Ang Mayuming Dalaga

mayumi

Sa parke nakita’y magandang dalaga
Sa karikta’y mapagkakamalang dyosa
Kabado man ako’y nakipagkilala
Ang swerte ko nama’t  hindi s’ya suplada.

Mayuming dalaga’y kay sarap kausap
Walang mapagsidlan nadama kong galak
At nang magutom siya’y aking niyakag
Na aming subukin bibingka’t salabat.

Tumango’t ngumiti magandang prinsesa
Di nag-atubiling sa aki’y sumama
Bumili nga kami…salabat’ bibingka
Nagdagdag pa siya ng puto’t kutsinta.

Aba’t tila gutom ang aking kasama
Biniling pagkain biglang niratsada
At dahil pati niyog kanyang tinira
Ang dalaga’y dumighay na’y nautot pa.

“Sorry!” Wika ng gusto kong maging irog
Ngiti na lamang ang aking isinagot.
Ang dalaga pala kahit maalindog
Masangsang din pala’t mabantot ang utot.

At dalaga’y bigla na lamang bumahin
Lumabas sa bibig tinga ng kinain
At matapos na bibig kanyang pahirin
Kulangot sa labi niya’y lumambitin.

Inisip kung paano ko sasabihin
Nahihiya akong siya’y diretsahin.
Kadiri naman kung aking aalisin
At sariling kamay ko ang gagamitin.

At ang sinabi ko na lamang sa kanya
“Miss sa labi mo may niyog na natira.”
Sa halip na gamitin ang panyong dala
Pinangsungkit sa kulangot ay dila n’ya.

Nang kulangot ay naipasok sa bibig
Susme… nginuya’t ninanamnam na pilit
Aniya’y, “Bakit itong niyog mapait.”
Sagot ko’y, “Naku miss… baka iya’y panis.”
%d bloggers like this: