Sino Ang Dapat Sisihin?

Kapag nale-late ka pagpasok sa trabaho o sa isa mong appointment, alin ang kadalasang itinuturo mong dahilan – traffic o masamang panahon? Alin man sa dalawa, tama ba? Maaari din naman na ang sinisi mo ay ang alarm clock na wika mo’y hindi tumunog o kaya’y naubusan ng battery ang cell phone mo. Noong ang isa mong relasyon ay humantong sa hiwalayan o nakagalit mo ang isa sa mga kaybigan o mahal mo sa buhay, sino ang sa palagay mo ang may problema – ikaw o ang kabilang partido?
Kapag nagkaroon ka ng problema o nahaharap ka sa isang aberya, kapag ang mga bagay-bagay sa buhay mo eh hindi sumangayon sa iyong kagustuhan, kapag ang mga pangarap mo ay hindi natutupad, sino o ano ang itinuturo mong dahilan? Sino sa palagay mo ang dapat sisihin?
Si Jim Rohn, isa sa mga paborito kong motivational speaker, minsan ay nagkuwento. Isang araw ay tinanong daw siya ng mentor niyang si Earl Shoaff kung bakit noong panahong iyon ay walang nangyayaring maganda sa kanyang buhay. Pakiramdam daw ni Jim Rohn na parang nasukol siya sa tanong na iyon. Sinabi niya kung sino-sino at ano-ano ang mga dahilan kung bakit tila ay, hindi siya umaangat sa buhay – government, weather, traffic, company policies, negative relatives, cynical neighbors, economy, and community.
Ikaw ba? May listahan ka din ba ng kung sino-sino at ano-ano ang dahilang kung bakit hindi natutupad ang mga pangarap mo sa buhay at kung bakit hindi ka umaasenso?
Kanino ba ibinabaling ng karamihan ang sisi kung bakit wala silang mahanap na trabaho? Siyempre ang numero uno sa listahan ay ang gobyero. Itinuturing nilang obligasyon ng mga nahalal na pinuno ang lumikha ng trabaho para sa kanila. Pero imposibleng mabigyan ang bawat mamamayan ng trabaho. Hindi ka rin kusang lalapitan ng trabaho. Hindi regalo ang trabaho. Paghirapan mo dapat ito. Ito ay dapat mong hanapin at kaylangan handa ka kapag dumating ang oportunidad na iyon. Ang kahandaan ay nangangahulugang taglay mo ang karampatang edukasyon at training. Kung hindi ka man pormal na nakapag-aral ay may ibang paraan upang taglayin mo ang kaalaman at kakayahan na hinihingi ng trabahong gusto mo. Sabi nga nila, “Kung gusto ay may paraan, kung ayaw ay maraming dahilan.”
Pero papaano kung hindi ka nakapag-aral o nakapag-training? Sino ang dapat mong sisihin? Sige, i-check mo ang listahan mo ng kung sino-sino at ano-ano ang dahilan kung bakit hindi ka nakapagtapos ng iyong pag-aaral. Malamang kasama sa listahan ang iyong mga magulang. Siyempre pa, kasama nanaman ang gobyerno. Obligasyon din daw ng mga nasa poder ng kapagangyarihan na magbigay ng libreng edukasyon. Tama naman. pero ang tanong – Kaya bang tustusan ng pamahalaan ang libreng edukasyon mula sa elemetarya hanggang kolehiyo para sa lahat? Alam mo ang sagot. Hindi kaya ng gobyerno na pagaralin ng libre lahat ng mamamayan.
At hindi rin kaya ng gobyerno na bigyan lahat ng mga mamamayan ng trabaho. Imposible iyon. Kahit ang pribadong sektor ay hindi rin kayang gawin ang naturan. May limitasyon ang trabahong kayang ibigay ng gobyerno at ng pribadong sector. Iyan ang isa pang katotohan na sa ayaw at sa gusto mo eh dapat mong tanggapin.
Kung ganoon, ano ang dapat mong gawin? Tiyakin mo na ikaw ang makakuha ng trabaho na iaalok ninoman. Dapat ay taglay mo ang kaalaman at mga skills na kaylangan sa larangang napili mo. Dapat maging competitive ka. Dapat ay isa ka sa mga the best sa propesyong iyong napili. At kung sa bansa natin ay walang job opportunities, o hindi ka satisfied sa compensation package, puwede mong subukin ang pangingibang bansa. Lakasan lang ng loob iyan.
Sa mga taong hindi papalaring makahanap ng trabaho o ayaw mamasukan sa dahilang ayaw nilang manilbihan sa isang amo o boss, ay maaaring magtatag sila ng sarili nilang negosyo. Hindi lahat ng tao ay nagsanay o nag-aral upang pumasok sa isang kumpanya. Meron sa ating magaling magnegosyo at sa ganoong paraan sila umaasenso. Meron sa atin ang magiging magsasaka, mangingisda, tubero, tindera sa palengke, barbero, cashier, driver, singer, bartender, at kung ano-ano pa. Meron at merong mahahanap na trabaho o pagkakakitaan ang isang tao sangayon sa kanyang kakayanan at edukasyon. Ano man ang nakayanan mong mahanap na trabaho o maging hanapbuhay ay dapat mong ikarangal at ipagpasalamat. Marami rin kasi sa atin na ang gusto sa buhay ay maging malusog sila at masaya at hindi nila prioridad ang magkaroon ng limpak-limpak na salapi. Nagkakasya sila sa kung ano ang kanilang nakayanan.
Dapat tanggapin ang katotohanan na may mga taong mayaman at mahirap. At huwag nating sisihin ang mga mayaman kung hindi nila tutulungan ang mga mahirap. Huwag nating sisihin ang mga mayaman nating kapatid, kamag-anak, kaybigan o kapitbahay kung hindi ka nila bahaginan ng kung ano mang meron sila. Ang dapat mong gawin ay magsikhay at magsikap upang magkaroon ka ng kung anong meron sila. O dili kaya ay makuntento ka sa kung anong meron ka.
Tayo ang magdedesisyon kung saan tayo mabibilang sa mga susunod. Una – maging mayaman. Pangalawa – magkaroon ng sapat na pera para matutustusan ang mga pangangaylangan sa buhay at kaunting ekstra para sa ilang simpleng luho. Pangatlo – kumain ng 3 beses isang araw. Ikaw, saan mo gustong mabilang – una, pangalawa, o pangatlo? Iyan ay nakasalalay sa uri ng pagsisikap na gagawin mo. Kung tamad ka ay sa pang-apat na kategorya ka masasadlak – GUTOM.
May mga tao na namumuhay ng simple pero masaya. Meron naman na matayog ang pangarap, nagsisikap at nakakarating sila sa gusto nilang marating. Lahat tayo ay may posibilidad na mabilang sa una. Walang makakapigil sa atin kung gusto nating maging mayaman. Pero mahirap itong gawin. Hindi ito madali.
May dalawang daan patungo sa pangarap na maging mayaman (at hindi dito kabilang ang pagnanakaw). Una, tumaya ka sa lotto at ipanalangin mong mapanalunan mo ang jackpot. Pangalawa, tularan mo ang pagsisikap at pagsisikhay na ginawa ng mga taong naging milyonaryo at bilyonaryo.
At kung hindi matupad ang mga pangarap mo, meron ka bang dapat sisihin? Ito kasi ang isang problema sa mga taong nabibigo at humaharap sa mga matinding pagsubok sa buhay – lagi silang naghahanap ng sisisihin. Sisisihin nila ang kanilang mga kamag-anak, magulang, kapatid, asawa, o kaybigan. Sasabihin nilang walang sumusuporta sa kanila. Tandaan nating ang suporta ay kusang ibinibigay. Hindi ito isang karapatan o pribilehiyo. Hindi obligasyon ng kahit pa ng mga mahal mo sa buhay na ikaw ay tulungan. Maliban na lang kung ikaw ay lumpo. Ang tanong – Lumpo ka ba?
Napakadaling sabihin na tungkulin ng mga mahal natin sa buhay na tayo ay tulungan. Pero papaano kung sila man ay nangangaylangan din pala ng tulong. Paano kung sila man ay problema rin ang kung nila itaguyod ang kanilang buhay? At halimbawa man na alam nating may kakayanan sila na tayo ay tulungan ngunit ayaw nilang gawin? Puwede ba natin silang pilitin? Ang sagot ay hindi. Kaya may dalawang bagay tayong dapat isaisip. Una – huwag manisi. Pangalawa – huwag umaasa. At kung umaasa ka na ikaw ay tulungang ng mga mahal mo sa buhay ay may katanungan kang dapat sagutin – Karapat-dapat ka bang tulungan? Hindi kaya may dahilan kung bakit ayaw ka nilang tulungan? At bakit kasi kaylangan mong mamalimos ng tulong? Hindi mo ba kayang tumayo sa sarili mong paa?
At huwag na huwag nating sisisihin ang ating mga magulang kung bakit hindi tayo umaasenso sa buhay. Hindi nating puwedeng sabihin na hindi nila ginawa ang mga bagay na dapat gawin upang tayo ay magtagumpay. Ano mang uri ng magulang tayo meron – responsable o hindi – ay darating ang panahon na hahawakan natin ang timon ng ating sariling buhay. Ang tanging tungkulin ng magulang ay arugain at alagaan ka mula nang isilang ka ng iyong ina hanggang kaya mo ng magsarili at tumayo sa sarili mong mga paa. Ikaw ang magtatakda kung kaylan ka magsasarili at sisimulang itaguyod ang sarili mong buhay.
Hindi habang buhay na nasa poder tayo ng ating mga magulang. At hindi nila kasalanan kung wala silang ipapamana sa ating yaman. Pagdamutan natin kung ano ang kanilang nakayanan na gawin para sa atin. Magpasalamat kung tayo ay kanilang mapapag-aral hanggang kolehiyo. Kung hindi, aba eh gumawa tayo ng paraan. Dumiskarte tayo, siyempre sa marangal na paraan.
Kung 25 anyos ka na ngayon o mas matanda pa, heto ang aking katangungan – Ano ang ginawa mo noong hawak mo na ang timon ng iyong buhay? Noong nasa driver’s seat ka na at kontrolado mo na ang kahihinatnan ng iyong tadhana, ano ang ginawa mo? Nagplano ka ba para sa iyong kinabukasan? Nag-ipon ka ba? Ginawa mo ba ang dapat mong gawin upang tiyakin na matutupad lahat nga pangarap mo? Nagsikhay at nagsikap ka ba?
Ngayon, balikan natin iyon kuwento ni Jim Rohn. Hindi iyon natapos nang binanggit niya kung sino-sino at ano-ano ang mga dahilan kung bakit hindi siya umaangat sa buhay at bakit wala siya kahit singkong duling na naimpok sa bangko. Matapos ang kanyang litanya ay may sinabi si Mr. Shoaff na ang punto ay bakit daw hindi isinama ni Jim Rohn sa listahan ng kung sino-sino at ano-ano ang mga dahilan kung bakit hindi siya umaasenso ang kanyang SARILI.
Ang ibig sabihin ni Mr. Shoaff ay ibang tao at bagay ang itinuturong dahilan ni Jim Rohn kung bakit hindi siya nagtatagumpay. Hindi kaya na ang tunay na dahilan ay SIYA mismo?
Bago daw nagdesisyon si Jim Rohn na magtrabaho sa kumpaya ni Mr. Shoaff, ay binago niya ang listahan ng kung sino-sino at ano-ano ang dapat sisihin kung bakit hindi siya umaasenso. Isa na lamang daw ang isinulat niya – AKO.
Ikaw ba? Meron ka bang kahalintulad na listahan. Sino-sino at ano-ano ang dahilan kung bakit hindi mo nakamit ang mga minimithi mo sa buhay? Kasama ka ba sa listahan mo? At huwag sanang dumating sa punto na pati ang Panginoong Diyos natin ay sinisisi mo sa hindi magandang takbo ng iyong buhay.
Ano man ang kahihinatnan ng buhay natin… aasenso ba tayo o hindi… matutupad ba ang mga pangarap natin o hindi… ay resulta ng mga desisyong ginagawa natin araw-araw. Iyan ay is pang katotohang dapat nating tanggapin.
Ang tadhana mo ay ang kabuuan ng lahat ng desisyong ginawa mo mula noong ikaw na ang kumokontrol sa sarili mong buhay hanggang sa kasalukuyan. Kaya kung nasadlak ka sa kabiguan, wala kang ipon, hindi mo narating ang gusto mong marating, hindi malusog ang iyong pangangatawan at pag-iisip, hindi ka masaya ay sino ang dapat mong sisihin? Manalamin ka at doon mo makikita ang kasagutan.
Pero, wika nga ni George Eliot, “It is never too late to be who you might have been.”