Advertisements

Puti at De-kolor

black_and_white_hands-e1454342514431“Ihiwalay mo ang mga puti sa de-kolor.”

Ako’y isang batang musmos pa lamang noong marinig ko ang mga salitang iyon sa unang pagkakaton. Iyon ang mahigpit na bilin ng lola  sa aming kasambahay tuwing ito’y maglalaba.

“Brasin mo ang mga puti. Tiyakin mong mawawala lahat ng mantsa.” Dagdag pa ng medyo may pagka-istriktang nanay ng nanay ko. “Huwag mong kalimutang ikula.”

Ganun ka-espesyal ang atensyong ibinibigay sa mga puting damit.

Heto pa ang pahabol ng lola ko noon, “Ihuli mo ang mga kulay itim. Huwag na huwag mong isasama sa mga puti yan. Naku, malilintikan ka sa akin.”

Tumimo iyon sa aking isipan. Kaylangang pag-ingatan ang mga damit na puti ang kulay. Huwag na huwag silang ihahalo sa mga de-kolor kapag naglalaba upang huwag silang mamantyahan. At ang mga itim na damit ay kaylangang ihuli sa lahat – huwag na huwag isasama sa mga puti at kahit anong de-kolor na damit. Kapag nagbanlaw man ay ihuli raw rin ang mga de-kolor at itim at ang gamiting tubig ay iyong pinagbanlawan na lang ng mga puti.

Kaawa-awang de-kolor, lalo na ang mga itim.

Naugnay ito sa isang bagay na nagdulot sa akin ng kalituhan noong ako’y mura pa ang gulang. Ito ay nang tanungin ko ang aking ina tungkol sa isang larawan sa pahina ng librong binabasa niya na ang pamagat ay “Land of the Free.” Ipanagpatuloy kasi ni mama ang pag-aaral sa kolehiyo noong kaming magkakapatid ay hindi na alagain. Madalas eh buklatin ko’t basahin ang mga librong iniuuwi n’ya galing sa kanilang library. Ipinapakita sa larawan iyon ang salitang “rest room” at may nakalagay sa ilalim nito sa magkabilang bahagi na “white” at “colored.”

“Colored” daw ang tawag ng mga Amerikanong puti sa mga kababayang nilang itim ang balat.

Hindi ko alam kung bakit natawa ang aking ina nang sabihin kong kulay din naman ang puti. Mali ba ako? Bakit ang mga maiitim eh “colored” kung tawagin  at ang mga puti eh hindi? Colorless ba ang puti.

Pilosopo daw ako sabi ni mama. Tama daw akong kulay din ang puti pero napakabata ko pa daw para maiintindihan ang konseptong “colored.”

Para bang gusto akong batukan ni mama ng sabihin ko sa kanya na siya ang nagturo sa akin na ang English sa kulay ay color at tanging ang tubig alang masasabing walang kulay.

Natingin ako noon sa aking balat. Ito’y kayumanggi. Kaunti na lang eh itim na rin. Basta hindi ako maputi. At kapag natapos akong  maglalaro ako ng matagal sa labas tuwing  walang pasok eh sasabihin ng nanay kong, “Ayan kakabilad mo sa araw nangitim ka na.”  Kung ang mundo’y isang malaking batya at ako’y damit na lalabhan eh masasama ako sa de-kolor at hindi sa puti. Kaunti na lang ang diperensya ng balat ko sa itim kaya kapag binanlawan ako eh malamang sa bandang huli na rin.

Ipinaliwanag ni mama na may panahon daw sa bansang Amerika na hindi pwedeng makihalubilo ang mga Negro sa mga puti sa mga pampublikong lugar katulad ng restaurant, sinehan, mga sasakyan at maging nga sa mga palikuran.

Eh bakit?

Tinignan ko ang iba pang mga larawan sa mga sumunod na pahina ng libro. Maging sa isang drinking fountain eh ganoon nga. Hindi pwedeng uminom ang mga de-kolor ang kutis sa iniinuman ng mga puti.

Bakit ganun?

“Baka ba mamantsahan ang mga puti kaya’t bawal na makihalubilo sila sa mga hindi nila kakulay ng balat?”

Iyon syempre ang uri ng tanong na pwedeng manggaling sa isang batang paslit na katulad ko.

Parang nagulat si mama. Hindi kaagad siya nakasagot. Naningkit ang mata’t pagkatapos eh biglang kumunot ang noo. Ganun din ang itsura ng mga kaklase ko kapag sila’y biglang tinawag ng titser namin upang sumagot sa isang tanong at hindi nila masagot.

Tila nahirapan si mama na sagutin ang tanong ko. Tumango’t ngumiti na lamang siya. Hindi ko masasabing “oo” ang sagot ni mama sa aking tanong. Sa tango niya’t ngiti kasi ay parang sinasabi niyang, “Sorry hind ko alam ang sagot.” Parang ako lang kapag hindi ko kayang sagutin ang tanong ng aming guro. Titingin na lang ako sa kanya at ngingiti sabay kamot sa aking batok.

