Ang Selfish na Shellfish

thumb_COLOURBOX7709514(Sa Piling Ng Mga Hayop – 14)

Ang pilyong bubuyog muling lumipad
Nang mapagod ay sa aplaya lumapag
Sa tabing-dagat ang sa kanya’y tumambad
Pangkat ng shellfish… seryosong nag-uusap

Kunsimido ang pusit, kabibe’t tahong
Inis na inis din ang pugita’t hipon
Mga shellfish halatang pikon na pikon
Talangkang kausap ay kanilang sinabon

Ani hipon, “Talangka ako’y dinggin
Kung mangangako sana’y iyong tuparin
Mga kapwa mo shellfish ay h’wag ibitin
Binitawang salita h’wag mong sirain”

Dagdag ng pugita, “Tayo’y magprangkahan
Bakit tila ika’y nuknukan ng gulang
Kapwa mo shellfish ay ‘di dinadamayan
Kung sa tingin mo’y wala kang pakinabang”

Sumabat ang kabibe at ang tinuran
“Bakit kami’y huhuntahi’t lalapitan
Sa pagkakataong meron kang kaylangan
Ngunit kung wala, kami’y dinededma lang”

Wika ng pusit, “Pwede mo bang sagutin?
Bakit sa kanila piniling ilihim
Impormasyon na sa iyo ko ibinilin
Na sa may batuhan maraming pagkain

“Tugon mo ay oo nang kita’y tanungin
Kung bilin ko’y sa kanila nakarating
Bakit talangka ika’y nagsinungaling?
Bakit bagay na iyon nais mong solohin?”

Tahong na nabuwisit ang tanong… “Bakit?”
Bakit ikaw talangka’y ubod ng selfish
Bakit pakinabang laging iniisip
Bakit ang gusto ika’y laging kumabig”