Ang Sumpa (Part 15)

third-eye-3-1Wala ng hadlang upang malapitan ko sina Alfred at Mon. Kaagad kong pinuntahan si Alfred. Pinunasan ko ang kanyang mukhang basang-basa ng dugo, pawis, at kung ano-ano pa.

“Anak, gising… Alfred… gumising ka.”

Hindi tumitinag ang aking anak pero nang pulsuhan ko siya’y buhay naman at wala akong makita na kahit anong mang sugat sa kanyang katawan. Sumalampak ako sa sahig upang tignan din si Mon. Buhay pa ang kapatid ko subalit ayaw huminto ang agos ng dugo mula sa mga sugat niya.

Mula sa malayo ay nakadinig ako ng ugong ng paparating na sasakyan. Huminto ito sa labas ng bahay. Sumagi sa isip k ang mga pagtatangka sa buhay ng kapatid ko. Pinulot ko ko ang aking baril na nasa sahig at dahan-dahan akong nagpunta sa may pintuan at sumilip.

“Dennis… Dennis… nasaan kayo? Dennis… Alfred…!!! MON… Nasaan ang mag-ama ko.”

Tinig iyon ni Sally. Sinundan pala niya ako.

Lumabas ako’t sinalubong ko ang aking asawa. Kasama niya ang pinsan kong si Pol.

“Pol, tulungan mo ako, dalian mo, dalhin natin sa hospital si Mon.” ang sabi ko sa aking pinsan habang ako’y pabalik sa loob ng aming lumang bahay. Sinundan nila ako sa loob.

“Ano ang nangyari sa anak ko?” Ang bulalas ng aking asawa ng makita si Alfred sa ibabaw ng lamesa.

“Ligtas si Alfred. Tulog lang siya. Dali… gisingin mo.”

“Diyos na mahabagin… pinsan… bakit nagkaganyan si Mon?” wika ni Pol.

“Mamaya ko na ipapaliwanag, halika na, buhatin na natin siya, dalhin na natin sa hospital.”

Habang binubuhat namin ni Pol si Mon ay patuloy sa pagyugyog si Sally kay Alfred.

“Anak, gumising ka. Alfred… gising.”

Binuhat namin si Mon papunta sa sasakyang dala nina Pol at Sally. Bumalik ako sa loob upang silipin ang aking mag-ina. Gising na si Alfred subalit parang hilong-hilo siya.

“Alfred… sumunod na lamang kayo ng nanay mo sa hospital kapag nahimasmasan ka na. Gamitin mo ang motor… mag-ingat kayo.”

“Itay, ano ho ba ang nangyari? Sino po ba ang dadalhin ninyo sa hospital?”

“Ang tito Mon mo.” sagot ni Sally kay Alfred.

“Ha?! Bakit po. Ano ang nangyari?

“Anak… mamaya na tayo mag-usap sa hospital. Kaylangang na naming umalis.” Ang sabi ko kay Alfred at pagkatapos ay iniwan ko na ang aking mag-ina.

“Ingat kayo ‘tay,” ang pahabol ng aking may-bahay.

**********

Nasa operating room na si Mon nang dumating ang mag-ina ko sa hospital. Nilapitan ko sila’t niyakap.

“Paano ‘insan. Uuwi muna ako at magpapakita lang muna ako kay kumander. Baka mag-alala iyon. Babalik rin ako agad.”

“Sige Pol. Maraming salamat.” Ang wika ng aking kabiyak sa papalayo kong pinsan.

“Itay, kumusta po ang tito Mon?”

“Hindi pa lumalabas ang doktor mula sa operating room hijo. Manalangin tayo na sana ay ligtas ang tito mo.”

“Sana naman po eh walang masamang mangyari sa kanya.” Ang sagot ni Alfred. “Eh ano po ba talaga ang nangyari. Ang huling naaalaala ko lang eh pagdating na pagdating ko sa bahay niya ay may iniabot siya sa akin na baso. Inumin ko daw ang laman. Pagkatapos kong inumin eh bigla akong nahilo at parang akong nakatulog. Paggising ko nga eh nandoon na kayo.”

