Mga Hamon Sa Buhay

Tibong Cagayano, 02-21-10

Capture

Sabi mo…  masalimuot ang buhay mong tinahak,
sa dinaanan mo marami kang pagsubok na hinarap,
nalampasan lahat ng ito dahil sa iyong pagsisikap,
di ka nagpatalo sa sakit at di sumuko sa hirap.

Sa puntong yan, masasabi kong tayo ay pareho,
maraming pagsubok din ang sa aki’y Kanyang ibinato,
mga hamon sa buhay, hinarap ng buong tibay,
nilabanan ko ang mga ito ng buong husay!

Korek ka diyan kaybigan ng iyong sabihin,
mga pagsubok na yan ang nagpatibay sa karakter natin,
ang pagharap sa laban na ang kaaway ay suliranin,
malaking bahagi ito sa pagpanday ng katatagan natin.

Lahat ng dumating na pagsubok at mga suliranin,
wala ni isa man ang gumapi sa akin,
nanatiling nakatayo ang bandila ko sa tikin,
hindi naitumba ng kahit gaanong kalakas na hangin.

Maaga din naman akong napasabak sa pakikibaka,
bata pa ako noon ng dumating ang unang problema,
biglang naging mahirap ang buhay naming marangya,
tatay ko kasi’y ginipit, sa trabaho’y nagbitiw siya!

Nang mag-kolehiyo naman, kaylangan ang malaking halaga,
para makaluwas at makapag-aral sa Maynila,
kakapusan sa pera ay malaki talagang problema,
kung wala ka nito, paano magbabayad ng matrikula?

Konting taglay na talino ay aking ginamit,
pinilit kong ipasa lahat nang pagsusulit,
sa awa ng Diyos pumasa naman sa “scholarship test,”
naging iskolar sa Unibersidad, paghihirap ay nasulit.

Libre man ang matrikula, ako pa rin ay kinakapos,
perang galing sa gobyerno ay kaydaling maubos,
pag-aaral kasi sa Maynila ay talagang napakagastos,
paano makatapos kung walang perang pantustos?

Gumawa ako ng paraan para ang gastos ay mapagaan,
ambisyong maging abugado ay kinailangan kong palitan,
maging isang Heneral naman ang napili kong makamtan,
sa PMA kasi… libre lahat, walang problema sa gastusan.

Muli kong inihanda ang sarili sa maigting na laban,
mariin kong piniga ang lahat ng katas sa aking isipan,
sa lahat ng mga eksamen ay muling nakipagbunuan,
sa PMA nakapasok, nagtapos at naging Tinyente ng Hukbong Sandatahan.

Sa unang taon ng aking panunungkulan,
walang masyadong sigalot, buhay ay magaan,
pero ng umabot ang ranggo sa Kapitan,
nagsimula ang hirap, problema ay nagdatingan!

Sa puntong ito, ipagpaumanhin mo aking kaybigan,
kung di ko maisiwalat dito lahat ng mga naranasan,
medyo delikado kasi at talaga namang maselan,
hindi pwedeng banggitin baka tayo ay balikan!!!

Alam mo na rin naman siguro,
kung gaano kahirap makitungo sa pulitiko,
bilang Pulis kasi ay kailangan mong makipaglaro,
lumandi at sumipsip sa mga opisyales ng gobyerno!

Ano ba ito katoto kong katulaan,
bakit mukhang seryoso pa rin ang ating kwentuhan?
akala ko ba dapat na nating iwasan,
ang ganitong tema ng ating usapan?

Hayaan mo… sa susunod kong tula, ialay ko ito sa ‘yo,
magbibigay-pugay ako sa inspirasyong hatid mo,
hayaan mong magpasalamat ako sa iyo ng taus-puso,
dahil sa iyo ‘igan, paglikha ng tula, ako ay natuto!

Advertisement
%d bloggers like this: