Paglilimi

Katawan ko’y pinanday sa lambak ng Cagayan
Isip ko’y hinubog sa baybayin ng Batangan
Pagkatao’y nililok ng bayang sinilangan
Sa ibayong dagat ma’y bandila ko ang tangan

_____

Sa paanan humaplos tubig mong maligamgam
Ginhawa ay dumaloy sa pagal kong katawan
Sariwang hangin masuyo akong idinuyan
Kabuuan ko’y niyakap ng kapayapaan

_____

May AKDA muli ang syang magpapasya
Bagong kwento ba’y trahedya o komedya
Luluha ba ang tauhan o tatawa
Kwento ba’y tatapusin sa lungkot o ligaya

_____

Narating na ng kwento kanyang sukdulan
Naubusan ng sangang pwedeng ugpungan
Sa kwento ay merong takdang katapusan
May akda’y nagpasyang ito ay tuldukan

_____

Buhay mo ay kwentong ikaw ang susulat
Pipili ng tauhang dito ay gaganap
Magpapasya ka kung kwentong malalahad
Sa saliw ng tuwa o lungkot malilimbag

_____

Pagka kwento ng buhay mo’y susulatin
Sariling pluma ang dapat na gamitin
Banghay nito sa lugod mo pagapangin
Sa kasukdulan tagumpay ang abutin

%d bloggers like this: