Ang Samyo Ng Hinog Na Bayabas
Nang trabaho’y natapos, ako’y lumabas
Sa jeep na dumaan pumara’t umangkas
Pagkaupo’y sa barandilya’y humawak
Nais na maidlip, pumikit akong kagyat.
Habang nakapikit, ako’y may nalanghap
Animo’y samyo ng hinog na bayabas,
Natakam…kaya’t mata ko’y iminulat
“Ay sus!” Katabi ko… braso’y nakataas.
Hindi pala bayabas, aking naamoy
Ito pala’y panis na pagkaing baboy
Nang langit ng baho sa daigdig nagsaboy
Sinalo lahat ng katabi kong kolokoy.
Ako’y nahilo sa amoy na nasagap
Sikmura ko noo’y halos bumaligtad
Para akong ikinulong sa “septic tank”
Nais ko nang pumara upang tumakas.
Ilang saglit pa’t meron akong napansin
May pasaherong sa akin nakatingin
Braso ko kasi pala’y nakataas din
Doon sa baradilya’y nakalambitin.
Hindi lang pala dalawa kundi marami
Matang tutok sa aki’t aking katabi
Marahil ay pilit nilang winawari
Akin o kanya… mabahong kili-kili.
Halos sabay kaming nagbaba ng braso
Pagkatapos… tumingin sa akin ang loko
Aba’y biglang tinakpan ang ilong nito
At mabilis bumaba ng jeep pumreno.
Bago ang jeep nagpatuloy sa pagusad
Aba’t ang kolokoy ako’y kinausap
“Ah tanggapin mo sana ang payo ko brod,
Maligo ka palagi’t gumamit ng tawas.”