“Dennis, pumunta muna kayo sa kantina ng anak mo. Kaylangan niyang magkape nang mainitan ang sikmura. Doon mo na lang ipaliwanag ang lahat sa kanya. Ako na lang ang maghihintay ng balita dito tungkol kay Mon.”

Sinunod ko ang mungkahi ng aking may-bahay. Naunang naupo si Alfred sa isang lamesa sa kantina. Pinagmasdan ko siya habang hinihintay ko ang kapeng aking inorder.

Ang malaking tanong ko sa sarili sa pagkakataong iyon ay kung talaga bang wala na nga ang sumpa. Paano kung hindi pala ito nawala.

Nang makuha ko na ang kape at katabi ko na sa upuan si Alfred ay parang pabiro kong sinabi, “Anak, tumingin ka doon sa malaking puno sa harap ng hospital.”

Tumingin nga si Alfred. “Hayan po itay, nakatingin na po ako. Bakit po ba?”

“Hindi mo ba nakikita iyong tikbalang na nakasandal doon sa puno. Hayun siya oh.” Wala naman akong nakikita. Naalaala ko lang ang kuwento noon ni Mon na may nakatirang tikbalang doon at sinusubukan ko kung nakikita rin iyon ni Alfred.

“Hay naku itay, ganito na nga ang sitwasyon natin eh nakukuha pa ninyong magbiro. Wala po akong makita at hindi po totoong may tikbalang. Sa mga kuwento’t pelikula lang mayroong mga ganyan.”

“Hindi ka ba kahit kaylan talaga nakakita ng mga kaluluwa?”

“Tigilan na nga ninyo ako itay! Para ka palang si tito Mon, nagpapaniwala na mayroong mga kung ano-anong nilalang na nasa paligid. Na kesyo doon daw sa kawayanang malapit sa bahay niya sa Dolores eh mayroon daw kapre at doon sa mismong bakuran naman daw  niya ay may mga nakatirang duwende.”

Natatawa pa si Alfred habang sinasabi iyon.

“Minsan nga po eh gusto kong isipin na nagda-drugs siguro si tito Mon kasi ba naman eh ilang beses din niyang sinabi sa akin na may kaluluwang dumaraan sa harapan namin habang kami ay nagkukuwentuhan.”

“Anak, papaano kung totoo pala lahat ng sinabi sa iyo ng tito Mon mo?”

“Po?! Ano po ang ibig ninyon sabihin.”

Nang makita kong seryoso na si Alfred ay sinimulan ko na ang pagkukuwento ng lahat ng bagay na dapat niyang malaman. Sinimulan ko ang kuwento sa Kastilang ninuno namin na si Victoriano Cervantes at ang tungkol sa sumpa. Sinabi ko rin ang tungkol kay lolo Benjie at kung papaano pinasan ng tito Mon niya ang sumpa. Idinagdag ko na ang mga nangyari mula noong naging trese anyos na ang kanyang tito.

Gulat na gulat si Alfred sa mga ikinuwento kong mga pangyayari sa buhay ng aming angkan. At hindi niya napigilang maiyak ng sabihin ko na ang ginawang sakripisyo ng kanyang tito Mon ng gabing iyon upang maputol na ang sumpa.

“Kaya pala pilit akong pinapapunta kanina pagkatapos ng handaan sa atin. Ang totoo po ay tumawag siya sa akin. Hindi ko na lang sinabi sa inyo.”

Sa puntong iyon ay pumasok sa kantina ng hospital ang aking asawa.

“Good news… buhay si Mon. Dinala na siya sa recovery room.”

Nakahinga ako ng maluwag nang marinig kong iyon. Natakot kasi akong baka mamatay si Mon dahil sa dami ng dugong nawala sa kanya.

**********

Isang linggo ring namalagi sa hospital si Mon. Nang lumabas siya ay sinabi namin sa kanya na doon muna siya sa bahay habang siya ay nagpapagaling.

Habang papauwi kami noon sakay ng jeep nang pinsan kong si Pol ay masayang-masaya si Alfred. Si Mon naman ay tahimik lang na nakaupo.

Huminto ang jeep sa harap ng isang tindahan.

“Sandali lang ‘insan ha. Bibili lang ako ng yosi.” Si Pol iyon.

“Sige ‘insan. Pakibili mo nga kami ng kendi ha. O heto pera.”

“Huwag na ‘insan. Ako na bahala.”

Nang bumaba si Pol ng jeep ay nag-inat ako ng kaunti pagkatapos ay pinagmasdan ko si Mon na tahimik na tahimik pa rin. Maya-maya’y…

“O kuya Dennis… ate Sally. Baka matunaw ako sa katititig ninyo sa akin niyan,” ang wika ni Mon.

Nagkatinginan kami ng kabiyak ko. Sa mukha ni Sally ay nabanaag ko ang labis ng pagtataka kung paano nalaman ni Mon na nakatigin nga kami sa kanya.

“Mon… papaano mong…”

“Naku naman si kuya, hinulaan ko lang iyon. Binabasag ko lang ang pananahimik ko.” Ang sagot kagyat ng kapatid ko.

“Oo nga naman itay. Nagdyo-joke lang si tito Mon.”

“Huwag ka ngang nagbibiro ng ganyan ‘tol. Alam mo namang…”

“Malay mo kuya hindi ako nagbibiro.”

“Ano!? Hay naku, bahala ka na nga.” Ang sagot ko sa tinuran ni Mon. “Siyanga pala ‘tol… kapag tuluyan nang naghilom ang mga sugat mo sa mata eh ipagpapagawa kita ng prosthetic eyes. Siyanga pala, alam na nina Teresa at Elena ang nangyari. Next week daw eh dadalawin ka nila dito sa San Luis.”

“Salamat kuya. Salamat sa inyo ni ate Sally sa lahat ng tulong ninyo.”

“Pamilya tayo Mon,” wika ng aking asawa.

“Mon, kulang na kulang iyan para sa sakripisyong ginawa mo para kay Alfred at para sa ating angkan.”

“Kuya, ginawa ko lang ang dapat kong gawin.”

“Maraming-maraming salamat ‘tol.” Pagkasabi ko niyon ay mahigpit akong yumakap sa aking kapatid.

“Wow! Ang tagal mo ding hindi ako niyakap ng ganito ah kuya. Sarap sa pakiramdam.”

“Tito Mon, ako na po ang mag-aalaga sa inyo mula ngayon.” Yumakap rin si Alfred sa kanyang tito.

“O teka… teka… bitawan na ninyo ako’t hindi ako makahinga.”

Pagkatapos niyon ay katahimikan ang sumunod. Ilang saglit lang ang katahimikang iyon.

“Basta tito sa amin ka na titira ha.”

“Salamat. Pero Alfred… kuya Dennis… ate Sally… hindi ako puwedeng mamalagi sa inyo ng matagal. May mga taong nangangaylangan ng tulong ko. Alam ni kuya Dennis ‘yan. Hinihiling ko lang kuya na pakiayos niyong nasirang bahagi ng lumang bahay natin. Doon pa rin kasi ako titira.”

“Ha… pero tito, bulag ka na. Hindi mo kakayaning mag-isang mamuhay doon.”

“Alfred. Dalawang mata ko lang ang nawala. May pangatlong mata pa ako. Hindi ito kasama ng mawala ang sumpa. Mas malakas ang pakiramdam kaysa sa paningin. At may magsisilbi pa rin naman akong mga mata.”

Pagkasabi ni Mon niyon ay inilabas nito ang isang kamay sa bintana ng jeep. Pagkatapos niyon ay biglang may uwak na pumasok sa jeep at lumapag sa kanyang balikat.

– W A K A S –