Buhay Hayskul – Ligawan Part 2

high school
Hardpen, 04-06-10

Ang malaman na si L.P. sa akin may
sapat na iyon upang sa “cloud 9” ako’y makarating,
batid ko din naman pag-aaral ang dapat atupagin,
mga bata pa kami’t pag-ibig di pa dapat seryosohin,

“Lunchtime” at bago mag-uwian, kami’y nag-uusap,
madalas din kaming nagpapalitan ng mga sulat,
minsa’y namamasyal din kami sa gilid ng dagat,
masaya na kung hawak sa kamay ang aking dilag.

Subalit relasyon namin hindi masyadong lumalim,
di namin naitaguyod ng mabuti ang aming “love team,”
di namin alam kung paano pag-ibig ay pagyamanin,
pareho kasing may gatas pa ang mga labi namin.

Kahit papaano’y inabot naman ng dalawang taon,
ang napakasimple ngunit masaya naming relasyon,
at noong 2nd year kami, bago mag-summer vacation,
nagpasiya kaming tapusin ang pagiging mag-on.

3rd year kami noon nagkaroon si L.P. ng bagong kasintahan,
kaming dalawa nama’y naging magkaybigan na lamang,
paminsan-minsan kami pa rin ay nagkakakwentuhan,
bagong BF daw niya madalas akong pinagseselosan.

That school year ako’y nagpa-enlist sa MOCC,
preparasyon iyon para maging opisyal sa CAT,
na di ako magtatagal, marami noon ang nagsabi,
lalo na’t may initial at final hazing, parang fraternity.

Hetong si L.P., may CAT lady officer na kaybigan,
medyo sinuwerte dahil sa kanya ako na-assign,
kaya’t sa training noon kapag oras na ng “paluan,”
hampas niya sa hita ko sa puwersa ay kulang.

Noong “final hazing” namin ako’y kanyang binulungan,
pasalamat daw ako dahil si L.P. ay kanyang kaybigan,
nakiusap daw ang “ex” ko na huwag akong pahirapan,
dahil doon si L.P. labis-labis kong pinasalamatan.

Sa panahong iyon bigla akong may naramdaman,
sa pagkawala ni L.P. bigla akong nanghihinayang,
subalit gusto ko mang sa kanya’y makipagbalikan,
di na puwede dahil kasintahan niya’y masasaktan.

Kaya’t katoto mong bubuyog sa paligid tumingin,
naghanap ng bagong bulaklak na aking haharutin,
sa first year hayskul noon meron akong napansin,
niligawan ko’t nagsumikap na siya’y pasagutin.

Initials niya ay J.C., klasmeyt ng sister kong si Gemma,
kaya’t madalas sa bahay namin, si J.C. ay pumupunta,
mga pagkakataong iyon ay aking sinasamantala,
upang namuong pagtangi ko’y maipahayag sa kanya.

Kung kay L.P., sa liham, pag-ibig ko’y isinawalat,
kay J.C. damdamin ay personal kong inihayag,
sagot sa pahayag ko idinaan naman niya sa sulat,
na ako’y itinatangi rin niya, doo’y ibinunyag.

Subalit relasyon namin ni J.C. hindi rin seryoso,
hindi masyadong lumalim ang pundasyon nito,
dahil sa “school activities” nakatuon atensyon ko,
madalas noon na si J.C. sa akin ay nagtatampo.

Sa iskul, madalas, hindi ko siya napapansin,
di laging malapitan upang siya ay kausapin,
mga sulat sa kanya sa sister ko pa padadaanin,
marami kasing “school works” na dapat asikasuhin.

Nang ako’y nasa kolehiyo, si J.C. ako’y pinagtiyagaan,
pilit niyang inuunawa ang aking mga pagkukulang,
batid kasi niyang napahalaga sa akin ng pag-aaral,
kaya’t madalas na di ko siya madalaw o masulatan.

Subalit’t pasensiya niya ay umabot rin sa sukdulan,
sa isang sulat, tinapos niya 3 taon naming samahan,
sa desisyon niyang iyon ako ay talagang nasaktan,
ngunit di ko siya masisi dahil ako ang nagkulang.

“Break-up” namin ni J.C., matamang pinag-isipan,
malinaw talaga na ako ang siyang may pagkukulang,
totoong mag-maintain ng scholarship may kahirapan,
ngunit pinasok na “other commitments” dapat panindigan.

Sina L.P. at J.C. ay mahahalagang bulaklak,
sa hardin sa puso ko sila ay nakalagak,
sayang sa akin ay kanilang ipinalasap,
mananatiling buhay sa aking pangarap.

Si J.C. nga pala “some years ago” sa dyip nakasabay,
masaya daw siya sa “role” niyang asawa at nanay,
kapagdaka’y nalungkot, humawak sa aking kamay,
at sinabing si L.P., sa panganganak ay namatay.