kaybigan… huwag ka sanang MADISMAYA! 

Tibong Cagayano, 04-03-10
him 32nd

Kaybigan kong katulaan sa akin sana’y huwag madismaya,
kung wala na akong maibahagi pa sa iyong iba,
na kuwentong ligawan nung tayo’y mga binatilyo pa,
sapagkat kay Magie lang ako nanligaw ng seryoso talaga.

Ako nga ay lubos na nalulungkot,
at wala na akong ibang kuwentong ligawan na mai-post.
bakit ba hindi ko sinubukan noon ang maging haliparot,
disin sana’y marami din akong mga kuwento na sa iyo’y maipaabot?

Bagama’t nabanggit ko ngang may pinagbalingan akong iba,
nang panliligaw noon, bahagi lang ‘yun ng aking istratehiya,
ang nangyaring ligawan naman na iyon ay parang kaning malabsa,
hindi masarap, walang lasa, ni wala nga akong love letters na ipinadala.

Noon kasing ako ay nasa hayskul maliit lang ang mundo kong ginagalawan,
umiikot ito sa panliligaw kay Magie at sa paghasa ng kakapiranggot kong karunungan,
wala ding masyadong bagay na masasabing aking pinagkaabalahan,
maliban sa paminsan-minsang pagsama sa mga barkada sa mga gawaing kalokohan.

Noong panahon ng hayskul naman kasi ay talaga namang dibdiban,
ang ginawa kong pakikipagharutan sa mga libro sa silid-aklatan,
nagpupuyat sa gabi, nagsusunog ng kilay upang ang kinabukasan,
ay mapaghandaan ng husto dahil nga sa ambisyong nais kong makamtan.

Kapag araw ng Sabado at Linggo, ang akin namang pinagkakaabalahan,
ay ang paglalaro ng basketbol na siya kong isports na nakahiligan,
hindi sa pagmamayabang pero mahusay ako sa larong iyan,
kung naging matangkad nga lang ako, isa na sana akong basketbolistang mayaman.

Iyong panliligaw ko rin sa magandang pinsan ni Magie,
nabanggit ko ito noon sa mga tulang aking ipinamahagi,
ang ligawang ‘yun ay parang kandilang walang sindi,
dahil hanggang padala lang naman ng sulat ang nangyari.

Yun lang ligawan namin ni Magie ang talagang makulay,
kaya naman hindi ko ito makalimutan habang ako’y nabubuhay,
isa kasi itong ala-ala na nakadikit na sa aking bituka’t atay,
pagkakaingatan at babaunin ko ito hanggang sa aking hukay.

Kaya nga ngayo’y di ako makatulog at aking pinag-iisipan,
ano kaya ang pwede kong ikuwento sa iyo aking kaybigan,
hindi naman kasi kagaya mo ang aking naging kapalaran,
na puno ng ligawan ang sa buhay iyong naranasan.

Hahayaan ko na nga lang na inggitin mo ako,
sa mga ibabahagi mong mga kuwentong may pagkapilyo,
kapag nabasa ko naman ang mga tula mo ukol dito,
ngingiti na lang ako sabay iisiping kaybigan ko talaga’y bohemyo.

Noon din kasing panahon na tayo ay nasa hayskul,
itong kaybigan mo ay hindi talaga mahilig magbulakbol,
mas nanaisin ko pa noon ang maghapong maglaro ng basketbol,
kaysa maglakwatsa, manligaw o maghanap ng trobol.

Maski na nga na ang ama ko ay lapitin ng mga babae,
dahil na nga sa kapogian niya at kakaibang diskarte,
medyo malas lang siguro at di ko namana ang kanyang pagkapogi,
pero nakuha ko naman ang talino niya kaya ako pa rin ay masuwerte.

Pero alam mo bang noong sa PMA ako ay grumadweyt,
at naging Major ang ranggo sa PNP sa edad na twenty-eight,
para akong nilalanggam na napakatamis na chocolate,
nilalambing at hinaharot ng mga tsiks, sa akin kusa silang lumalapit.

Pero sa kabila ng mga ito ang lakad ko’y talagang diretso,
sa sumpaan namin ni Magie hindi ako sumira sa pangako,
mahal ko kasi siyang tunay at mahal niya rin ako,
sapat na ‘yung dahilan para lumayo ako sa tukso.

Habang ginagawa ko ang tulang ito,
si Magie ay kasalukuyang abala sa pagluluto,
natatawa siya at sabi’y sinungaling daw ako,
sa pakikialam sa akin, nasunog tuloy ang kanyang niluluto.

Pero huwag mong bigyan ng ibang kulay ang sinabi niyang ito,
ganyan lang siya sa paglalambing sa akin, ako ay kanyang binibiro,
alam naman niyang lahat ng tinuran ko dito ay tutoo,
bukas kasi ang aklat namin sa isa’t isa, walang sikretong tinatago!

Muli… ako sa iyo ay humihingi ng dispensa,
huwag kang magtatampo kung kuwentong ligawan, ako’y wala na,
sa mga tulang ang paksa ay ligawan na sa akin ay iyong ipapadala,
sabay naming babasahin ito habang kami’y namamahinga.

Advertisement
%d bloggers like this: