Ang Banal na Tupa
(Sa Piling Ng Mga Hayop – 3)
Mga katoto ako’y pahintulutan
Tungkol sa HAYOP muli kayong kuwentuhan
Ito ay HAYOP na aking nasumpungan
Sa isang gubat na aking pinasyalan
HAYOP na ngayo’y ating paguusapan
Ay isang tupang sa aki’y gumulantang
TUPA kasi sa aking pagkakaalam
Ay HAYOP na simbolo ng kaamuan
Itong TUPANG ating pinaguusapan
Doon sa KUWEBANG BANAL nanunuluyan
Pagkat piniling BATHALA’y paglingkuran
Ang TUPA nga’y alagad ng kabanalan
Mga TUPANG kay BATHALA naglilingkod
Huwaran sa pagsasalita’t pagkilos
Madaling lapitan ‘di nakakatakot
Pag-uugali’y hindi nakakayamot
Ngunit mga katoto ako ay nagulat
Dahil dito sa kinasadlakang gubat
Mga HAYOP na TUPA lintik bumanat
Aakalain mong LOBO ang kaharap
Itong TUPANG sentro ng aking kuwento
Ubod ng tabil animo’y isang LORO
Salitang lumalabas sa bibig nito
Ay nakapapanliit ng pagkatao
Ugali ng TUPA… kay hirap mawari
Kapag umasta akala mo ay hari
Siya ang dapat na makakapangyari
Tila hindi marunong maghunos-dili
TUPANG ito’y parang UNGGOY… matampuhin
Kapag nasalubong mo at ‘di napansin
Kapag nakaligtaang siya’y batiin
Asahan na ika’y kanyang sisitahin
Bakit? Porke ba siya’y HAYOP na TUPA,
Na nakatira sa BANAL NA KUWEBA,
Obligasyon ng makakasalubong n’ya,
Na pansinin… batiin… pagmanuhan s’ya?
TUPANG ito ay matamang kilatisin
Isa bang Padre Damaso in the making?
At ang tanong na dapat niyang sagutin –
“Hey… are you a sheep or a wolf in sheep’s clothing?”
Leave a comment
Comments 0