… kwentong LIGAWAN (Part 3) (nina Banjun at Magie – Ligawan ng Mag-asawa)


Tibong Cagayano, 03-22-10

kwentong ligawang part 3
Enero 30, 1993 ng kami ay humarap sa banal na dambana,
at doon buong ningning na tinupad ang pangako sa isa’t isa,
nagpalitan ng “i do!” sa harap ng mga dumalong kakilala,
at buong pagmamahalang tinanggap ang bawat isa bilang asawa.

Umpisa ng aming ligawan, bilang mag-asawa, nung kami ay ikasal,
sa harap ng banal na dambana, kami ay sabay na umusal,
nang isang taimtim na panalangin sa Poong Maykapal,
na ang pag-iibigan at pagmamahalan sa isa’t isa, sana ay magtagal.

Ang ligawan naman ay di lang para sa mga binata’t dalaga,
ito rin ay malimit na nangyayari sa isang mag-asawa,
isang bagay na nagbibigay kulay sa maligayang pagsasama,
at isang paraan ng pagpaparamdan ng pag-ibig sa bawat isa.

Sa lahat ng mahahalagang okasyong pampamilya,
Father’s Day, Mother’s Day o Birthdays kaya,
kahit simple lang lagi kaming mayroong handa,
at kami’y nagbibigayan ng munting regalo sa isa’t isa.

Sa Valentine’s Day naman at sa aming mga Anibersaryo,
sinisiguro naming kami ay magkasama at pamilya’y buo,
sa mga araw na iyan kami ay magsasalu-salo,
at buong pagmamahalang magsasabihan ng “I Love You!”

Sa araw ng Pasko at Bagong Taon,
ito’y mga okasyong nagbibigay sa amin ng pagkakataon,
na ipakita sa buong mundo at sa mahal nating Panginoon,
ang patuloy naming ligawan mula noon hanggang ngayon.

Kahit na ordinaryong araw at walang okasyon,
ang panunuyo at panliligaw sa isa’t isa ay di nagbabakasyon,
matunog na halik at mahigpit na yakap sa isa’t isa ang pabaon,
tuwing aalis at dadating, alay sa bawat isa’y masusing atensiyon.

Bago matulog at sa gabi’y tuluyang magpahinga,
hindi rin namin nakakalimutang humalik sa isa’t isa,
masuyong hawak sa kamay habang namumungay ang mga mata,
at magsasabihan ng “Good night Mama, Good night Papa.”

Ang aming ligawan ay katulad ng sa mga paru-paro,
laging umaaligid sa isa’t isa at hindi lumalayo,
pag napagod sa kalilipad ay sabay na dumadapo,
sa isang mabangong bulaklak at sa ligaya’y magpapakalango.

May mga araw din namang sinosorpresa namin ang bawat isa,
pag-uwi niya aabutan ko siya ng mga bulaklak na sariwa,
minsan naman sa aking pag-uwi, hapag kainan ay nakalatag na,
mga ulam kong paborito buong tiyaga niyang inihanda!

Ang ligawan at panunuyo ay hindi lang pagpapakita,
nang aming walang-kamatayang pag-ibig sa isa’t isa,
ito rin ay mabisang paraan para lalong tumibay pa,
ang pagsasama namin at kaligayahan ng buong pamilya.

Sa tuwing ang kantang King and Queen of Hearts ay patugtugin,
siguradong hihinto kami sa ginagawa at bawat isa’y yayakapin,
sabay naming ipikit ang mga mata at aming nanamnamin,
ang tamis na dulot ng tugtog ng theme song namin.

Tulad ng magsing-irog na bubuyog na lilipad-lipad,
magkasamang palagi saan mang sulok kami mapadpad,
hindi alintana ang mga panganib na nakakalat,
mga problema ay sabay na pinapasan sa aming mga balikat.

Sa araw ng linggo kapag kami’y nagsisimba,
magkatabi sa upuan kahit na siksikan ang mga nakikinig sa misa,
kapag ang pari’y nagsabi ng Peace be with you sa kanyang parokya,
halik sa bawat pisngi ang iginagawad namin sa isa’t isa.

Parang mga kalapating palamuti sa isang kasalan,
sumasagisag sa dalawang pusong tunay na nagmamahalan,
ang puting kulay ay simbolo ng dalisay na pag-iibigan,
pag sa hawla pinakawalan, lilipad pero iisang lugar ang dadapuan!

Kaya naman sa buong mundo ay aking ipagsisigawan,
na ang ligawan namin ni Magie ay walang katapusan,
iyan ang nagpapakulay sa aming magandang samahan,
nagbibigay kahulugan sa mundong aming ginagalawan.

Advertisement
%d bloggers like this: