Pagbabago
Pagmasdan ng mabuti ang ating bayan
Lubhang magulo at walang kaayusan
Nakawan, terorismo at kahalayan
Naririnig natin at nasusumpungan
Bayan natin sa putikan masasadlak
Kung pagbabago’y di maipapatupad
Pagbabagong kaytagal nang hinahangad
Subalit lubhang nga yatang mailap
Saan kukuhanin hangad na pagbabago
Katahimikang nais kaylan matatamo
Kaninong tagapagligtas tayo tatakbo
Sa simbahan, paaralan, o gobyerno?
Sa pagbabagong nais mahirap asahan
Mga alagad ng Diyos na nasa simbahan
Mga pari at pastor abala sa labanan
Kung aling relihiyon dapat paniwalaan
Mga guro sa paaralan ay abala rin
Sa pagtitinda ng damit at mga kakanin
Lipunan ba’y sa putika’ kayang sagipin
Kung bulsa, ‘di edukasyon ang uunahin
Sa pulitiko ma’y walang maaasahan
Sa halip na maglingkod ay pagpapayaman
Ang ginagawa sa poder ng kapangyarihan
Kung wala nga sila’y mas tahimik ang bayan
Hindi paaralan, gobyerno, o simbahan
Sa pagbabago ang puwedeng maasahan
Wala na bang pag-asa ang ating lipunan
Na pagbabagong hinahangad ay magisnan
Mga repormang hangad sa ating bayan
Huwag nang hanapin pa kung saan-saan
Sa salami’y humarap at mapagmamasdan
Pagbabagong hanap sa iyo mo simulan
Mahirap aminin subalit totoo
Nagpabaya, nagkulang din naman tayo
Hindi nga ba’t tayo ang nagluklok sa puwesto
Sa mga tiwali’t sakim na pulitiko
Kapap may hinaing kapwa mo mamamayan
Kapag may usapin sa ating bayan
Hindi ba’t madalas ang iyong katwiran
Wala kang panahon upang makiaalam
Bayan nati’y uunlad at tatahimik
Kung sisismulan nating magmalasakit
Sa mga nangyayari mata’y huwag ipikit
Pagbabagong dapat maganap ay igiit
Uunlad ri’t tatahimik bayang nakalugmok
Kung sa imoralidad at sa pag-iimbot
Maging sa kaguluhan tayo’y tatalikod
Sa Panginoon ma’y huwag makakalimot
Leave a comment
Comments 0