Tunay Na Kaibigan
Simple ang tanong. Kaylan masasabi na ang taong tinatawag kang kapatid, kapuso, kapamilya o kabarkada ay tunay mo ngang kaibigan at hindi nagpapanggap lamang? Nakakatiyak ka ba na ang fren o BFF mo, na minsan ay tinatawag mong sister o brother, kahit hindi kayo magkadugo, ay tunay mong kasangga at pinagmamalasakitan ka?
Tunay ngang napakasarap na magkaroon ng kaibigan. Iyong taong kasama mong tumatawa kapag ikaw ay masaya at kasama mong nagdiriwang kapag ika’y nagtatagumpay. Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya ka, nakakamit mo ang iyong mga pangarap, at ang takbo ng buhay mo ay sumasangayon sa iyong kagustuhan. May mga panahong igugupo ka ng kalungkutan at kabiguan. Ito ang pagkakataong kaylangan mo ng balikat na iiyakan…ng taong kadamay.
Ang kaibigan bang kasama mo kapag masaya ka at masagana ay nandoon rin kapag gumagapang ka sa balag ng pighati at kabiguan? Kung siya ay nandoon kasama mong sumasagwan habang ang bangka mo ay tumatawid sa lawa ng kalungkutan at paghihirap ay mapalad ka sa dahilang meron kang tunay na kaibigan.
Hindi kasi lahat ng taong akala mo ay kaibigan ay tunay na nagmamalasakit sa iyo at handa kang damayan sa abot ng kanilang makakaya. May mga tao na gusto ka lamang kasama sa lakaran, inuman, kainan o kantahan. Wika nga sa English, “friends in good times,” lalo na nga kung ikaw ang taya.
May mga tao kasing ang pananaw sa pakikipagkaibigan ay nakabase sa tanong na ,“Ano ba ang pakinabang ko sa iyo?” Kung merong mapapala mula sa iyo ay babarkadahin ka upang sa panahon na may kaylangan sila ay tatawagin o pupuntahan ka.
May ganyan bang tao na kaybigan ang tawag sa iyo? Mag-ingat ka dahil siya ay “user.” Maaala-ala ka lang ng ganyang uri ng kaibigan sa pagkakataon na may hihingin siyang pabor o kaya nalulungkot siya kaya kaylangan ng kausap. Kabilang ka sa listahan ng mga tinatawag niyang kaibigan dahil may mapapala sa iyo. Paminsan-minsan na may gagawin siyang pabor para sa iyo para hindi siya halatain. Pero kung lilimiin mo nang mas malalim ay makikita mo na hindi “symbiotic” ang uri ng relationship ninyo. Makikita mong para siyang “parasite” na gusto laging kumabig. Hindi ka naman tanga para hindi mo mapansin na ang taong iyan ay “selfish” at puno ng “selfish intentions.”
Hindi sa naghihintay ka ng kapalit sa mga bagay na ginagawa mo sa iyong kaibigan. Hindi rin materyal na bagay ang pinaguusapan dito. Ang pagtulong natin sa mga kaybigan sa ano mang paraan ay pagpapakita natin ng kagandahang loob. At lahat ng tao, ano man ang estado sa buhay, may pinagaralan man o wala, mahirap man o mayaman, ay alam na dapat sinusuklian ang kagandahang loob kahit sa pinakasimpleng paraan. Subalit kung ang taong tinatawag kang kaibigan ay hindi alam iyan dapat eh magisip-isip ka.
Hindi lamang mga kaibigang may “selfish intentions” ang pag-iingatan mo. Baka rin may mga taong hitik “with bad intentions” na ang tawag din sa iyo ay kaibigan. Sila ang mga taong kapag nakatalikod ka lahat ng baho mo ay isinisiwalat sa iba. Kaya’t kilatisin mo ng mabuti kung ang pinagsasabihan mo ng iyong mga problema at mga hinaing sa buhay ay mapagkakatiwalaan o hindi.
Mahirap magkaroon ng kaibigang makati ang dila na ang kaligayahan ay siraan ang mga tinatawag niyang kaibigan sa iba niyang mga kakilala. Kaya’t mag-ingat ka. Hindi nangangahulugan na kapag ang kaibigan mo may pinag-aralan na siya ay matinong tao. Hindi ibig sabihin na kung ang tumatawag sa iyo ng kaibigan ay pala-simba, nagnonobena at nagrorasaryo na siya ay isang santo o santa. Ang siste nga ay kung habang nasa simbahan mismo kayo ay kung ano-ano ang kanyang pinupuna at sinasabi sa mga taong hindi naman ninyo kakilala eh magisip-isip ka na.
Ano pa ba ang ibang uri ng kaibigan na hangga’t maaari ay iwasan?
May mga kaibigan ka ba na sa tuwing kausap mo ay puro tsismis at kasiraan ng ibang tao ang laging bukang-bibig? Tandaan mo ito… kapag wala ka at kausap niya ay ibang tao, isa ka sa mga pinaguusapan nila. Pinagpipyestahan nila ang mga problema at sikreto mo. Tiyak iyan.
May kabarkada ka ba na kapag kausap mo ay puro pamimintas at paghuhusga ang ginagawa sa iyo? Iwasan mo siya. Okay lang na sabihan ka sa mga maling ginagawa mo pero alam mo kung ano ang pagkakaiba ng pagpapayo upang itama mo ang isang pagkakamali at pagsasabi ng pagkakamali mo para pintasan at husgahan ka.
At kung may kaibigan ka na minemenos ka’t minamaliit, aba, ora mismo, lumayo ka. Ang tunay na kaybigan ay dapat pinapalakas ang ating loob at naniniwala na may kakayanan tayo. Gusto nilang tayo ay magtagumpay at makamit natin ang ating mga pangarap sa buhay.
Meron kasing mga grupo ng magkakaibigan na kapag sama-sama sila ay kaylangang merong isa sa kanila na pagtsismisan, merong hahamak-hamakin at merong pagtatawanan. H’wag kang pumayag na ikaw iyon. Umiwas ka sa ganyang uri ng grupo. Mero’t merong kang mahahanap na mga barkada na may paggalang at tunay na pagmamalasakit sa bawat isa.
Hindi tayo perpekto. Walang taong perpekto. Kaya’t kaylangan natin, bukod sa pamilya, ng mga kaibigan na tutulong upang maiangat natin ang ating mga sarili. Iyon bang susuporta sa pakikipagtunggali natin sa mga hamon ng buhay. Hindi iyong lalo pang magpapabigat sa ating mga dalahin. Kaylangan natin ng mga kaibigang bukal sa loob ang pagtulong at hindi pansariling interes lang ang iniisip… kaybigan marunong magbalik ng kagandahang loob, sa ano mang paraan, hindi mo man ito hinihingi.
Kaylangang natin ng mga kaibigan na nakatampuhan mo man, may nasabi man kayong hindi maganda sa isa’t-isa, sa paglipas ng panahon, kapag muli kayong nagkita, nagkapaliwanagan ay muli ninyong yayakapin ang isa’t-isa. Ganyan ang tunay na kaybigan. Minsan nga, matindi man ang tampuhan ninyo, kapag nagkita kayong muli at nagyakapan ay ni hindi na kaylangan ng paliwanagan.
Isa pang palatandaan ng tunay na pagkakaibigan ay ang pagiging bukal sa puso ng pagtulong sa bawat isa. Hindi na kaylangang hingin…hindi na kaylangang sabihin. Ano mang bagay na makakatulong ay kusang loob na ibinibigay o ginagawa natin para sa ating mga kaibigan.
Ang tunay na kaibigan ay iyong naaalala ka kahit walang kaylangan…iyong tipong bigla kang yayayaing mag-kape dahil nami-miss ka.
At ang pinakamahalaga sa magkaibigan ay ang harap-harapang pagsasabi ng hindi magandang ginagawa o sinasabi ng bawat isa. Tandaan nating ang nagmamalasakit na kaybigan ay iyong itatama ka sa mga mali mong gawain dahil ayaw nilang ikaw ay mapariwara. Mula sa Kawikaan 27: 5-6 – “Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig na lihim pala. May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.”
Huling tanong, “Ikaw? Anong uri ka bilang kaibigan, tunay o nagpapanggap?”
Leave a comment
Comments 0