Pintig
Taludturan ay muli kong lalakbayin
Pintig ng puso’y pagtutugma-tugmain
Talinhaga nito pilit mong talusin
Sa kanyang kariktan sarili’y lunurin.
Mga saknong sa tayutay hahabiin
Maraming pagwawangis dito’y gagamitin
Hindi dahil nais isip mo’y guluhin
Nang ito’y maarok puso ang gamitin.
Damdaming dumaloy sa bawat taludtod
Ay laman ng pusong sa pantig tumibok.
Kung isip ang gagamitin – ‘di mo maaarok
Tanging sa puso damdami’y iindayog.
Mata mo sana’y ipikit aking giliw…
Sumayaw tayo sa kumpas ng aliw-iw
Sabihin man nilang ako’y isang baliw
Pag-ibig sa iyo’y hindi magmamaliw.
Pag-ibig ko’y araw na laging sisikat
Tala itong sa gabi laging kukutitap
Pag-ibig ko’y kulay na hindi kukupas
Kawalang hanggan may marating ang wakas
Aking giliw ako sana’y iyong dinggin
Lumapit ka’t masuyo akong yakapin
Pintig ng mga puso nati’y pagtugmain
Sa bawat pantig ng tula’y padaluyin