ANG KAPALIT NG LIHIM – Part 3
(Maikling Kuwento)
“Teka, teka misis. Hinahon lang po nang kaunti. Nandito tayo para pag-usapan ito nang maayos.” “Paano kami hihinahon kapitan eh kapag hindi nila inilabas ang relong iyon ay kami ang malilintikan kay mayora. Nakakahiya kami.”
“Naiintindihan ko, Sir Nestor, kaya lang hindi natin mareresolba ito kung magsisigawan at mag-aaway kayo dito. Pakiusap, igalang n’yo ang opisina ko.”
Hinila ng nanay si Junior. Hinawakan sa magkabilaang balikat. “Bunso, please lang, sabihin mo na kung ano ang napulot mo.”
Umiling-iling si Junior. “Hi…hindi k…ko sa…sabihin…se…secret.” “Ang galing! Parang scripted ah,” ang patutyada ni Aling Cora.
“Anak, please. Good boy ka ‘di ba? Ano ang napulot mo? Nasaan iyon? Nakita kong medyo humihigpit ang pisil ng nanay sa mga balikat ni Junior. Kinabahan ako sa susunod na mangyayari.
“A..aray… na…nanay. Ma…masakit…
“Junior!!! Parang awa mo na, anak, sabihin mo na.” Se…secret na..namin n..ni Gir…Girlie i…iyon.
“Aba, at pati nananahimik kong anak eh idinadamay ng abnormal na ‘yan!” Binitawan ng nanay si Junior. Lumapit kay aling Cora. Sinampal niya ito.
“Sobra ka na!!! Matagal na akong nagtitimpi sa lahat ng ginagawa mong panglalait sa akin at sa pamilya ko.”
Mabilis ang pangyayari. Napasalampak si Aling Cora sa sahig sa sobrang lakas ng pagkakasampal ng nanay. Mabilis na pumagitna sina kapitan at mga tanod. Akmang susugurin pa ng nanay si Aling Cora, ngunit naitulak itong palayo ni Mang Nestor. Parang nagdilim ang paningin ko. Hinawakan ko ang isang monoblock. Talagang ihahampas ko na ito kay Mang Nestor ngunit inilabas niya ang kanyang baril mula sa clutch bag at itinutok sa akin.
“Sige!!! Sige!!! Subukan mo nang malintikan ka na.” Nakita ni Junior ang hawak na baril ni Mang Nestor. “Ba…baril…ba…baril…ba…ril!!!”
Kitang-kita kong takot na takot si Junior. Tumakbong palabas ng barangay hall. Mabilis.
Hinabol ko s’ya. Patawid siya sa kalsada.
“Junior, Junior. Wala na ang baril. Huwag ka nang tumakbo. Juniorrrr! Junniiioorrr!
Huli na ako.
Nabundol ng paparating na kotse si Junior. Kitang-kita kong tumilapon siya at pagkatapos ay bumagsak sa mismong harapan ko. Duguan si Junior. Nagkikikisay.
Natulala ako. Hindi ako kaagad nakakakilos. Maya-maya pa’y dumating si Nanay at si Jeng. “Anak ko, JUNNIOOORR. Diyos ko po! JUNNIORRRRR!” Diyos ko po! Tulungan n’yo
kami. Parang awa n’yo na!!!!
Pinangko ng nanay si Junior. Hysterical na silang pareho ni Jeng. Nandoon na rin sina Kapitan, Aling Cora at Mang Nestor. Walang makapagsalita. Lahat ay nabigla.
Bumaba ang driver ng kotse. Si mang Caloy, kasama si Girlie. Kotse nina Aling Cora ang nakabundol sa kapatid ko.
“Best friend, best friend…huhuhu. Salbahe ka mang Caloy. Bakit binundol mo ang best friend ko?” Duguan man, niyakap ni Girlie si Junior na pangko ng nanay. Hindi nakuhang pigilan ni Aling Cora ang kanyang anak.
“Hindi ko sinasadya. Bigla na lang siyang tumawid. Dalhin natin sa hospital ang kapatid mo, dali.”
Nagmulat ng mata si Junior. Buhay s’ya. Si Girlie ang unang napansin nito. “Gi…Girlie…Se…secret na…natin. Hi…hindi k…ko si…sinabi.”
“Anak, Junior! Buhay ang anak ko! Tumawag ka ng tricycle, Sean. Dali. Dalhin natin sa hospital si Junior.”
“Nanay, dadalhin daw ni Mang Caloy si Junior sa hospital.”
“Sige na, Tessie. Sumakay na kayo sa kotse namin,” ang alok ni Mang Nestor.
“Hindi namin kailangan ng tulong n’yo! Ano ba Sean!!! Tumawag ka, kako ng tricycle!!!” “H’wag na Sean. Heto na ang patrol ng barangay. Sumakay na kayo. Dalian n’yo,” wika ni kapitan.
Ang nanay na ang bumuhat kay Junior papasok sa patrol ng barangay.
**********
Habang tumatakbo ang patrol papuntang hospital, ay iyak nang iyak sina Nanay at Jeng.
Maraming lumalabas na dugo mula sa mga sugat ni Junior. “Na…nanay…love mo a…ako?”
“Oo anak. Mahal na mahal kita. Mahal ka ng kuya at ate mo.”
Matapos sabihin ng nanay ‘yon ay ipinikit ni Junior ang mga mata niya.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Junior. Matindi ang head injuries na natamo nito.
**********
Bago sumapit ang gabi’y naibalik na sa bahay ang bangkay ni Junior. Nakalagay na ito sa ataol. Sa tulong ni kapitan at ng mga kamag-anak at mga kaibigan namin ay naiayos na sa aming bakuran ang mga tolda na s’yang sisilungan ng mga makikiramay. Pinahiram kami ni kapitan ng mga lamesa at mga upuan.
Nakatayo sina Nanay at Jeng sa tabi ng ataol ni Junior. Pinagmamasdan nila ang namayapa kong kapatid. Hindi na sila umiiyak. Naubos na marahil ang luha o kaya’y natanggap na nila ang naging kapalaran ng bunso namin.
Isa-isang nagdadatingan ang aming mga kamag-anak, mga kaklase namin ni Jeng, at mga kasamahan ni Nanay sa palengke.
Maya-maya pa’y dumating din sina Mang Nestor at Aling Cora. Natuon sa kanila ang atensyon ng mga nakikaramay na malamang ay nabalitaan na kung ano ang nangyari. Pakiwari ko’y nag-aabang sila kung ano ang mangyari sa pagdating ng mag-asawa.
“Anong ginagawa n’yo dito ha!” ang pasigaw na salubong sa kanila ni Jeng.
“Anak, kumalma ka lang.”
“Kayo ang pumatay sa kapatid ko!!!”
“Sabing tumahimki ka Jeng! Ano ba!!!” ang sigaw ng nanay.
“Tessie, nakikiramay kami.” Iniabot ni Mang Nestor sa nanay ang kanyang kamay. “Salamat!” ang malamig na tugon ng nanay. Hindi nito inabot ang kamay ni Mang Nestor. “Ah, Tessie, puwede ba kitang makausap sandali sa labas.”
“Kung kakakausapin mo ako upang piliting paaminin kung nasaan ang lintek na iPhone na ‘yan ay huwag na. Sobra ngang mahal ng cellphone na ‘yon. Ang buhay ng bunso ko ang naging kapalit. Siguro naman ay sapat ng kabayaran ang pagkamatay ng anak ko sa inaalala ninyong kahihiyang tatanggapin n’yo kapag hindi n’yo nahanap ang cellphone ni mayora.”
Halatang nagtitimpi ang nanay. Kita kong umaagos ang luha sa pisngi niya. Kung ako ang nasa kalagayan niya ay baka masaktan ko’t palayasin ang mag-asawa.
“Tessie, hindi kita pipigain tungkol doon. Sa katunayan, gusto kong magpaliwanag at humingi ng tawad.”
“Oh, si Ma’am Cora ang magpapaliwanag sa isang walang pinag-aralang katulad ko. Baka naman masayang lang ang panahon mo sa akin. Sino ba naman ako para pagpaliwanagan mo pa.”
“Please, lang Tessie. Pagbigyan mo naman ako.”
“Kita mo nga naman, ang isang Ma’am Cora pala’y marunong ding magsalita ng please. O, sige puwede tayong mag-usap, pero gusto ko dito tayo sa harap ni Junior, ni Jeng, at ni Sean. Gusto kong marinig ng mga anak ko ang ano man ang sasabihin mo sa akin.”
“Salamat, Tessie. Ah…kinausap ko kanina si Girlie kung ano ang secret nila ni Junior. Totoo nga, may napulot ang anak mo sa bakuran namin. Pero hindi iyong cellphone. Iyong nalaglag kong isang kahong Choc Nut ang napulot niya.”
Nagulat kaming lahat nang narinig namin ang sinabi ni Aling Cora. “CHOC NUT! HINDI IPHONE!” ang sigaw ng nanay.
“Oo, Tessie. Sorry. Ibinigay daw ni Junior kay Girlie iyong Choc Nut na napulot niya nang maglaro sila kahapon. Kaya sinabi ni Girlie kay Junior na secret dahil nga pinagbawalan kong kumain ng chocolates ang anak ko dahil overweight na siya. Nangako daw sa kanya si Junior na hindi sasabihin kahit kanino ang tungkol sa Choc Nut.”
Napasalampak sa upuan si Nanay. Impit ang pag-iyak. “Diyos ko, nang dahil sa Choc Nut nawala si Junior ko.”
Tahimik lamang kami ni Jeng. Hinagod-hagod niya ang likuran ng nanay. Ang hirap tanggapin ng mga pangyayari.
“Patawarin n’yo kami, Tessie, Jeng, Sean…” ang samo ni Mang Nestor.
“Ganun na lang ba ‘yon, Sir Nestor? Sa lahat ng nangyari, gusto n’yong patawarin namin kayo. Ganun ba kasimple iyon? Ang kapal ng mga pagmumukha n’yo!!! Matapos n’yo kaming insultuhin, pagbintangan. Matapos na mabunggo ng driver n’yo si Junior dahil natakot sa baril mo…matapos mamatay ang kapatid ko eh hihingin n’yo ang patawad namin,” ang gigil na gigil na sabi ni Jeng.
“Alam kong mahirap sa ngayon na hingin ang patawad ninyo. Pero sana in due time ay mapatawad n’yo kami. Sasagutin naming lahat ang gastusin sa pagpapalibing kay Junior. Pati pag-aaral n’yo ni Sean ay kami na ang bahala.”
“Ano ‘yan, Mang Nestor? Suhol? Sinusuhulan n’yo kami!!! Hindi maibabalik ng kahit ilang milyong meron kayo ang buhay ng anak ko. Hindi mabubura ng kahit magkano ang lahat ng mga pang-iinsultong ginawa ng asawa mo sa akin at sa mga anak ko mula pa noon. Isaksak mo sa baga mo ang pera mong alam naman nating lahat kung saan nanggagaling. Hindi namin kailangan ang tulong n’yo. Kahit isang kusing ay wala kaming tatanggapin mula sa inyo.”
Natahimik ang lahat. Natitiyak kong dinig hanggang sa labas ang sinabi ng nanay.
Hindi na kumibo at nagsalita pa sina Mang Nestor at Aling Cora.
Lumabas ng bakuran namin si Mang Nestor. Nakayuko. Marahil ay hindi nakayanan ang mga mapang-usig na titig ng mga taong nandoon.
