingin sa kamay nila.

“Inay, magaling na po ako, hindi na maga ang mga kamay ko, wala na ang nana.” Ang tuwang-tuwa na sabi ng isa sa kanila.

“Ginamot kami ni Mon.” Dugtong ng isa pa.

Magkahalong tuwa at pagtataka ang nakita ko sa mga panauhin namin. Natutuwa sila sa dahilang magaling na ang kanilang mga anak, nagtataka kung ano nga bang hiwaga ang mga nangyayari.

Nilapitan ni Mon si Aling Vicky at dinig na dinig naming lahat ang kanyang sinabi.

“Aling Vicky, huwag po kayong mangamba. Wala pong mangyayaring masama sa inyo. May nagbulong po sa akin at sinabing mahaba daw ang magiging buhay ninyo.”

Natahimik si aling Vicky sa narinig. Marahil ay taking-taka ang mga naroon kung paanong nalaman ni Mon na may ganoong alalahani si aling Vicky ganoong nasa loobnaman siya ng kuwarto nang nagsalita ng ganoon ang ale. Pero ako ay hindi na nagtaka. Ang gusto ko na laman na abangan ay kung ano pa ang susunod na hiwaga ang kasasangkutan ng aking kapatid.

Nag-alisan na ang mga panauhin namin matapos pa ang ilan pang minuto. Tanging sina father Enrico at kapitan na lamang ang naiwan.

“Siyang pala Julio.”

“Ano po iyon father?” Ang wika ng ama.

“Marami akong nalaman tungkol sa angkan ng mga Cervantes mula doon sa madreng kasama ko sa simbahan.”

“Ganoon po ba?”

“Oo Julio. Napakadami at…. mahirap paniwalaan. Gusto ko na sanang ikuwento sa inyo ngayon pero gahol ako sa panahon. Kaylangang ko na na bumalik sa simbahan para paghandaan ko iyong misa bukas.. Puwede bang pasyalan na lang ninyo ako sa simbahan bukas para makapagusap tayo ng masinsinan.”

Nagkatinginan kaming mag-anak. Tinanguan ni ina si ama tanda ng pagpayag nito sa gustong mangyari ng pari.

“Puwede po father.” Ang tugon ng ama.

“Sige… sige… Hihintayin ko kayo. Isama mo si Mon.”

Part 8

Advertisement
%d bloggers like this: