Lingon (Part 2)
Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.
“Bakit naman po?” ang tanong ni Daniel. “Ano po ba ang nasa islang iyon?”
“May mga rebeldeng NPA po ba doon?,” ang akin namang dugtong.
Hindi kaagad tumugon ang mga nasa bangka. Parang ayaw sagutin ang mga tanong namin.
“Pwede po ba ninyong sabihin sa amin ang dahilan,” ang sumamo ni Daniel.
“Mababangis sila,” ang matipid na wika ng babae.
“May mga tigre at leon po ba doon?” ang tanong ni Daniel.
Pakiwari ko’y nanunuya si Daniel nang sabihin iyon.
“Higit pa sila sa mga hayop na nabanggit mo.” ang sagot ng babae.
Ang wika ko nama’y, “Halimaw lamang ang pwedeng humigit pa sa mababangis na hayop.”
“Tama ka! Kaya kung ako sa inyo ay huwag na kayong tumuloy sa isla. Tiyak na kapahamakan ang naghihintay sa inyo doon.” ang pagbabanta ng lalaking kausap namin sa bangka.
Nagsalubong ang tingin namin ni Daniel. Tumingin siya kay Tomas at parang may gusto sanang sabihin. Sinenyasan ko siyang manahimik.
“Hindi ko po maaaring pabayaan ang aking kapatid.” ang wika ni Tomas. “Kung totoo ang mga sinasabi ninyo eh lalo kong dapat puntahan ang isla’t hanapin siya.”
“Tol, sigurado ka ba?” ang nag-aatubiling tanong ni Daniel.
“Daniel, Willy… sige na umuwi na kayo. Ako na lang ang pupunta sa isla. Ayaw kong madamay pa kayo. Sorry sa abala.”
“Ano ba kasi Daniel… umuwi ka na nga!” ang inis kong bulyaw sa kaybigan namin.
Natameme si Daniel sa sinabi ko. Lumayo ito nang bahagya at tumalikod sa amin, pabulong-bulong na parang nagmamaktol.
Nang ibaling ko ang aking tingin sa mga nasa bangka’y nakita kong matamang pinagmamasdan ng babaeng nasa bangka si Tomas. Ang pormal na timpla ng mukha niya noong una kaming makita ay parang napalitan ng kalungkutan matapos marinig ang sinabi ni Tomas.
“Sa tingin ko eh desidido ka na amang na pumunta sa isla,” wika ng lalaking nakatayo sa harap ng bangka.
Napansin kong inilayo ng lalaking sumasagwan ang kanilang bangka sa breakwater. Muling nag-usap ang mga nasa bangka. Tumayo ang babae at nilapitan ang lalaking nasa unahan. Maya-maya’t parang may hindi pinakasunduan ang dalawa. Tingin ko’y parang nagtatalo sila. Tinalikuran ng lalaki ang babae. Nagpunta sa dulo ng banka, kinuha ang sagwang hawak kanina ng babae at nagsimulang sumagwan palayo. Nagpatuloy sila sa pagtatalo. Tumayo ang nakababatang lalaki at akmang lalapitan ang babae ngunit bago pa man niya ito magawa ay nakita kong biglang hinubad ng babae ang suot na tunika at tumalon sa dagat. Lumangoy siya pabalik sa breakwater.
Tumigil sa pagsagwan ang lalaki. Parang nagulat sa ginawa ng kasama nila.
Ilang sandali pa’y nakarating na sa kinalalagyan namin ang babae. Bumaba ako sa rampa’t sinalubong ko siya upang tulungang makasampa.
Basang-basa ang mga suot nitong damit na lumapat sa mahubog niyang katawan. Sa kanang hita niya’y nakapulupot ang sukbitan ng kanyang hunting knife.
Inilapit ng matandang lalaki sa breakwater ang bangka at sinabing, “Jasmin, pwede mo pang baguhin ang desisyon mo. Bumalik ka dito sa bangka. Kaylangan ka namin.”
Tanging iling lamang ang isinagot ng babae.
“Jasmin, halika na,” wika naman nung isa pang lalaki.
Tinignan siya ng babae at sinabing, “Sorry, kaylangan kong gawin ito.”
“Nakikiusap ako Jasmin,” dugtong nung nakakabatang lalaki sa bangka.
“Hayaan mo na siya,” matigas na wika naman nung nakakatandang lalaki. “Huwag kang parang nagmamakaawa.” Bumaling naman siya kay Jasmin at sinabing, “Iginagalang namin ang iyong kagustuhan. Sasabihan ko na lang sila tungkol sa desisyon mo sa susunod na pulong namin. Paalam Jasmin, gagampanan pa rin namin ang aming nakatakdang gawain kahit wala ka na.”
Pagkasabi niyon ay nagsimulang sumagwan palaot ang nakakatandang lalaki habang ang isa nama’y nanatili sa kinalalagyan at hindi inihihiwalay ang tingin sa babae.
“Mang Kanor… Gener,” wika ng babae.
Tumigil sa pagsagwan ang tinawag ng babaeng “mang Kanor.” Lumingon ito’t tumingin sa babae.
“Salamat po sa lahat. Mag-ingat po kayo.”
Tinanguan lamang ng mga nasa bangka ang babae. Nagpatuloy na ang mga ito sa pagsagwan palaot.
*****
Mula sa rampa’y umakyat sa breakwater si Jasmin. Sinundan ko siya.
“Basang-basa ka miss… Jasmin. May baon akong ekstrang damit.”
Mula sa aking backpack ay kinuha ko ang aking t-shirt at maong na short at iniabot ko kay Jasmin. Hindi na ito nagpakyeme pa. Kinuha niya ang mga ito’t sinimulang hubarin ang kanyang mga basang kasuotan.
Nagkusa kaming magkakaybigan na tumalikod habang siya’y nagibibihis.
“Okay na. Salamat sa inyo,” wika ni Jasmin matapos ang ilang sandali.
Medyo may katangkaran si Jasmin, hanggang tenga lamang niya ako at halos magkasing-tangkad sila ni Daniel. Sa aming tatlong magkakaibigan, si Tomas ang pinakamatangkad at may pinakamatikas na pangangatawan. Basketball player siya at masipag mag-exercise. Pareho kaming chubby ni Daniel. Sineryoso ko ang pagsama sa gym kay Tomas kaya medyo lumilintog na ang muscles sa ilang bahagi na aking katawan at mas maliit na nga ang tiyan ko kumpara kay Daniel.
Dinukot ni Jasmin sa bulsa ng hinubad na pantalon ang isang rosaryo. Pagkatapos ay tinanggal sa sukbitan ang dalang hunting knife at ginamit ito upang punitin ang nabasa niyang t-shirt. Ginawa niya ito na parang belt upang huwag malaglag ang medyo may kalakihan sa kanyang shorts na ipinahiram ko.
Napakadami kong gustong itanong kay Jasmin. Marahil sina Daniel at Tomas ay ganoon din. Pero hindi ko alam kung saan ko sisimulan.
“Ah… Jasmin, ano iyong sinasabi ng tinawag mong mang Kanor na nakatakda nilang gawin?” ang tanong ni Tomas sa babae.
Bumuntung hininga ang babae, tumingin sa papalubog na araw at sinabing, “Malalaman ninyo kapag nagtagumpay kayong makaalis ng isla at makabalik dito.”
“Ha! Bakit ayaw mo pang sabihin ngayon?” ang parang inis na sabi ni Daniel.
“Please lang… please lang… sandali lang. Hayaan ninyo muna ako.”
May sasabihin pa sana si Daniel subalit tumigil ito ng titigan ko siya nang matalim.
“Jasmin pasensya ko na dito sa kaybigan namin. Wala talaga preno ang bibig nito,” ang wika ko.
Tumango lamang si Jasmin.
Ah ako nga pala si Willy,” ang pagpapakilala ko. “Mga kaybigan ko sila – sina Daniel at Tomas. Si Ella naman iyong kapatid ni Tomas na susundan namin sa isla Miedo.”
Tinanguan din lamang ako ni Jasmin at pagkatapos ay sinabing, “Hayan humalik na ang araw sa dagat. Maya-maya lang eh darating na si tandang Kharon.”
“Sino naman iyon?” ang tanong ni Daniel.
“Siya ang bangkerong naghahatid ng mga gustong pumunta sa isla ng Miedo.”
“Eh maiba ako Jasmin. Saan ba banda iyong isla na iyon,” ang tanong ko. “Mukhang malayo ah. Puro dagat lang kasi iyang nakikita ko sa unahan at sa kaliwa’t kanan natin.”
“Hindi ko kayang sagutin ang tanong mo. Basta’t ang sabi nila eh sundan lang daw ang nilulubugan ng araw eh makakarating ka at makakalabas sa isla Miedo.”
“At tanging sa pamamagitan lamang daw ng bangka ni tandang Kharon na pwedeng makarating doon,” ang dugtong ni Tomas.
“Tomas,” ang wika ni Jasmin. “Hindi bangka ang gamit ni tandang Kharon kundi balsa – balsang yari sa kawayan.”
“Balsa! Nagbibiro ka ba Jasmin. Sa lalim ng dagat na ‘yan at mukhang kay layo ng pupuntahan natin eh balsa lang ang sinasakyan?,” ang tanong ni Daniel.
“Tama ka. Balsa nga,” ang sagot ni Jasmin. “Itong kaybigan ninyong si Tomas eh mukhang may nalalaman tungkol sa isla at kay tandang Kharon.”
Tinignan ko si Tomas.
“Tol, may gusto ka bang sabihin pa sa amin tungkol sa isla?” ang tanong ko.
“Ituloy mo nga iyong parang naputol mong sasabihin kanina tungkol doon,” ang madiing wika ni Daniel.
Tinignan kami ni Tomas.
“Nakapakaganda daw ng islang iyon. Bukod sa mga niyog eh napakarami daw namumungang mga puno doon. Maraming migratory birds ang nagpupunta. May mga baboy damo at usa din. Meron din daw doong mga lobo. Maputi’t pino pa ang buhangin kaya marami ang naeenganyong magpunta doon.”
“O iyon pala naman eh anong problema?” biglang sabat ni Daniel. “Bakit ganun na lang ang pagpipigil sa atin ng mamang kasama ni Jasmin kanina?”
“Sinasabi nilang nakakatakot daw ang isla ng Miedo. Marami daw mula noon ang nagtangkang puntahan iyo para mamaril ng ibon at manghuli ng mga hayop, manguha ng mga bunga ng prutas at ang iba’y upang mag-excursion pero haggang ngayon eh hindi pa nakakabalik.” ang pagpapaliwanag pa ni Tomas.
Ang tanong ko’y, “Ni isa, walang nakabalik?”
“Eh ano ang ginagawa ng mga pulis at militar dito,” ang pag-uusisa ni Daniel.
Sinagot iyon ni Jasmin, “Maraming beses ng nagpunta dito ang mga awtoridad. Ang navy at ang coast guard eh ginalugad na ang sinasabing posibleng katatagpuan ng isla Miedo pero wala silang makita. Wala ito sa mapa. Ang madalas lang na nakikita ng mga nagiimbestiga ay ang ilang piraso ng mga sira-sirang balsa na inaanod sa kahabaaan ng aplaya dito. Wala silang makitang koneksyon sa mga sirang balsa at sa mga nawawalang tao. Kaya kapag may nagrereport na may mga nawawalang mga tao na nagpunta sa isla Miedo eh hindi na pinapansin ng mga awtoridad.”
“Bakit may natatagpuang mga sirang balsa?, ang pag-uusisa ko. “Ano ang koneksyon ng mga ito sa sinasabin mong balsa ni tandang Kharon.”
“Iyon mismo ang mga balsang ginagamit ng bangkero,” ang sagot ni Jasmin.
“Aba eh natural na magkakalasog-lasog ang balsa pagdating sa gitna ng dagat,” wika ni Daniel. “Yari lang sa kawayan iyon at kapag hinampas paulit-ulit ng alon eh unti-unting makakalag ang mga taling ginamit upang pagdikit-dikitan ang mga kawayan o magkabali-bali ang mga ito.”
Sa unang pagkakaton sa araw na iyon na may sinabing parang tama si Daniel. “Ang mga nawawala ay maaaring palang nangalunod,” ang dagdag ko sa mga sinabi niya.
“Hindi! Hindi sila nalunod, ang mga balsa’y hindi alon ang sumira.”
Natahimik kaming tatlo nang sabihin iyon ni Jasmin. Lalong dumami ang mga bagay na gusto kong itanong sa kanya.
“Ipapaliwanag ko sa inyo ang lahat,” ang dugtong ni Jasmin.
“Teka, teka, tignan ninyo iyon oh.”
Tinignan namin ang itinuturo ni Daniel.
“Sobrang baba ng ulap. Halos nakadikit na sa dagat,” ang halos pabulong na sabi ni Daniel.
“Oo nga ano. O…, mukhang papalapit dito sa atin ang ulap.” ang wika naman ni Tomas.
“Nangyayari ba talaga iyan dito Jasmin?” ang tanong ko.
At ang sagot niya’y, “Iyan daw ang palatandaan na darating na si tandang Kharon.”
Tumahimik kami at hinintay ang susunod na mangyayari. Nang ilang dipa na lamang ang layo sa amin ng ulap eh lumabas nang unti-unti ang isang mahaba’t may kalaparang balsa. Lulan nito ang isang tao na may hawak na mahabang tikin. Sa apat na sulok ng balsa ay may mga lampara na nakalambitin sa mga posteng yari din sa kawayan. Tumigil ito ng makadikit sa rampa.
Walang ni isa sa amin ang kumikilos.