Salamin

mirror 2Aking salaming nakasabit sa dingding,
Samo ko ay laging ibulong sa akin,
Na dungis ng iba, bago  ko punahin,
Uling sa mukha ko dapat ay  linisin.

Turuan mo nga akong maghunos-dili,
Na h’wag perpekto kung tignan ang sarili.
Pagsabihan ako na h’wag magmapuri,
Kasi ako ma’y  madalas magkamali.

Sabihin mong wala akong karapatan
Na kapwa ko tao ay aking pulaan,
Dahil ako ma’y maraming kakulangan –
Pagkatao ko’y tadtad sa kapintasan.

Sa tuwing kita’y lalapitan sa dingding,
Paalalahanan ako oh salamin
Na sariling buhay ko’y dapat ayusin
At h’wag buhay ng may buhay ang punahin.

Sana’y tulungan mo akong unawain,
Na oras akin lamang sasayangin
Kung kakulangan ng iba’y laging papansinin
At pagkakamali nila ang laging hahanapin.

Pilitin mo namang ituro sa akin
Na galit sa puso’y hindi ko kimkimin,
Na inggit sa limot lagi kong ilibing,
Na kapwa-tao’y lagi kong unawain.

Oh salamin ako’y paalalahanan
Na dapat saliksiki’y tamang katwiran
Na kung tamang landas… aking dadaanan
Panginoong Diyos ako’y gagabayan.