Ang Sumpa (Part 8)

third-eye-3-1Nang maka-alis sina father Enrico at kapitan ay naging tahimik sa aming bahay. Ang ama’y nagtungo sa terrace at ang aming ina  naman ay inihanda ang aming hapunan. Sumunod sa kanya sa kusina ang mga kapatid kong babae. Kami ni Mon ay nanatili sa salas. Habang nagbabasa siya ng komiks ay pinagmasdan ko siya. Parang hindi ko na nababakas ang takot at pangamba sa mukha ng bunso kong kapatid. Hindi katulad nang mga nakaraang buwan na walang araw na hindi mugto ang kanyang mga mata.

Marahil ay nakakasanayan na niya ang mga hiwagang nangyayari sa kanya. Tanggap na siguro niya na may kakaiba sa kanyang pagkatao. Maari ko sigurong sabihin na bukas kay Mon ang tinatawag nilang “pangatlong mata” o “third eye.” May kakayahan siyang makakita ng mga hindi pangkaraniwang nilalang at mga kababalaghan. Noon pa lang ako nagsimulang maniwala na totoo ngang may mga kakaibang nilalang na kasabayan ng mga tao na gumagalaw sa mundo. At may mga taong may kakayahang makita ang gayong mga elemento at espiritu.

Naisip ko ang mga sinabi ni aling Vicky. Nakapagtatakang may mga ganoong pangyayari sa lugar namin. Pero kung tutuusin, kahit noong wala pang ganoong kakaibang kakayahan si Mon ay mayroon talagang namamatay sa Dolores halos lingo-linggo o kada dalawang lingo – isa, dalawa at minsan ay higit pa. May mga nagkakasakit at may mga naaaksidente. Ang pagkakaiba lang eh mula ng maging trese anyos si Mon ay nagkakataon na parang alam niya o may nagdadala sa kanya sa lugar na may mamamatay, magkakasakit, o maaaksidente. Ang sabi nga niya noon ay isinasama siya ng mamang nakatalukbong ng itim sa bahay na may nakatakdang mamatay hanggang sa natuto na siyang tanggihan ito. Ang nagpasidhi sa hiwaga na nangyayari sa kapatid ko ay ang biglang pagsulpot ng mga uwak. Parang ang mga uwak ang nagbibigay ng proteksyon kay Mon.

Matapos ang hapunan ay nakita ko si Mon na nagtungo sa likod ng bahay. Nagpasya akong sundan siya. Naupo kami sa lilim ng puno ng mangga. May papag na inilagay doon ang ama na nagsisilibing pahingahan namin. Bahagyang maliwanag ang gabi dahil sa buwan. Inakbayan ko si Mon.

“Teka Mon… wala ba dito iyong mamang nakatalukbong ng itim?”

Nangiti si Mon habang sinasabing wala doon ang nilalang na iyon.

“Okay ka lang ba ‘tol.”

“Oo naman kuya. Ikaw ba?” Sagot at tanong ni Mon.

“Ayos lang. Malamok ah, gusto mo kumuha ako ng katol?”

“Huwag na kuya. Teka… kuya, huwag kang magugulat ha.  Tumingin ka sa may kawayanan sa bandang kanan mo.”

Sinunod ko ang sinabi ni Mon.

“O bakit? Heto nakatingin na ako. Anong meron?

“Hindi mo ba kuya nakikita iyong parang malaking mama na may hawak na tabako. Ayun oh.” Tumuro siya sa direksyon ng kawayanan. “Nakatingin nga siya sa atin eh.”

Nangalisag ang balahibo ko sa buong katawan sa sinabing iyon ng kapatid ko. Gusto kong tumakbo papasok ng bahay.

“Mon naman, huwag ka ngang nagbibiro ng ganyan.” Ang kunwari’y hindi takot na sagot ko sa aking kapatid.

“Kuya… alam mong pagdating sa ganyan mga bagay eh hindi ako nagbibiro. Iyan pala ang tinatawag na kapre.”

Takot man ay pilit kong tinanaw muli ang kawayanan.  Ngunit wala akong makita.

“Hindi ko talaga makita Mon.”

“Hayun pa rin siya. Ang kawayanang iyan siguro ang tirahan niya. Madalas ko siyang nakikita diyan kapag gabi.”

“Mon, madalas ka bang makakita ng mga ganyang nilalang?”

“Oo kuya, doon sa bandang likuran ng school na pinapasukan ko noon ay may mga duwende. Sabi ko sa iyon noon na may mga duwende rin sa harapang ng bahay natin. Hayan nga kapre. Doon naman sa malaking puno sa harap ng hospital sa bayan eh mayroong tikbalang na laging nakasandal doon sa puno. Iyon din ang kanyang tirahan. Minsan naman ay may mga nakikita akong naglalakad na kaluluwa. Lahat naman sila hindi ako sinasaktan. Sa isa lang ako parang natatakot noon, doon sa mamang nakatalukbong ng itim na nanunudo ng mga kaluluwa ng mga namamatay dito sa lugar natin. Pero nasasanay na rin ako na lagi ko siyang nakikita.” Ang sagot ni Mon.

“Aray, kuya! Napapahigpit yata ang akbay mo sa akin.”

“Ha? Eh sori. Kasi tinatakot mo ako eh.”

“Eh ikaw kaya itong nagtatanong.”

Noon ko mas naintindihan ang mga nangyayari kay Mon. Hindi lamang siya nakakakita ng mga kakaibang nilalang. Alam niya kung may mamatay dahil sa sinasabi nang mama na nakatalukbong ng itim. Siya marahil ang binansagang Kamatayan.

Maamo din sa kanya ang mga uwak at hindi siya puwedeng saktan ninoman dahil parang may kapangyarihang nagbibigay sa kanya ng proteksyon at ang mga uwak nga siguro ang nautusang bantayan si Mon.

Inisip ko kung maituturing na masamang espiritu ba ang parang kinauugnayan ng kapatid ko pero bakit hindi siya natatakot sa krus at rosaryo.  Nakakapagdasal din naman siya. At kung may masamang espiritu na lumulukob sa kanya eh dapat nakita iyon ni father Enrico. Halos nga paliguan na siya ng holy water ni father kanina.

“Bakit mo nga pala nasabi kay aling Vicky iyong mga sinabi mo kanina sa kanya? Naririnig mo ba iyong usapan sa salas habang nasa loob kayo ng kuwarto.”

“Wala, naramdaman ko lang at nabasa sa mga kilos niya na parang kinakabahan siyang may masamang mangyayari sa kanya.”

Mas pinagtibay pa ng sinabing iyon ni Mon na may mga namumuo rin siyang mga kakaibang kakayahan.

Panandalian kaming nanahimik ni Mon. Napansin kong humilig siya sa balikat ko, nakapikit ang mata. Marahil nakatulog at hinyaan ko lang siya. Naisip ko kung ano pa kaya ang mga darating na mga pangyayari na kakaharapin ng napakabata ko pang kapatid.

Maya-maya’y biglang bumalikwas si Mon, nagising ito at tumayo.

“Kuya nanaginip ako. Napakasamang panaginip.”

Humangos papasok ng bahay si Mon. Sinundan ko siya.

“Itay…inay… Masusunog po ang mga bahay sa paligid natin.”

“Ha? Paano mo nalaman?” Tanong ng aking ama.

“Itay… nanaginip daw siya. Sa panaginip niya nakita.”

“Anak paanong nagkasunog? Alam mo ba kung kaylan?” Ang paguulirat ng nanay namin.

“Hindi ko po alam kung kaylan, ang nakita ko lang eh mga mama na may hawak na parang mga sulo. Sila ang magpapasimula ng apoy.”

“Dapat po bang ipaalam natin ito sa mga kaptbahay natin?” Ang tanong ko sa aking ama.

“Hindi man tayo nakakatiyak kung ano reaksiyon nila eh mas mabuti siguro na bigyan natin sila ng babala.”

“Tingin ko eh mas makakabuti kung kay kapitan na lang natin ipaalam at bahala na siyang magsabi sa mga kapitbahay natin,” ang mungkahi ng aking ina.

At ang sabi ni Elena, “Tiyak na kapag nagkatotoo ang panaginip ni Mon eh siya nanaman ang sisisihin ng mga tao dito sa atin.”

Part 9