Ang Hatol Ni Gng. De Villa Sa Sagutan Namin Ni Manuel

My friend Manuel O’chong and I playing scrabble in my office around 20 years ago…

ANG TANONG KO:

Sa paligid ay igala ang paningin
Mayroon bang nagbago sa bayan natin,
Asam na pag-unlad atin na bang narating,
Kapayapaang hangad atin bang angkin?

Tigilan na ang pagbulag-bulagan
Mata mo’y imulat sa katotohanan
Bayan nati’y lugmok sa kahirapan
‘Di makamit asam na kapayapaan

Ang tanong, “Sino ang dapat na sisihin?”
Sino ba ang hindi tumupad sa tungkulin?
Mga pinuno bang iniluklok natin,
O imaheng katitigan mo sa salamin?

Pinunong halal lang ba ang may tungkulin
Na paglingkuran ang inang-bayan natin?
Kung doon sa hapag mo’y walang pagkain
Sila nga lang ba ang dapat na sisihin?

Kaninong pinuno ka ba nasiyahan?
‘Di ba’t silang lahat ay iyong pinintasan?
Palaging may mali, palaging may kulang,
Kay hirap sundin ng iyong pamantayan.

Subalit kung ika’y aking tatanungin
May nagawa ka ba para sa bayan natin?
Sobra-sobra kung pinuno’y batikusin
Eh ikaw, “Ano ba ang kaya mong gawin?”

Para kasing kay talino mo’t kay galing
Eh ‘di sige mungkahi ko iyong sundin
Maging pinuno iyo kayang subukin
At problema ng bayan iyong lutasin

Kung hindi kaya aba’y manahimik ka!
H’wag ka nang makisawsaw sa pulitika!
Ang gawin mo sana’y maghanap-buhay ka
Ang itaguyod… sarili mo’t ang pamilya

Sa halip na pulitika ang atupagin
Buhay mo muna ang dapat na ayusin
Dahil kapag tagumpay… iyong narating
Maging ang bayan mo’y makikinabang din.

MANUEL:

Nang aking igala ang aking paningin,
Mga taong mahihirap akin ding napansin
May mga naghahalo ng semento at buhangin
Sa maghapon ang kinita sapat lang sa pagkain.

Trabaho sa construction di gawa ng tamad
Bawal ang mahina at kilos ay makupad
Pero minimum wage mababa at di sapat
Kung sila’y umangal isasagot ba ay sumbat?

Kung ika’y mayaman at sa buhay kuntento
Maganda ang hanap-buhay malaki ang sweldo
Sisisihin mo ba ang nasa laylayang mga tao
Kung sa Pamahalaan sila ay magreklamo?

AKO:

Kapalara’y h’wag iasa sa gobyerno,
Sariling tadhana’y iukit sa palad mo,
H’wag sisihin si Duterte o Aquino –
Kung walang kaning mailagay sa plato.

Kaunting kinikita mo’y pagkasyahin
Kung hindi sapat ano ang dapat gawin?
Dapat ka bang maghanap ng sisisihin,
O antas ng buhay pilit na baguhin?

Walang maghihirap kung walang tamad
Kapag batugan ka’y hindi ka uunlad.
Kaya’t kung sa buhay ay nais umangat
Magbanat ng buto at laging magsikap.

Hindi kasalanan ang maging mahirap,
Ang kasalanan ay ang hindi magsikap.
Swerte mo’y hindi nakaguhit sa palad
Perlas itong dapat ay sisirin sa dagat


MANUEL:

Kung ang paningin ay ating igagala
Hwag puro pataas ituon din sa ibaba
Upang ating makita ang pobre at mahihina
Sa opurtunidad sila nga ay wala…

Mga magsasakang kulang sa pinag- aralan
Maghapong gumagawa sa lupa ng mayayaman
Mga anak di makatuntong sa mataas na paaralan
Kaya tulad nila lumalaking mga mangmang…

Kung sila ba sa Pamunuan umangal at magreklamo
Hilinging anak nila’y tulungan ng Gobyerno
Sumbat ba ang isasagot? “Kasi mga tamad kayo!”
“Magtiis kayo mga ulol! Walang silbing Indio!”

Kung ang Pamunuan sa mamamayan ay nangako
Kaya sila ay nahalal sa pwesto ay naupo
Pag mga tao ba’y umangal sa pangakong napako
Tama bang isagot mo’y, ” Di kayo ang mamuno!”

Sa bawat sulok ng Bansa ating mamamasdan
Mga pamilyang nagsisikap umahon sa kahirapan
Tyaga nila at punyagi tunay kong hinangaan
Kailanma’y di umasa sa manhid na Pamahalaan
Gayon ma’y wag umasang sila’y aking papurihan
Tungkulin nila ang tumulong at di magpayaman!.

AKO:

Pananaw kong tangan sa oportunidad –
Ito’y h’wag hintaying sa iyo igawad
Ikaw ang siyang dapat dito ay humanap
Ikaw ang magpagal, ikaw ang magsikap.

‘Di pwedeng idahilang tayo’y mahirap.
Ang linyang iyan ay luma na at gasgas!!!
Iya’y palusot ng mahihina’t tamad…
Ng mga taong sa diskarte ay salat.

Tama kang pamahalaa’y may tungkulin
Sistema ng gobyeno’y dapat ayusin.
Subalit kahangalan kung hihintayin
Na grasya at limos sa iyo’y darating.

Ang wika nga ni J.F.K., “H’wag tanungin
Kung ano ang bigay ng bayan sa atin
Bagkus ang atin dapat sanang isipin
Sa inang bayan ano ang alay natin.”

Mananatili… aking paninindigan
Kaya ng mahirap ang maging mayaman!
Sipag at tiyaga ang tanging kaylangan,
Tulong ninoman ay h’wag sanang asahan.

Masiyaha’t magkasya sa kakayanin.
Ang wala ka’y pwede mo namang hangarin,
Ngunit sa timbangan mo tagumpay sukatin,
H’wag panukat ng iba ang gagamitin.


MANUEL:

No Man Is An Island, yan ay kasabihan
Walang taong namumuhay ng mag-isa lamang
Kung mga pangarap mo’y pinagtagumpayan
Solo mo ba ang kredito kung kaya’t nakamtan?

Ang kapalaran ng bawat tao sa alinmang Bansa
Di lang siya ang umuugit at namamahala
Meron ding inaambag ang kanyang kapuwa
Buhay ba nya’y hindi hawak ng Dios na Dakila?

Di lahat ng nagsisiskap ay nagtatagumpay
Napakaraming masisipag ang bigo sa buhay
Merong sa pagsisikap sa pamilya ay nawalay
Babale- walain ba ang sa Dios na gabay?

Ang pamumuhay dito sa Bansang Pillipinas
Malaki ang impluwensya ng mga Mambabatas
Kung patakaran dito’y mainam at patas
Disin- sanay di dadami ang sa Bansa’y lumalayas!

Ang Gobyerno nating ayaw mong sisihin
Inaamin mong palpak at sa serbisyo’y bitin
Kung sa ating pagsisikap sila’y katuwang natin
Di ba’t ang asenso’y maalwang kakamtin?

Kung nais mo akong maniwala sa iyong kasipagan
Dito ka sa ating Bansa magtrabaho’t mamasukan
Pag sa iyong kikitain umunlad ka at yumaman
Sasaluduhan kita’t habang-buhay hahangaan!

Samantala mga batikos ko’y hindi ititigil
Sa pinuno ng Gobyernong palpak at inutil
Hindi yong komo mayaman na’t wala ng hilahil
Wala ka nang paki- alam sa kababayang nasisiil!


AKO:

Nasabi ko na ang dapat na sabihin
Ayaw ko nang ito’y uulit-ulitin.
Magkasalungat…paniniwala natin
Kung sino ang tama, mahirap sabihin

Palitan nati’y dito ko na tatapusin
Wala na kasi akong dapat sabihin.
Sa Diyos ang marubdob na panalangin,
Maraming tula pa ang iyong habiin.

 MANUEL:

Kung gayo’y nasa kamay na ng ating Lakandiwa
Ang pagpapasiya kung sino ang tama
Kaya’t atin nang tawagan ang Gurong Makata
Liwayway Pineda De Villa ikaw na po ang bahala…

Ano man po ang iyong maging kahatulan
Ito po ay labis na pasasalamatan
Ang sa amin po na balitaktakan
Iyo pong tapusin at iyong tuldukan..

Salamat sa aking Bro na sa tula ay Pitmalu
Sa balagtasan ay ikaw ang tunay na Lodi ko!


GNG. DE VILLA:

Kayong dalawa totoong kapwa tama
Ang mga pananaw ay kahanga-hanga
At ang malasakit ninyo’y pambihira
Alam na nating nasa tao ang gawa

At buhat sa Diyos naman ang ay awa
Tayo’y binigyang buhay Niyang malaya
Pumili ng uri ng buhay na nasa
Sa pahintulot ng tunay na Lumikha

Kaya patas lamang ang kapwa makata
Damdamin at diwa’y dinaan sa tula!