salamat sa iyong SAGOT (payong KAYBIGAN atbp)

Tibong Cagayano, 02-06-10

Capture

sa tula kong “tama ba naging DESISYON?”
sa mga kakilala’y umani ng atensyon,
mga kaibigan at kamag-anak tumugon,
nagbigay payo at konting panahon.

ako nga ay talagang nagulat,
sangkaterba ang mga nagsulat,
kanya-kanya ng tugong isiniwalat,
sagot sa katanungang aking inungkat.

may mga sumagot sa “text”, meron din sa “phone”,
may “comment” sa FB message, sa Friendster din meron,
at ang isang ito ay kakaiba… ako’y pinagmumura,
bulok daw “style” ko, sa paggawa ng tula!

ako’y nangiti na nauwi sa tawa… hahaha…
sa mga sagot na pinadala sa tula kong gawa.
katha ko pala’y parang “blockbuster” na pelikula,
maraming bumasa at pumatok sa takilya.

lahat ng sagot, isa-isa kong binasa,
“honestly”… ako’y medyo nadismaya!
pagkat pare-pareho lang naging tugon nila,
piliin ang pamilya, sang-ayon sa aking naging pasya.

kasagutan mo, ako ay naghintay,
talagang sabik sa tugon mong ibibigay,
alam kong ikaw ay mag-aalay,
ng sagot na naiiba ang kulay.

ngunit ng aking mabasa mga binanggit mong kataga,
tulad din ng mga sagot nila, tugma sa desisyong aking ginawa.
ganunpaman, iba pa rin ang hatid nitong ligaya,
pagkat ito’y dinaan mo sa napakagandang tula!

ginawa mong tula ay napakarikit,
talagang tumagos sa puso ko bawat katagang iyong sinambit,
mga salitang binigkas parang latigong humagupit,
at ang mensaheng dala, tulad ng hapdi at sakit, talagang kumapit!!!

ang gusto ko sanang malaman at mabasang kasagutan,
yung salungat sa naging pasya ko’t naramdaman,
ng malaman ko rin ang mga rason,
ng mga taong ang pipiliin ay ang ambisyon.

kaya nga isa rin sa mga inaasam-asam ko na sana’y tumugon,
si ARNOLD GUNNACAO, PNP Provincial Director ng Bataan ngayon,
sapagkat idolo ko siya, kaybigan, kasangga at katoma ko noon,
BRO ko pa sa samahan ng mga makikisig na Mason.

hindi naman sa ako ay nagsisisi,
at ambisyon ko’y binalewala, pamilya’y mas pinili,
“curious” lang ako at gustong masuri,
ano kaya kung iba noon ang aking minithi.

marami kasi ang nagtatanong at nagtataka,
bakit daw sa serbisyong pulisya ako’y kumawala,
maganda daw ang hinaharap na aking winala,
tanong nila, ako raw ba ay may topak na?

kaya sa aking mga kaybigan, kakilala at mga kamag-anak,
huwag sana kayong mangiming magsulat,
kung ang tugon niyo man sa pasya ko’y salungat,
naiintindihan ko ito, at sa inyo pa nga’y magpapasalamat!

huwag niyo lang sanang bigyan ng ibang kahulugan,
tunay kong hangarin kaya itinanong ko yan,
bunsod lang ito ng pagdaramdam,
sa mga taong nagsasabing ako’y buwang… serbisyo’y iniwan!

oo nga pala, hinihingan mo rin ako ng payo,
sa mga drama ng buhay mo, anong masasabi ko?
lahat ng sasabihin ko, ‘igan… sana’y pagpasensiyahan mo,
dahil kaybigan akong magpapayo at di isang eksperto.

maraming beses na rin akong nagapi,
ng mga bagay na nangangailangan ng desisyong malaki!
lagi kasing utak ang pinaiiral at pinapipili,
kinalimutang sa puso kailangan ding sumangguni!

dikta ng utak pansamantalang isantabi,
humakbang ka sa direksiyon, kung saan ka “HAPPY”
sundin mo tibok ng iyong puso,
sigurado akong langit ang mararating mo!

maiba ako panandali ng paksa,
gusto ko lang sa iyo ay ipa-alala,
mga bumabasa sa palitan natin ng tula,
baka naman naiiyak na sila!

laman kasi ng tula natin sobrang seryoso na,
balun-balong luha na nga pumatak sa aking mga mata,
ayan… misis ko galit na sa ating mga drama,
wala kasing hinto sa paglalaba ng mga panyo kong puro basa na!

Advertisement
%d bloggers like this: