Category Archives: Maikling Nobela

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (Audiobook)

I tried to see if I could create an audiobook. I just did. I created an audiobook out of one of my short novels written in Filipino. It’s a tragic love story. It’s not perfect but I gave it my best shot. One thing that I realized when I finished it is that I should have asked a lady friend or two to read the lines delivered by the female characters in my story. I undertook this project just to make good use of my free time here in South Korea. Doing creative work is the best way to overcome boredom.

Chapter 1 – Ang Tagpo Sa Kubo

Chapter 2 – Sa Iisang Bubong

Chapter 3 – Sa Ilalim Ng Mesa

Chapter 4 – Sa Muling Pagkikita

Chapter 5 – Siya Ba O Ako?

Chapter 6 – Ang Desisyon

Chapter 7 – Masakit Tanggapin

Chapter 8 – Trahedya

Final Chapter – Ang Kabayaran

Advertisement

Ang Sumpa (Part 1)

(A Novella in Filipino)
third-eye-3-1

Papalubog na ang araw. Nagsisimula nang gumapang ang dilim sa paligid. Nagsisihapon na ang manok sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Isa-isa na ring nagsisipag-paalam ang aming mga bisita. Ilan na lamang ang natira sa kanila kasama ang ilang mga kamag-anakan namin.

Masaya ang maghapong iyon. Maraming pagkain at inumin. Rumenta rin ako ng videoke para mas mag-enjoy ang mga bisita. Nagkakantahan sila habang kumakain. Ang iba’y nag-iinuman at ang ilan sa kanila’y sumasayaw kapag may kantang nagtutulak sa kanila upang umindak. May ilan rin sa mga bisita na nag-abot ng regalo kay Alfred. Ang iba’y sobre ang ibinigay sa kanya.

Pinagmamasdan ko ang aking kaisa-isang anak habang inaasikaso niya ang kanyang mga kaklase at mga kaybigang nagdatingan. Masigla siya at tawa ng tawa. Panay nga ang kuha ng selfie kasama ang mga bisita. Pihadong mamaya o bukas eh babaha nanaman ng pictures sa Facebook ng anak ko. Ipinalangin ko na sana ay ganoon siya palagi. Sana pagkatapos ng araw na iyon ay walang magbago sa takbo ng buhay niya… sana ay walang magbago sa takbo ng buhay naming mag-anak.

“Kuya, mukhang hindi ka yata uminom ngayon. Nakakapanibago ah. Parang pang balisa ka.” Si Pol iyon, pinsan ko.

“Ha, eh pagod lang siguro ako,” tugon ko sa pagitan ng isang ngiting pilit.

“Ang dami mong inihanda para kay Alfred ah!”

“Siyempre naman, binata na ito mula ngayong araw na ito.” Sagot ko sabay akbay sa aking anak. “Alam mo naman ang tradisyon sa lahi nating mga Cervantes. Kapag unang kaarawan, ika-7, ika-13 at debu ng mga anak natin ay ipinaghahanda natin sila, di ba?.”

“O tito Pol, itay… picture-picture muna.” umakbay sa akin si Alfred sabay kuha ng picture namin gamit ang bagong cell phone na iniregalo ko sa kanya.

“Siyanga pala, next month eh debu naman ng unica hija ko. Huwag na huwag na hindi kayo pupunta ha.”

“Aba eh hindi talaga puwede na hindi kami pupunta. Magtatampo iyong inaanak ko,” sagot ng asawa kong si Sally na bigla na lamang sumulpot mula sa aming likuran.

“Aasahan ko yan! Pasensya na ulit kung iyong mag-ina ko eh hindi nakarating ngayon, may sinat kasi iyong inaanak mo kanina.”

“Okay lang iyon Pol. Tumawag kanina si kumare at nagpaliwanag,” ang sagot ni Sally.

“O papaano, ako eh aalis na at hayan oh papadilim na. Happy birthday na lang ulit Alfred. Iyong regalo ko, binuksan mo na ba?”

“Naku hindi pa po, mamaya ko pa siguro maaasikasong buksan mga regalo ko.”

“Okay… okay! Hoy batang tisoy, huwag ka munang manliligaw ha… hehe.”

“Wala pa po sa isip ko iyan tito.”

“Talaga lang ha. Iyong isang bisita mong dalagita kanina eh laging nakadikit sa iyo ah. Panay pa ang sulyap sa iyo.”

“Ha… eh…”

“O kitam hindi ka makasagot. O…o…biglang namula mukha mo ah.”

“Naku tito wala lang po iyon, napakababata pa po namin ano.”

“Okay…okay… sige… sabi mo eh!. Ay siya, lalakad na ako.”

“Sige po tito. Ingat kayo,” ang sagot ni Alfred.

Inihatid ko sa labasan ang aking pinsan at ilan pa sa mga bisita namin.

Habang pabalik ako sa loob ng bahay ay napansin kong may mga uwak na aali-aligid sa bahay namin. Napansin din iyon ng ilang mga bisita naming papalabas. Iyon eh binale-wala lang ng mga bagong kakilala namin subalit sa aming mga kaybigan na alam ang kuwento ng aming pamilya ay nabakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala.

Bawat huni ng uwak na marinig ko ay parang nagpapasidhi sa kabang aking nararamadaman at nagpapabilis sa paglalakad palayo ng ilan sa mga bisita namin.

Nagsimula na ang kinatatakutan ko. Kung kaylan pa naman na parang nanumnumbalik na ang lahat sa normal. Kung kaylan na parang nakalimutan na ng mga dating kapitabahay at mga kaybigan namin doon sa sityo sa barangay na aming pinanggalingan ang mga nangyari.

Naabutan ko si Alfred na naglalagay sa ilang supot ng mga pagkaing inihanda habang ang asawa ko’y patuloy sa pagliligpit ng mga ginamit sa handaan.

“O,  saan mo dadalhin iyan?” tanong ng kanyang ina.

“Kay tito Mon po. Dadalhan ko siya ng makakain.”

“Ha! Gabi na, malayo iyon. Bukas mo na lang siya dalhan niyan!”

“Inay naman eh! Ngayon na po. Pleaasee!!! Magmo-motor naman ako eh.”

“Ay naku anak!”

“Pleaaasseee!!!” Ang nagsususumamong sabi ni Alfred sabay halik sa pisngi ng ina.

“Pero anak, baka mapaano ka. Dumidilim na oh.”

“Inay, hindi na po ako bata.”

“Hayaan mo lang si Alfred ‘nay. Binata na nga naman siya.” Pagkatapos kong sabihin iyon sa aking kabiyak eh bumaling naman ako kay Alfred. “Sige na anak, lakad ka na para makabalik ka kaagad. May pasok ka bukas kaya hindi puwedeng doon ka nanaman matutulog ha.

“Opo itay. Babalik po agad ako.”

“Huwag mabilis magpatakbo ng motor. Iyong bago na ang gamitin mo. I-check mo muna ang preno at ilaw bago mo paandarin” dugtong ko.

Sir… yes sir!”

“Kunsintidor ka talaga. Wala pa namang lisensya iyang anak mo at napakabata pa.” Bulong sa akin ng aking asawa sabay kurot sa aking baywang.

“Responsableng bata si Alfred. Sanay na sanay na siyang magmotor. Naiaangkas na nga niya ako eh.” Ang sagot ko.

Habang isinusuot ni Alfred ang helmet ay may itinanong siya.

“Itay, iyon nga po palang sunog na mga bahay sa tabi ng bahay ng tito Mon… ano po ba talaga ang nangyari doon? Ang tagal nang ganoon ang hitsura ng lugar na iyon ah. Bakit kaya hindi na inayos ng mga may-ari.”

“Ha?! Eh…” Hindi ko inakalang itatanong niya iyong sa akin. Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko sa kanya.

“Naku… naku… Alfred lumakad ka na at gagabihin ka masyado. Saka na lang ikukwento sa iyo ng tatay mo iyan,” ang wika ni Sally.

“Ang gara ah… kapag tinatanong ko si tito Mon tungkol doon eh halatang ayaw niyang ikuwento kung ano ang nangyari. Tapos ang tatay naman eh parang nagulat ng nagtanong ako tungkol doon.”

“Alfred… sabi nang lumakad ka na eh!”

“Oo nga po inay, heto na nga po bababa na.”

 “Ikumusta mo na lang kami sa tito Mon mo.”

“Sige po itay. Lalarga na po ako.”

Part 2

Tungkol Sa Aking Pagsusulat

Madalas akong tanungin kung bakit ako nagsusulat. Bakit nga ba?  Libangan ko lang talaga ito. Ako’y nagsisikap na maging mahusay na manunulat ngunit aaminin kong marami pa akong bigas na kakainin (matapos ko siyempreng isaing). Wala po akong ilusyon (Wala nga ba?) na maging  tanyag sa larangang ito. Kahit na nga ba madalas kong sabihin sa mga estudyante ko sa “Literature” na pangarap kong mapagwagian ang “Nobel prize in Literature.” Biro ko lamang iyon. Sa “Palanca” nga hindi ako manalo-nalo eh sa “Nobel” pa kaya. Ilang beses na rin akong nagsumite ng entries sa “Palanca” pero nganga. Titigilan ko na ba? Siyempre hindi. Gusto ko lang talagang magsulat at masaya ako kapag ginagawa ko ito. At heto pa, medyo malalaki-laki na rin ang kinita ko sa pagusulat. Nalilibang na ako eh kumikita pa. Pero ang mga sinulat ko sa English ang binabayaran, lalo na kapag gumagawa ako (o tumutulong na gumawa) ng “research.” Medyo malaki ang  tinatanggap kong bayad kaya sulit. 

Kinaloob ng Panginoon na gawing daluyan ng biyaya Niya sa akin ang pagsusulat at kung kaloobin rin ng Panginoon na makilala ako sa larangan ng pagsusulat eh bakit naman hindi. At kung kaloobin niyang balang araw eh manalo rin ako sa “Palanca” eh ‘di wow. Malay mo eh masungkit ko rin ang “Nobel Prize in Literature.” Eh di dalawang wow na. Wow na wow! Si Bob Dylan nga na isang song writer (composer) at hindi talaga regular na writer ng mainstream prose and poetry at fiction ay nanalo. (Sabagay, ang kanta naman kasi ay tula kaya si Bob Dylan, isang musician, pero technically ay isa ring poet.) Pero mismong siya ay nagulat nang mapanalunan niya ang presitihyosong premyo at noong una ay ayaw nga niya itong tanggapin. Siya daw ay nanalo “for having created  new poetic expressions within the great American song tradition.” 

At ako, eh ano bang “something new” at kakaiba sa mga sinusulat ko na baka ituring na “new poetic expression.” Heto… TINULANG JOKES. Meron na bang mga makata at manunulat noon na gumagawa ng jokes nang patula? Malay mo ako ang nauna. Malay mo mapansin ito ng National Commission for Culture and the Arts at i-nominate nila akong maging National Artist dahil dito. Tama ka, nananaginip ako ng gising. In other words, nahihibang.

May mga TULAMAIKLING KWENTO, MAIKLING NOBELA at SANAYSAY akong sinulat. May mga nasulat na rin akong  mga DULA. May mga sinusulat rin ako tungkol sa mga karanasan ko dito sa South Korea. Tinipon ko ang mga naturan sa KUWENTONG KIMCHI (BUHAY OFW).

Dula ang entry ko nang sa unang pagkakataon ay sumali ako sa Palanca. Ang pamagat ng naturang dula ay “K-Drama.”  Resulta? Nasabi ko na kanina – nganga. Hindi ako pinalad na manalo.  Mula noong 2014 ay sumasali ako sa Palanca. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinisikatan ng suwerte. Pero hindi ako marunong madala. Kaya taon-taon na sasali ako…hangga’t kaya ko pang pumindot sa keyboard ng aking laptop. Pero mula nang nagka-pandemya ay huminto muna ang Palanca sa kanilang patimpalak.

Ang mga akda ko ay simple lang. Patuloy akong nagsisikap upang mapagbuti ko ang pagsusulat. At ang paglikha ko ng website/blogsite na ito ay isang simpleng paglilibang lang. Nais ko lamang na maging produktibo. Ilan sa mga essays sa English na sinulat ko ay ginawan kong video essays. Naka-upload ang mga ito sa aking YouTube channel. Tama po, vlogger din ako at heto ang link patungo sa aking YouTube channel. Napakadami ko kasing libreng oras dito sa South Korea at bukod sa pagsusulat ay naghanap ako ng iba pang mapaglilibangan. At heto nga, ang paglikha ng sarili kong website/blogsite na siyang paglalagakan ko na aking mga sinulat at mga susulatin pa. Sayang at napakadaming mga sinulat ko noon na nangawala na kaya’t dito sa site na ito ay titiyakin ko na lahat ng aking mga likha ay mapi-preserve ko ang aking mga akda. Ang dahilan naman kung bakit ako ay nagdesisyon na mag-vlog ay upang isulong ko ang aking advocacy for self-improvement. Sa mga Pinoy ay hindi po popular na content ang self-improvement pero gusto ko lang talagang tumulong na ma-raise ang awareness ng mga kababayan natin sa kahalagahan ng self-improvement upang ma-achieve nila ang kanilang full-potential bilang isang tao.

Napakalaking challenge sa akin ang bumuo ng website/blogsite at YouTube channel dahil hindi naman talaga ko techie. Pero ano ba ang hindi puwedeng matutunan kung gusto mo talaga itong pag-aralan? At iyon ang ginaw ko – pinagaralan ko ang dapat kong malamam at matutuhan sa paglikha ng website at mga videos. Paunti-unti ay natututo ako.

Maraming salamat po at sana’y may makita kayo dito na magugustuhan ninyong basahin. Nais ko rin pong mabasa ang inyong mga komento upang malaman ko kung paano ko mas mapagbubuti ang pagsusulat. At kung may panahon ay dalawin sana ninyo ang aking YouTube channel.

%d bloggers like this: