Andap
Sa kalaliman ng isang gabing pusikit
Maningning ang mga bituing marikit
Malamig ang dampi ng hanging umihip
Mula sa kubo sa siga ako’y lumapit
Sa siga ay naglaho na ang lagablab
Tanging natira’y uling na aandap-andap
Palad ay ibinuka aking itinapat
Init mula dito ay hindi na sapat
Kapag andap sa uling aking hinipan
Mga tuyong dahon ito ay lalagyan
Apoy mabubuhay dahon ay didilaan
Lamig sa gabi’y di na mararamdaman
Tuyong dahon ngayon ay akin nang tangan
Andap sa uling muli na bang hihipan
O sa lilim ng kubo bumalik na lamang
Lamig ng gabi’y akin na lang kukumutan
Leave a comment
Comments 0