Pang-101 Tula Para Kay Stella

Tula 4

Taludturan ay muli kong lalakbayin
Pintig ng puso’y pagtutugma-tugmain
Talinhaga nito pilit mong talusin
Sa kanyang kariktan sarili’y lunurin

Mga saknong sa tayutay hahabiin
Maraming pagwawangis dito’y gagamitin
Hindi dahil nais isip mo’y guluhin
Nang ito’y maarok puso ang gamitin

Damdaming dumaloy sa bawat taludtod
Ay laman ng pusong sa pantig tumibok
Kung isip ang gagamitin ‘di mo maaarok
Tanging sa puso damdami’y iindayog

Mata mo sana’y ipikit aking giliw
Sumayaw tayo sa kumpas ng aliw-iw
Sabihin man nilang ako’y isang baliw
Pag-ibig sa iyo’y hindi magmamaliw

%d bloggers like this: