TUNGKOL SA AKIN – 2

Hardpen, 02-21-10

me 12

 Kababasa ko lang ng tula mong Part Sixteen
ang aking komento doon iyo sanang hintayin,
pasensya na sana kung medyo seryoso pa rin,
tono ng mga tulang pinagpapalitan natin.

Ang tulang kinakatha tungkol pa rin sa akin,
‘igan ito sana’y matiyaga mo pa ring basahin,
pagsesenti kasi ngayo’y di ko kayang pigilin,
ilang bagay tungkol sa akin ay nais alalahanin.

Sina Ricky at Liz ang sa akin ay nagbanggit,
pagtitinda ng kung ano-ano ako daw ay mahilig,
masipag daw ako iyan ang kanilang pahiwatig,
sa sarili kong mga paa nagsusumikap tumitindig.

Bata pa man ako noon ay marunong ng kumita,
sari-saring mga kalakal ang natutuhang itinda,
donat, puto o tinapay, mga pagkain sa umaga,
Bannawag o Liwayway, sa mahilig magbasa.

Di ko nakasanayan ang manghingi sa magulang,
kaya’t sinikap kong may mapagkakakitaan,
noong una ayaw nga nila akong pahintulutan,
ngunit kahit paluin ako, sila’y aking tatakasan.

Sabi ni Mama, bukod sa malaki, matigas aking ulo,
di nila ako mapigilan sa mga bagay na ginugusto,
sa huli’y binasbasan niya, aking pagiging tindero,
pinagsasabihan na lang palagi na mag-ingat ako.

Sa murang edad ko noon may niyakap na idelohiya,
na magsumikap sa sarili, sa iba ay huwag umasa,
kung kusang loob na may tutulong, magpasalamat ka,
ngunit buhay mo’t kinabukasan huwag iasa sa iba.

At nang ang pamilya ko ay umalis sa Cagayan,
at unti-unting naglaho ang aking kamusmusan,
noo’y napagtanto ko isang mapait na katotohanan,
ang aking pamilya pala ay lugmok sa kahirapan.

Subalit si CHING na wika ninyo ay matapang,
si CHING na wika ninyo’y may taglay na kasipagan,
sumumpa kahit noon ay nasa hayskul pa lamang,
magtatagumpay ako sa ano mang pipiliing larangan.

Sumumpa din akong sa hamon ng buhay ay lalaban,
di magpapagapi sa nasumpungang kahirapan,
doon ko nasubok ang sinasabing angkin kong tapang,
doon ko lalong ginamit ang angkin kong kasipagan.

Doon sa Batangas, bagong papuri ay aking natanggap,
di lang daw ako matapang, di lang daw masipag,
(“modesty aside”) ang sabi nila ako din ay may utak.
gamitin daw sa mabuti para ambisyon ko’y matupad.

Sa papuring iyon labis ko silang pinasalamatan,
at sinabing… “lahat tayo’y may anking katalinuhan,”
ngunit, ang dagdag ko, ito’y hindi mapapakinabangan,
kung hindi magsisikhay, bagkus magtatamad-tamaran.

Akin ng nababatid, at laging naririnig, mula pa noon
napakahalaga sa buhay ng magandang edukasyon,
kapag nakatapos at nakapasok sa isang propesyon,
sa tagumpay at ginhawa tiyak ikaw ay mapaparoon.

Kaya’t sa Batangas sinimulang pag-aaral ay seryosohin,
gabi at araw hawak ay puro sulatin at babasahin,
sumumpang kahit anong mangyari pag-aaral ay tatapusin,
gaano man kahirap, diploma sa kolehiyo ay susungkitin.

Pagkatapos ng hayskul, medyo ako ay nagkaproblema,
pampa-aral sa kolehiyo, magulang ko saan kukuha,
mabuti na lang sa isang “scholarship exam” ako’y nakapasa,
kaya noon sa kolehiyo… libre “books”… libre matrikula.

Sinikap kong ma-retain ang nasabing scholarship,
sa mahirap na kursong napili na AB-English,
kahit anong hirap, kahit sa “allowance” laging gipit,
nagtiyaga, nagtiis hanggang “graduation” ay sumapit.

Sa pagtatapos sa kolehiyo aking napatunayan,
sa mga pangarap natin , kahirapan ay di hadlang,
kapag tao’y gumamit ng talino, sipag at tapang,
ano man ang naisin ay magkakaroon ng katuparan.

Kaya sa hamon ng buhay buong tapang akong humarap,
kaylan ma’y di natakot lumaban, di natakot mangarap,
at upang tagumpay ay tiyakin ang idinagdag ko sa sipag,
ang di makalimot na sa Diyos ay palaging tumawag.

At sa lahat ng nakuha… “those few feathers in my cap,”
at sa napakaraming biyaya na mula noon ay tinatanggap,
batid kong resulta iyan ng “one percent effort on my part,
and ninety-nine percent grace and mercy from GOD!”

Advertisement
%d bloggers like this: