Masaya Ka Na

(Inspired by Ed Sheeran’s “Happier”)

happier

Dati nating tagpua’y aking pinuntahan
Nakitang kamay mo iba ang may tangan
Kamakailan lamang nang ako’y iwanan
Kagyat kapalit ko’y iyong natagpuan

Mula sa malayo kayo’y pinagmasdan
Tila kay saya ninyong nagkukwentuhan
Nais mo bang aking tanggapin na lamang
Na kay bilis mong ako’y kinalimutan

Nagbubulungan kayo’t nagtatawanan
Puso’y hinagupit ng panghihinayang
Kasiyahan ninyong walang mapagsidlan
Animo’y krus ng kalbaryong aking pinasan

Kamay ko’y binitawa’t ika’y umalis
Dahil damdamin mo’y nasaktan ng labis
Ngunit umaasang iyong malilirip
Pagmamahal ko’y walang makahihigit

Masaya ka na ngang iba ang kapiling
Nakakalungkot ma’y aking tatanggapin
Nasasaktan ma’y akin ding aaminin
Nahihirapan akong ika’y limutin

Saan man magpunta’t ano man ang gawin
Ala-ala mo’y ayaw akong palayain
Anino itong nakabuntot sa akin
Aking naaaninag kahit pa madilim

Masaya ka na… paano naman ako
Kaligayahan ko’y nanggagaling sa ‘yo
Nasa bisig mo ang aking paraiso
Kung wala ka ay ‘di iinog ang mundo

Kung ang sayang iya’y panandalian lang
Kung sa bandang huli ika’y masasaktan
Huwag magatubiling ako’y balikan
Puso ko’y katukin kita’y pagbubuksan

Advertisement
%d bloggers like this: