problema ay harapin, hindi dapat IWASAN!
Tibong Cagayano, 02-12-10
You can’t have it all!” sa pang-walo mo, iyong winika,
totoo yan, hindi lahat ng bagay ating nakukuha.
kaya pasalamat na lang tayo sa anumang biyaya,
na ibinigay sa atin ng Dakilang Lumikha.
Lubos akong nanlumo, tuhod ko ay nanghina,
ng mabasa ko ang mga tinuran mong salita,
sa likod pala ng iyong pagiging makata,
may mabigat na problema kang dinadala.
Iyong tinuran, may nais ka dyang iwanan,
kung anuman ‘yun, lawakan mo iyong isipan.
isipin mong mabuti kung tama ba ang paglisan,
pag-iwas kasi sa problema ay karuwagan!
Lahat naman ng nilikha niya may problema,
parte lang ito ng buhay na matalinghaga,
isipin mo na lang may kapalit itong biyaya,
na magbibigay sa pamilya mo ng ginhawa.
Alam mo naman nung tayo’y mga bata pa,
pag may ginusto, pilit nating kinukuha,
panganib na naka-amba, di natin alintana,
ang gustong makuha, tiyak sa kamay natin bagsak niya!
Kung tinalo ni David ang higanteng si Goliath,
at sa buwan may tao ng nakarating at naka-yapak,
ano pa ba sa buhay ang di natin kayang harapin?
sa palagay wala na, lahat kaya nating gapiin!
Ang unos ay dumarating sa buhay natin,
di yan mapigilan ng kahit sinong magaling,
ang solusyon lang na pwede nating gawin,
harapin ito at masamang tangka ay wasakin!
Huwag mong sabihing ikaw ay sumusuko,
sa dumating na pagsubok sa buhay mo,
hindi ata yan ang kilala kong ANTONIO,
HARDpen pa naman alias na gamit mo!
Ano bang gusto mo, ika’y aking murahin,
‘pagkat kinalakhang tatag natin ay ayaw mong gamitin?
loko ka… wala yan sa bokabularyo natin,
baka naman gusto mong ikaw ay akin nang limutin?
Kaya nga ‘igan ko, loob mo iyong pagtibayin,
ang iyong dibdib, iyong palaparin.
ang problemang sa ‘yo ay dumating,
huwag mong iwasan, ito’y iyong harapin!