Ang Tatay Kong Taxi Driver

Kalahating oras na lang ay magsisimula na ang final examination namin pero hindi pa rin dumarating si tatay. Hindi pa bayad ang aking tuition fee kaya hindi ako bibigyan ng permit para kumuha ng exam. Bakit kasi nauso pa ang patakarang “No permit, no exam.” Kapag nagkataon ay bukod tanging ako lang nanaman ang hindi makakakuha ng test. Dalawa o tatlong beses na yatang nangyari sa aking iyon. Hirap na hirap pa naman akong  mag-review tapos ganito lang ang mangyayari.

Sinubukan kong tawagan si tatay “cannot be reached.” Ang dami ko ding texts na nasend sa kanya pero hindi siya sumasagot. Nakaka-stress. Sagad na sagad na aking inis sa tatay ko at sobra-sobra na akong kinakabahan.

Taxi driver lang ang tatay ko kaya minsan eh ginigipit kami sa gastusin sa bahay. Mabuti na nga lang at nag-iisa akong anak. Gusto kong magkaroon ng kapatid pero sa kalagayan namin sa buhay ay pihadong mahihirapan lalo ang aking mga magulang. Batid nila ito kaya’t sadyang hindi ako sinundan. Ang inaalala ko eh paano na kung college na ako, ngayon ngang high school pa lang ako eh hirap na ang tatay.

“Anak.”

Nakatalikod man ako’y natitiyak kong ang tatay ang tumawag sa akin. Sa wakas ay dumating na rin siya.

“Pasensya na anak, dumaan pa kasi ako sa presinto kaya medyo natagalan ako. Oh heto naang pambayad mo sa tuition.”

Halos pahablot kong kinuha ang pera. Kagyat akong umalis. Hindi na ako nakapag-paalam sa tatay. Sobra na akong nagmamadali. Ilang minuto na lang eh mahuhuli na ako sa exam.

Maswerte ako’t  walang pila sa cashier. Nakabayad ako kaagad at binigyan ako ng permit. Dalawang minuto na lang siguro ay mahuhuli na ako sa test. Mabuti na lang at umabot ako.

Naidaos ko ang first day ng final exam namin. Sobra akong na-stress. Mahirap ang exam at sobra akong ininis ni tatay sa paghihintay. Dalawang araw pa ang test namin at 5 subjects pa ang aking pag-aaralan kaya’t puspusan ang pagre-review ko pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay.

Maya-maya’y may kumatok sa pintuan ng aking kwarto.

“O anak, dinalhan kita ng gatas. Inumin mo habang nagre-review ka.”

Kinuhako ang gatas na dinala ng aking tatay. Hinagkan ako nito sa noo.

“Pagbutihin mo anak ang pagre-review ha. Pagpasesyahan mo na ako kanina kung na-delay ako.”

Tumango na lamang ako. Medyo nagtatampo pa ako sa tatay. Muli kong naiisip ang kanyang pagiging taxi driver. Bakit kasi iyon lang ang hanapbuhay n’ya. Bakit kasi hindi s’ya nag-aral para sana naging abogado s’ya, doktor o kaya accountant. Ganun pa man ay sinikap n’yang sa isang private school ako makapag-aral. Pero dahil halos puro anak-mayaman ang mga kaklase ko ay lalo kong nakikita kung gaano kami kahirap.

Naiinggit ako sa mga kaklase ko, lalong-lalo na kay Trishia. Hatid-sundo ng driver nila. Minsan mismong daddy pa n’ya ang naghahatid sa kanya. Ang dami niyang bagong mga gadgets. May cellphone din naman ako pero halos limang taon ko nang ginagamit. Ang sasarap ng mga kinakain nila kapag breaktime at lunchtime. Ako ay laging biskwit ang meryenda at paulit-ulit na adobong manok o baboy, minsan pritong isda, ang pinababaon sa akin ni nanay para sa tanghalian. Mabuti na lang at paminsan-minsan ay nabibigyan ako ni Trishia ng masarap na ulam. Minsan nga ay isinasama pa n’ya akong mag-lunch sa Jollibee. Malapit lang iyon sa school pero sinusundo pa s’ya ng driver at may kasama pang yaya. Naisip ko tuloy minsan na sana magkapatid na lang kami ni Trishia.

Nagdaan ang halos dalawang oras.

“Anak, labas ka muna. Handa na ang hapunan. Kumain ka muna bago mo ipagpatuloy ang pagre-review mo.”

Ang nanay ko iyon. Lumabas ako ng kwarto at tinungo ang aming hapag-kainan.

Habang kami’y kumakain ay nakarinig kami ng katok sa aming pintuan. Binuksan iyon ng aking nanay.

“Dito po ba nakatira si Mr. Danilo Aguilar.” Ang narinig kong tanong mula sa labas.

“Dito nga po. Ano po ba ang maipanglilingkod namin sa inyo.”

“Maari po ba kaming tumuloy?”

Tumango ang nanay at nakita kong pumasok ang tatlong pulis, isang reporter at isang mamang mukhang mayaman. Lumapit sakanila ang tatay.

Kinabahan ako dahil tatlo-tatlo ang pulis na pumasok sa amin. Naisip kong meron sigurong ginawang problema ang tatay ko. H’wag naman sana. Sa hirap na ng buhay namin eh magkakakaso pa ang tatay. Kapag nakulong s’ya paano na kami ni nanay. Paano na ang aking pag-aaral sa kolehiyo.

Hindi ko madinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Nakahinga ako ng maluwag dahil mukha namang walang problema. Maayos naman ang takbo ng usapan. Nakikita kong sila’y nag-ngingitian.

Maya-maya’y nilapitan ako ng reporter nilang kasama. May bit-bit itong cake. Hindi ko napansin ang cake na  iyon nang sila’y pumasok.

“Ikaw si Maxene ano? “

“A…ako nga po.”

O heto ang cake galing kay Mr. Reyes.”

“Salamat po. Bakit n’yo po alam ang pangalan ko? Siguro sinabi po ng nanay ko sa inyo.”

“Hindi. Nagtanong-tanong  ako tungkol sa inyong pamilya d’yan sa mga kapitbahay n’yo kanina at may nagbanggit na Maxene ang pangalan ng unica hija ng nanay at tatay mo. Ikinagagalak kong makilala ang anak ng isa sa mga pinakabuting taong nakilala ko.”

“Ano po? Hindi ko po maintindihan.”

“Maxene, kaninang umaga ay sakay ng tatay mo si Mr. Reyes, iyong mamang kasama namin. S’ya ay isang kilalang milyonaryo na ang negosyo eh alahas. Nasiraan kasi ng kotse kaya’t pinara ang taxi naminamaneho ng tatay mo. At sa pagmamadali ay naiwan niya ang isa sa mga bag na dala niya na may lamang pera  at mga mamahaling alahas na milyon ang halaga. Nakita iyon ng tatay mo at nagpunta siya sa isang presinto ng pulis kaninang umaga at iniwan doon ang bag. Nagkataong nandoon ako  kanina. At alam mo bang hindi natandaan ni Mr. Reyes ang plaka ng taxi ng tatay mo. Kung iyong bag eh itinago na lamang n’ya eh malamang na hindi na ito matutunton. Kahanga-hanga ang tatay mo.”

Hindi ako makapaninawala sa aking naririnig.

“At s’ya na sana ang maghahatid daw ng pera kay Mr. Reyes dahil may ID sa loob ng bag at kabisado daw ng tatay mo ang address na nakalagay doon. Pero sinabi niya sa mga pulis na sila na lamang daw ang mag-sauli ng bag kay Mr. Reyes. Nagmamadali daw kasi siyang puntahan ka sa school dahil kaylangan mo daw ng pera para sa tuition mo. Nagulat pa ang mga pulis nang buksan nila ang bag dahil sa dami nang laman nitong pera at mga alahas. Akala nila kung ano lang ang laman ng bag. Ni hindi nag-iwan ng pagkakakilanlan ang tatay mo.  Mabuti na lang naplakahan iyong taxi n’ya dahil may CCTV sa presinto. Kaya pinuntahan namin ang opisina nila at natunton namin itong tirahan ninyo.

Para akong nanliit sa mga sinabi ng reporter. Parang wika nila sa English ay “Too good to be true.”

Naisip ko ang inasal ko sa aking tatay. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi n’ya kaagad nadala ang pang-tuition ko. May kinaylangan lang siyang gawin. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.

“At grabe ang tatay mo ha. Binibigyan na ng P200,000 bilang pasasalamat ni Mr.Reyes eh ayaw pang tanggapin. Kung ako iyon, naku!!! Mabilis pa sa alas-kwatro na susunggaban ko iyong pera, hehe.”

Nangiti lamang ako. Pero ganoon talaga si tatay. Gusto niyang pagpaguran ang ano mang meron s’ya.  Maging ang tulong na binibigay ng mga lola’t lolo ko sa mother side eh tinatanggihan. Katwriran n’ya mas kaylangan iyon ng mga matatanda.

“O kuhanan ko nga pala kayong mag-anak ng picture. Tara doon, tumabi ka sa kanila” Wika ng reporter.

Pina-unlakan naming mag-anak ang kahilingan ng reporter.

Nang naka-alis ang aming mga bisita ay hindi ko mapigilang yakapin ang aking tatay.

“Aba, ‘nay, tignan mo itong prinsesa natin, parang naglalambing yata.”

“Tatay sorry po ha.”

“O bakit ka nagso-sorry sa akin anak.” Ang tanong ng tatay.

“Basta po…sorry.”

“Okay, okay anak. I love you.”

“I love you too tatay…I love you nanay.”

“Teka, tapusin na natin ang pagkain. Magre-review pa si Maxene.” Wika ni tatay.

Kinabukasan sa school canteen, habang ako’y nagi-snacks ay bigla na lamang lumitaw sa TV ang picture naming mag-anak. Nabalita sa TV ang ginawa ng aking tatay. Ibinalita ang ginawa niyang pagbabalik ng pera at alahas kay Mr. Reyes. Nagulat ako ng banggitin sa balita na noong binata pa ang aking tatayay nag-sauli din ito ng perang naiwan sa kanyang taxi.

Nagpalakpakan ang mga kakilala ko sa canteen. Ang mga gurong kong nandoon ay naglapitan pa sa akin. Halos lahat ng tao doon ay tinitignan at nginingitian ako. Nagpahayag sila ng paghanga sa aking tatay. May mga estudyanteng lumapit sa akin at ako’y kinamayan. Ang iba ay yumapos pa sa akin. Hindi ko mapigilan ang pag-luha.

Masayang-masaya ako ng araw na iyon.

Bago ako umuwi ay dumaan ako sa library. Nakita ko sa dyaryo ang larawan ng tatay ni Trishia. Nabalita na napatunayang isang courier ng drugs ang kanyang daddy. Naaresto ito at kasalukuyan na itong nakakulong.

Naawa ako kay Trishia. Kaya pala hindi s’ya pumasok ng araw na iyon. May problema pala sila sa pamilya.

Hindi n’ya siguro akalain na ganun pala ang pinagkakakitaan ng kanyang ama. Ako man ay nagulat din.

Nang makauwi ako sa bahay ay ibinalita sa akin ni nanay na bumalik si Mr. Reyes. Papag-aralin daw ako saan mang kolehiyo ko gustong mag-aral. Binigyan din si tatay ng sarili nitong taxi. Pumayag  daw ang tatay basta’t kaylangang hulugan niya ito paunti-unti ito kay Mr. Reyes. Kakamot-kamot daw sa ulo na pumayag si Mr.Reyes.

Nang makapasok ako sa aking kwarto ay napaluhod ako. Taimtim akong nanalangin. Nagpasalamat ako sa Panginoong Diyos na binigyan ako ng ama na katulad ng tatay kong taxi driver.

Advertisement
%d bloggers like this: