pinataba mo ang aking PUSO!
Tibong Cagayano, 02-28-10
Sa iyong tugon sa aking pasasalamat,
bulkang Pinatubo ang sinabi mong aking kasukat,
minsan lang kamo itong sumambulat,
ngunit grabe at talagang nakakagulat.
Binanggit mo rin kaybigan mong guro,
na nagtuturo ng “subject” na Pilipino,
ang sabi mo sa akin siya ay sumasaludo,
at di makapaniwalang sa pagtula ngayon lang ako natuto.
Mga estudyante mo, patula ka ngayon kung kausapin,
dahil na rin sa pagsubaybay sa mga tula natin,
mga tula kong gawa ay kanila ring napapansin,
at sinasabing ako’y may talino’t galing na angkin.
Di sa pagyayabang, ako din nama’y nagulat,
kahit papaano, kaya ko rin pala ang magsulat,
alam mo bang ang pinaka-una kong kinatha,
ay yung “Part 1” sa sagutan natin ng kwentong patula!
Ipinagpatuloy ko na rin ang paghahabi,
ng mga tulang sa tingin ko sa mga mambabasa ay kikiliti,
ang pagpupunyagi dahil na rin sa aking pangnanais,
na mapadalhan ka ng mga tula kahit mga ito’y kakainis.
Kaya nga lang sa iyong tulang tugon,
puso ko at dibdib ay malakas na napatalon,
damdamin ko’y nahulog sa malalim na balon,
na puno ng “expectations” at bagong hamon!
Sa mga papuri mo kasing ipinarating,
maliit kong utak ay nataranta at natililing,
sa pagkatha lalo na ngayong nagkakandaduling,
upang makagawa ng mga tulang tumataginting.
Iyo ring palang nabanggit tungkol sa iyong inspirasyon,
ani mo… kaybigan mo lang siya at wala kayong relasyon,
binalaan mo ngang huwag lumikot aking imahinasyon,
huwag mag-alala kalokohan ko naman ay may limitasyon.
Ako man mayroon ding inspirasyon,
isang magaling na makata ng ating henerasyon,
sa pagkatuto kong pagkatha, siya ang nagsilbing pundasyon,
ipagsisigawan ko sa buong mundo, walang iba kundi ikaw ‘yun.
Siyempre may inspirasyon ding iba pa,
aking dalawang anak na babae at mahal na asawa,
tatlong rosas ng aking buhay ang tawag ko sa kanila,
mga inspirasyon ko din sila sa aking pagkatha.
Muli… akin itong sasabihin sa iyo,
mga papuri mo’y pinataba ang aking puso,
huwag kang mag-alala, sa iyo aking ‘pinapangako,
sumikat man ako, hinding-hindi lalaki ang aking ulo! (ho..ho..ho..)