AKING AMA’T INA – 2

Hardpen, 02-27-10

Capture

Heto na kaybigan akin nang dinudugtungan,
tulang patungkol sa aking mga magulang,
akala ko katha tungkol sa kanila maikli lamang,
pasensya kung naputol nagdaang kuwentuhan.

Tatay ko, di pagyayabang ay talagang guwapo,
magaling siya sa talastasan, ubod ng bolero,
mapormang manamit, maraming nagkakagusto,
hinihimatay sa kunsimisyon selosang nanay ko.

Si Mama, matapang, nagmana kay Lola Toyang,
nakahanda palaging pumasok sa himagsikan,
kapag hinala sa Papa ko’y kanyang napatunayan,
maghapo’t magdamag na Papa ko’y sesermonan.

Aaminin na ang aming ama, tsiks ang kahinaan,
selosa kong ina kalokohan niya’y di pagbibigyan,
iyon ang madalas nila noong pinag-aawayan,
kami ng mga kapatid ko’y pumapagitna lamang.

At ng magsawa sa tsiks, tatay ko’y nagbago na,
ayaw namang magtiwala ng nanay kong selosa,
tuwing tatay nami’y aalis upang kumita ng pera,
nanay ko’ di mapakali, laging “tamang duda.”

Di nakatulong na kaylangan nilang maghanap-buhay,
sa piling ng bawat isa ay mas madalas na nawawalay,
at kapag sila’y uuwi na at magkikita sa aming bahay,
para may malaking pader na sa kanila’y naghihiwalay.

Minsan kaylangan kong magsakit-sakitan,
upang sina Papa at Mama ako ay lapitan,
mga kamay nila mahigpit kong hahawakan,
hanggang ako’y makatulog di ko bibitawan.

“Minsan kahit na pilitin mong uminit ang damdamin
di siya susunod at di maglalambing…”

linya yan sa isang kanta, kahuluga’y iyong unawain,
ganyan ang nangyari sa mga magulang namin.

“Differences” ng mga magulang ko’y “irreconciliable,”
sa bawat isa’y palagi nang may ipinagmamaktol,
lagi akong pumapagitna pagkakasundo nila’y habol,
hanggang ngayon ginagawa ko iyan, sila ma’y tumutol.

Sa buhay ako’y may itinakdang mahirap na misyon,
pinakamahalaga ito sa lahat ng aking ambisyon,
piliting tatay kong si Monching at inang si Salvacion,
muling magmahalan at magsama sa iisang bubong.

Kaya nga kaybigan hayaan mong isingit ko lang,
kapalaran ng matrimonyo ng aking mga magulang,
hangga’t maaari talagang ayaw ko ring kasapitan,
kaya “for fifteen years” meron akong pinagtitiisan.

Mabalik ako sa kuwento ng aking ama’t ina,
sa ginagawa kong pilit na pagkasunduin sila,
meron na ako ngayong nababanaag na pag-asa,
Mama ko’y bistado na Papa ko’y mahal pa niya.

Nagkasakit kasi minsan minamahal kong ama,
kaya’t doon sa Batangas ay dinalaw ko siya,
nang ito’y mabalitaan ng pinakatatangi kong ina,
di maipagkakaila na siya ay sobrang nataranta.

Wika nila’t ako’y naniniwala, “hope springs eternal,”
kaya’t sa Panginoon, patuloy akong nagdarasal,
magkatotoo sana ang panaginip na sa isang katedral
sina Monching at Salavacion muling magpakasal.

Advertisement
%d bloggers like this: