U g a l i
Iba’t-ibang tao, iba’t-iba ang ugali. May ugaling maganda, at syempre may pangit din.
Kung may mapagbigay ay meron ding madamot. May masipag at meron din naman nuknukan ng tamad. May mga taong mabuti na ayaw gumawa ng ano mang bagay na nakakasakit sa kapwa-tao at meron namang ang makapanakit ang hanap. May mga taong ang nais ay tumulong, ang mai-angat ang moral at dignidad ng kapwa nila. Sa kabilang banda, may mga taong mapanira at mapanakit na ang nais ay guluhin ang buhay ng mga taong kinaiinisan o dili kaya’y kina-iinggitan nila. May mga taong ang bisyo ay hanapin ang kapintasan ng iba upang ito’y pag-usapan at pagtawanan. May mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng iba at merong ubod ng yabang.
Saan ka, saan ako, saan tayo nabibilang na uri ng tao? Anong ugali tayo meron? Bulayi’t pag-isipan natin.
Minsan kasi sobra ang pagkilala natin sa ating mga sarili. Tingin natin ay tayo na ang pinakamagaling. Kung minsan kung makapang-hamak tayo ay para walang bahid ng kapintasan ang ating pagkatao. Kung makapang-lait tayo eh akala natin perpekto tayo. Napaka-ganda at gwapo ba natin. Napa-kaseksi at kisig ba natin. Manalamin kaya tayo at baka makita natin na ang hugis at itsura natin ay kalait-lait din.
O sige perpekto na ang hitsura natin ang tanong eh kumusta naman ang ating ugali.
O heto, unawain mo!
Tumalino ka lang ng kaunti, eh bobo na ang tingin mo sa lahat. Bakit? Kasing-talino ka ba ni Albert Einstein? Gumaling ka lang mag-English eh feeling mo genius ka na. Teka, baka naman mali-mali pala grammar at pronunciation mo.
Tumangkad ka lang ng kaunti eh bansot na ang lahat ng nakapaligid sa iyo. Bukod ba sa tangkad ano pang meron ka? Baka naman iyan lang ang maituturing mong asset mo. At saan mo naman nagamit ang katangkaran mo at masyado mong ipinagyayabang.
Ang problema minsan may mga bansot na hindi nila alam na bansot sila. At may mga bansot naman na sobrang tangkad ang tingin sa sarili.
Pumuti ka lang ng kaunti sa tulong ng glutathione…pinatangos lang ni “Belo” ang ilong mo at binanat ang balat mo eh feeling mo artista ka na. Kumukupas ang ganda at kakisigan. Kumukulubot ang balat. Ang pekeng kaputian ay nabubura kapag isang araw na mainit ay nakalimutan mong magdala ng payong at wala kang masisilungan.
Nagkapera ka lang eh parang “aliping saguiguilid” at “aliping namamahay” na ang tingin mo sa kapwa mo. Hindi ka dugong maharlika! Hindi na panahon ng mga Kastila. H’wag mo laging ipangalandakan na ikaw ay mayaman…na may mga relo at alahas kang mamahalin…na napakarami mong mamahaling mga bag, sapatos at damit…na nakarating ka na dito at doon. Yabang ang tawag d’yan. Kahambugan. “Hubris.”
Tandaan mo, hindi ka araw at mga tao sa paligid mo ay mga planeta na ang buhay ay iikot sa iyo.
Mayroong mga taong nagbibigay ng kusang-loob. Bukal sa kanilang kalooban ang tumulong at magbigay, walang hinihintay na ano mang kapalit. May mga tao namang tumutulong at nagbibigay upang ikaw ay may tanawing kang utang na loob. Sa bangdang huli ikaw ay kanilang bibilangan at susumbatan.
Pero kung may ganyang ugali ang ibang tao ay tiyak na may taglay din silang kabutihan. Wala kasing isinilang na perpekto. May mabuti at may masama. Sa katotohanan ay ang tao ay parehong mabuti at masama. Ang sino mang tao ay may mga katangiang maganda at meron ding taglay na kagaspangan. Depende na lang kung ano ang mas nangingibabaw sa kanya at kung ano ang pipiliin n’yang ipakita.
Ganyan ang mga kaybigan natin at mga mahal sa buhay…hindi perpekto. Maging ang mga kapit-bahay natin, ang mga kasamahan sa trabaho at mga taong nasasalubong natin sa daan. Hindi rin sila perpekto.
H’wag mong iisipin na ang mga taong hindi nagsisimba (o sumasamba) ay mga walanghiya at walang takot sa Diyos. Sino ka para husgahan sila. Kahit ang mga halos ay matulog na sa simbahan (o sa kapilya) ay hindi rin perpektong mga tao. Kahit nga mga taong simbahan mismo eh…mga pari at madre…ay mag mga kapintasan din. Tao din lang sila, katulad mo, katulad ko. Taong maaring mahilig rin sa tsimis, o baka traydor, o baka mapag-imbabaw. O makasalanan na katulad ng karamihan sa atin.
Hindi sukatan ng kabutihan ng tao ang hawak n’yang bibliya o rosaryo, o sa suot n’yang abito o belo. Hindi lahat ng nagsisimba o aktibo sa gawaing-simbahan at lagi pang gumagamit ng salita ng Diyos ay banal. Sinusukat ang kabutihan sa mga salitang namumutawi sa bibig ng tao, sa mga ginagawa n’ya, sa kung papaano n’ya tratuhin ang kapwa-tao at sa mga iniisip n’ya.
Kahit saan ay may mga taong mabuti at masama. Kahit saan ay makakakita tayo ng mabuting ugali o dili kaya ng kagaspangan. H’wag nating talikuran ang mga kaybigan nati’t mga mahal sa buhay na hindi natin nagugustuhan ang ugali, dahil tayo man ay katulad din lang nila, hindi perpekto. Walang perpekto. Lahat ay may bahid-dungis, lahat may kapintasan, lahat ay nagkakasala. Tanggapin natin sila’t tulungang magbago katulad nang pagtanggap nila sa atin at pagtulong na tayo’y magbago.
H’wag mong asahan na ang kapit-bahay mo, o kasama sa trabaho, o ang masasalubong mo sa daan ay mga taong walang bahid dungis. Madi-disappoint ka sigurado. May mga kapintasan sila, katulad mo rin, katulad ko.
H’wag kang mangarap na makatagpo ka ng magulang, anak, asawa, kasintahan, kamag-anak o kaybigan na perpekto, na walang masamang ugali dahil ikaw man, aminin mo man o hindi, ay may masama ka ring ugali… may topak ka din pagkaminsan, o baka nga madalas eh. H’wag mo nang pansinin, kainisan o pagtawanan ang kakulangan nila dahil kapag humarap ka sa salamin at pagmasdan mo ng mabuti ang sarili mo ay t’yak may kapansin-pansin, nakaka-inis at nakatawa din na bahagi ng katawan o pagkatao mo.
H’wag nang pangaraping mababago natin ang ugali ng mga tao sa paligid natin. Imposibleng mangyari iyon. Ang pangarapin at pagsikapang gawin na lang sana ng bawat isa sa atin ay baguhin ang sa palagay natin ay magaspang na bahagi ng ating pagkatao.
Leave a comment
Comments 0