sa pinagsamang Bagyong BIANANG at VIDANG
Tibong Cagayano, 03-11-10
Tulang patungkol kay Bianang at Vidang bago ko tuluyang iwanan,
hambalusin ko muna sila ng kawayan ng tuluyan silang matauhan,
na gumawa na muli ng tula at sa atin ay magparamdam,
ng di sila makantiyawan at sabihang napako sila sa signal number one.
Huwag kang mag-alala aking katulaang katoto,
dalawa man silang bagyo di ‘yan katumbas ng delubyo,
masyado ka lang yatang nataranta kaya ika’y nahilo,
dahil sabay nga silang dito sa kalupaan ay dumapo.
Ngunit kung pansinin mo silang mabuti,
hindi rin naman sila ganun kalakas at katindi,
ang hampas ng kanilang hangin di naman gaanong mahapdi,
kaya nasisiguro kong hindi sila aabot sa signal number three!
Huwag ka ring mataranta aking kaybigan,
biniro lang kita noon ng aking tinuran,
na ako na ngayon ay dinadamayan,
nang dalawang bagyo upang ika’y labanan.
Ang labanan ka ay hindi ko maaring gawin,
may konsensiya ako at ang budhi ay di maitim,
hindi ko rin ugaling mang-traydor at kumain,
ng utak ng taong nagturo ng pagkatha sa akin!
Alam mo namang “military maneuvers” ay aking nakasanayan,
mga turo ni Sun Tzu ay aking napag-aralan,
alam na alam ko kung paano linlangin ang kalaban,
kunwari kakampi nila ako, kikilitiin ko ang kanilang likuran.
Walang kapa-kapatid at walang kamakamag-anak,
nang kumandidato, ‘yan ang binitawang salita ni Erap,
kapatid at pinsan ko man itong dalawang sa ati’y humarap,
mananatiling kakampi mo ako sa ginhawa man o sa hirap.
Courage, Integrity, Loyalty,
‘yan ang motto namin sa Philippine Military Academy,
kaya naman abandonahin o iiwan kita, hindi talaga mangyayari,
pitpitin man nila ang bayag ko, sa kanila hindi ako kakampi!
“Ang latang maingay ay walang laman!”
isa ‘yan sa mga walang-kamatayan nating kasabihan.
kaya nga ng magtatalak itong si bagyong Bianang,
hindi ako natakot, bagkus napangiti lamang.
Nang si Vidang naman ang umarangkada,
sabihin na nating tayong dalawa’y ginulat niya,
pero malakas pa rin ang aking pagdududa,
hindi na ‘yan lalakas pa, kusa na ‘yang hihina. Ha.. ha.. ha..
“If you know your enemy, half of the battle is won!”
sa kanyang “Art of War”, ‘yan ang sabi ni Sun Tzu noon.
dinagdagan pa niya ito ng, “All warfare is based on deception.”
base sa mga ito, lamang na lamang tayo sa posisyon!
Kilala ko yang bagyong si Bianang,
likas na matabil ang dila pero kulang sa tapang,
malakas nga ngunit singkit naman itong si Vidang,
mahina ang paningin kaya madali nating mapagtaguan.
Parang gusto ko nga silang pagkukurutin,
gutumin, papayatin, kilitiin at pagtitirisin, Hi.. hi.. hi..
maaliwalas kasing panahon at tulaan natin,
bigla na lang silang sumingit at nakipag-tsismisan sa atin!
Ngunit sa kabilang dako ako naman ay natuwa,
walang pagsidlan ang kasiyahang aking nadama,
sa wakas may mga dumating ng mga tsismosa,
mas marami na tayo ngayong pag-uusapang paksa. Ha.. ha.. ha..
Harinawang pagtulungan nga tayong bulabugin,
nitong dalawang bagyong biglaan ang pagdating,
hindi ako magtatago, sila’y aking haharapin,
sana lang tulungan mo akong sila ay istimahin.