Nanatili sa harapan ng kabaong ni Junior si Aling Cora. Nakayuko.
Mula sa tarangkahan ng bahay namin ay nakita kong paparating si Kapitan, kasama si mayora. Sinalubong ni Nanay ang mga paparating.
Tila biglang nabuhayan ng dugo si Aling Cora. Halos makipagunahan sa pagsalubong kina kapitan at mayora
“Magangdang gabi aling Tessie. Condolences ha. Aba’y ngayon ko lang nalaman na namatay pala ang bunso mo. Ipapadala ko na lang mamaya sa driver namin ang mga bulaklak ha. O heto, pagdamutan mo ang kaunting tulong namin.” Isinilid ni mayora sa bulsa ng pantalon ni
nanay ang isang kumpol ng pera. “Papunta kasi ako kina Cora, eh sabi ng mga katulong niya na nandito nga daw sila’t maglalamay nga.”
“Maraming salamat po, mayora.” Ang wika ni Nanay.
“Ano bang nangyari sa anak mo? May sakit ba? Kakarating ko lang kasi. Galing ako ng airport at dumiretso na ako kina Cora. Nagulat na lang ako na may lamay pala dito.”
Bago pa man makasagot si Nanay ay may mga taong lumapit kay Mayora upang batiin siya.
“Maupo po muna kayo mayora. Jeng, anak, ikuha mo ng kape si mayora at si kapitan.”
Marahil ay minabuti ng nanay na huwag na lamang sagutin ang tanong ni mayora. Tingin ko naman ay malalaman at malalaman din nito kalaunan kung ano ang nangyari.
“Ay salamat, Tessie. O Cora. Nasaan ang ipinatago kong iPhone sa iyo.”
Nakita kong namutlang bigla si Aling Cora nang mabanggit ni mayora ang cellphone. Dali-dali itong naupo sa tabi ni mayora.
“Naku mayora, ganito po kasi…”
Hindi pa man natatapos ni Aling Cora ang sinasabi’y humahangos na dumating ang isang katulong nila.
“Ma’am Cora, heto na po ang cellphone. Nakita ko po na nasingit sa gilid ng upuan n’yo sa kwarto.”
Napatayo si Aling Cora. Tuwang-tuwa. Halos magtatalon. Nakalimutan yatang nasa lamay s’ya.
“Ha, hay salamat, Manang. Inihagis ko nga pala doon kahapon ang bag ko bago ako pumasok sa CR. Doon pala nalaglag. Sige na, Manang, balik ka na sa bahay.”
Nang makaalis ang katulong nila’y saka pa lamang napansin ni Aling Cora na lahat kami’y nakatingin sa kanya at sa hawak n’yang iPhone. Ang cellphone na naging sanhi ng matinding pangiinsulto sa pamilya ko. Ang cellphone na naging mitsa ng buhay ng kapatid kong si Junior. Ang cellphone pala’y nasa bahay lamang nila. Abswelto na sina Aling Cora at Mang Nestor sa problema nila at ang kapatid ko nama’y tahimik nang nakahimlay sa kanyang ataol.
Nang napatingin sa akin si Aling Cora, napailing na lamang ako. “Ahh…mayora. Heto na po ang iPhone n’yo.”
“So, namisplace mo ang cellphone na ito ha, Cora?”
“Yes, ma’am, mabuti na lang po at nahanap ng katulong ko.”
At dinig na dinig ko ang halos pabulong na sinabi ni mayora ka Aling Cora, “Hay naku, kung nawala mo man ito ay okay lang. Ano ka ba! Hindi ito orig. Isang libo lang ang bili ko nito sa suki kong Muslim. Akala ko naman marunong kang kumilatis ng mga ganito. Si mayor hindi. Hoy, ’wag mong sasabihin sa kanya ito ha. Se…se…secret natin ito. Wa… walang clue.”