Kabisado ako ng aking ina. Alam n’yang unang tanong ko pa lamang iyon, marami pang susunod. Subalit bago ko pa man buksan ang bibig ko upang muling magtanong ay inunahan na niya ako.

“Balang araw eh maiintindihan mo din kung bakit. Sige na anak, maglaro ka na muna sa labas. Akin na muna ang librong iyan at magre-review pa ako.”

*****

Pagsampa ko ng high school eh naririnig ko pa rin ang bilin ni lola na dapat hiwalay ang mga puti sa de-kolor. At tulad pa rin ng dati, ang mga itim na damit ay parang ketongin na nakahiwalay sa lahat nang huwag makahawa ng kulay. Sa panahong iyon si mama naman ang nagbibilin sa bunso naming kapatid na babae bago sila maglaba. Wala na kasi kaming kasambahay noon. Nagsimula ng magtipid ang mga magulang ko. Hindi na rin namin kapiling si lola kaya’t siya at ang bunso namin ang naglalaba.

Minsan tumutulong akong paghiwalayin ang mga puti sa de-kolor bago maglaba ang aking ina’t kapatid. At habang ginagawa ko ‘yon ay bumabalik sa aking ala-ala ang mga larawang nakita ko noon sa librong binabasa ni mama – mga larawang nagpapakita na sa Amerika ay pinagbabawalang makihalubilo ang mga de-kolor ang kutis sa mga puti. Akala ko pa naman na mababait ang mga Amerikano dalhin madalas magkwento ang lola ko noon na iniligtas daw tayo ng mga puting dayuhan laban sa mga mapang-aping mga Hapones noong panahon ng ikalawang-digmaang pandaigdig.

Kaya nga’t kahit first year pa lang ako noon eh nagbabasa na ako ng libro ng World History. Sa fourth year pa namin pag-aaralan dapat iyon subalit nabitin kasi ako sa sagot noon ni mama kung bakit ganun – kung bakit sa bansang Amerika ay parang pinandidirihan ang mga  maitim ang kutis. Naisip ko din kung ganun din ba ang turing sa mga Negro sa iba pang bahagi ng mundo. Eh bakit ba kasi ganun? May ginawa bang masama ang mga taong maiitim ang balat kaya ganun sila kung tratuhin? Kasalanan ba ang maging maitim?

Akala ko na sa pagbabasa eh mauunawaan ko kung bakit may ganoong patakaran sa Amerika noon. Hindi pala. Marami pa akong nalaman at habang ang isip ko ay nadadagdagan ng impormasyon eh lalo lamang akong nalilito. Lalong dumadami ang aking mga tanong.

Gusto ko noong tanungin ang aking ina kung bakit hindi n’ya sa akin kaagad ipinaliwanag na dati pala’y alipin ng mga puti ang mga taong itim ang balat kaya’t mababa ang pagtingin nila sa mga ito.

Ang pinagmulan pala ng lahi ng mga Amerikano ay ang Inglatera. Dati pala silang mga  Briton. Ang mga Briton ang nagdala noon sa Amerika ng mga Negro galing sa kontinente ng Africa upang gawing mga  alipin – tagapagsilbi nila at mga taga-tanim.

Ang dami ko palang hindi alam tungkol sa kasaysayan ng mundo. Kaya’t pinagbuti ko pa ang pagbabasa. Noon ko naunawaan na sa pagbabasa ay hindi ka lang makakahanap ng sagot sa mga katanungan mo kundi mula sa mga sagot ay dadami lalo ang iyong mga tanong. Sa mga malalaman mo ay maaring ikaw ay magtaka, matawa, magalit, mainis o mandiri. Maari din namang maawaka ka.

Ako’y naawang lalo sa mga taong itim ang kulay ng balat.

Ang mga larawang nakita ko kasi sa patuloy kong pagbabasa eh hindi lamang inihihiwalay ang mga taong maitim sa mga mapupusyaw ang balat. Merong mga larawang nakakadena sila sa leeg, nakatali ang kamay at hinihila ng mga puti na parang mga hayop. May mga tinatadyakan, sinasampal at sinusuntok

Ang iba’y may tali sa leeg, hindi hinihila kundi nakasabit sa puno. Labas ang dila. Patay. Nakapaligid ang mga mapuputi’t matatangkad na tao. May hawak na pamalo at baril. Ang ila’y nakapamaywang pa at parang tumatawa. Ang hirap unawain na kung bakit sa mga larawang iyon ay nakuha pa nilang ngumiti habang sa likuran nila’y may mga bangkay ng mga taong itim ang balat na nakalambitin.

Bakit ganun?

Nabasa ko rin na ang mga kababaihan ay ginagahasa. Ganun kabrutal ang mga puti. Minaltrato’t inaabuso nila ang mga de-kolor. Sana eh hindi totoo ang mga nabasa ko. Sana inimbento lang iyon ng mga sumulat ng kasaysayan. San lang eh ang mga larawang nakita ko ay mga drawing na masyado magaling lang ang gumuhit kaya’t nagmukhang totoo.

Sana man lang eh binigyan ako ni mama ng babala noon na magugulantang ako sa iba pang mga bagay na malalaman ko kapag ako’y nagpumilit na ungkatin ang isyu tungkol sa mga de-kolor ang kutis at mga puti. Naisip ko na lamang na kaya hindi sinagot ni mama kung bakit ganun ay maging siya man ay nahirapang unawain ang bagay na iyon. At kung siya nga ay nahirapan eh ako pa kaya na noo’y batang uhugin lang.

Tama naman si mama. Mahihirapan talaga akong unawain kung bakit hinakot ng mga ninuno ng mga puti sa Amerika ang mga tinatawag nilang “colored” mula sa Africa upang sila’y gawing alipin at pagkatapos ay parang hayop kung ituring, parang baka o kabayong pwedeng ibenta, sasaktan kung magkakamali, gagahasain ang mga kababaihan kung sila’y lukuban ng makamundong pagnanasa,   at papatayin kung magtatankang lumaban.

Mahirap pa ring unawain na porke de-kolor ang kutis ng tao ay may karapatan na ang mga puti na sila’y maltratuhin. O dahil maputi ba sila eh pwede na nilang gawin ang ano mang gusto nilang gawin?

Bakit? Nabili na  ba ng mga taong maputi ang balat ang mundo?

Natanong ko sa sarili iyan nang sabihin ng guro namin sa Philippine History na minsa’y hinati ng Espanya at Portugal ang lahat ng lupain sa mundo na nasa labas ng Europa. Kaya hayun, bukod sa kasaysayan ng mundo eh nagbasa na rin ako ng tungkol sa kasaysayan naman ng Pilipinas.

Hindi ko maintindihan. Lalo akong nalito. Pinaghati-hatian daw ng mga Ingles, Pranses, Espanyol, Portuges, at Aleman ang lahat ng lugar na kayang marating ng kanilang mga dambuhalang sasakyang-pandagat. Silang mga mapuputi ang siyang naghari.

Bakit ganun?

Nabasa ko na ng pahanong iyon ay na sinakop pala tayo ng mga Kastila, mga puting galing sa Europa sa loob ng mahigit tatlong daang taon. Tapos nagtangkang agawin ng mga Ingles ang Pilipinas mula sa kanila. Ngunit ang nagtagumpay na umagaw ng bayang sinilangan ko mula sa Espanya ay ang Amerika. Ang katwiran pa ng mga Amerikano ay kung hindi daw nila sinakop ang bansa natin ay ang mga Aleman daw ang gagawa nito. Ganun? Parang laruan lang ang mga bansa ng mga taong de-kolor kung pagpasapasaan  ng mga puti.

Ang mga lahing de-kolor, mga itim at kayumanggi, tayo’y parang mga hayop na itinuring ng mga puting galing sa kanluran. Ang mga lupain nati’y kanilang kinamkam at ang ating mga likas na yaman ay kanilang ninakaw.

*****

Pagtungtong ko sa kolehiyo, ako na naglalaba ng sarili kong damit. Sinunod ko pa rin ang mahigpit na bilin ng aking lola – inihihiwalay ko ang mga puti sa de-kolor at ang itim ay laging huli.

Patuloy pa rin ang pagbabasa ko ng kasaysayan ng mundo at ng Pilipinas. Marami pa akong nalaman tungkol sa pilit na ginagawang paghahari-harian ng mga puti at kung papaanong hindi nila ituring na kapantay ang mga de-kolor.

Noon ko mas naintindihan ang tinatawag na “holocaust” na kung saan ay pinatay ng mga Nazi ang milyong-milyong Hudyo na ang intension ay burahin sa mundo ang lahi ng mga ito. Kay hirap unawain kung bakit ganun na lamang ang galit ng mga Aleman sa mga Hudyo. Marami ang naniniwala na nang gawin ng mga Aleman ang karumal-dumal na krimeng iyon ay sinunod nila  ang sistema ng “racial segregation” na ipinatupad ng mga Amerikano sa mga kababayan nilang itim ang kulay ng balat.

Pinilit kong saliksikin iyon dahil sa isa ding larawang nakita ko sa isang encyclopedia sa high school library namin noon. Larawan iyon ng isang malaking hukay na may lamang maraming bangkay at may mga nakapaligid na sundalong mga puti’t matatangkad, mga Aleman, na parang mga nakangisi pa habang nakamasid sa mga kahabag-habag na mga kapwa nila taong patay na.

Bakit ganun?

Bakit tinangkang lipulin ng mga Aleman ang lahing galing sa binhi ni Abraham? Kasalanan ba ang maging Hudyo.

Hindi ko maintindihan na kung bakit sa paniniwalang sila’y ang superiyor na lahing puti ay nagkaroon na sila ng karapatang ubusin ang mga Hudyo. Dahil ang mga Hudyo daw ay hindi maituturing na puti. Ang mga Hudyo daw ay isang mantsa sa lahing puti kaya’t dapat burahin.

Gusto ko na sanang tigilan na ang pagbabasa dahil habang patuloy kong binabaybay ang mga pahina ng kasaysayang ng bansa ko’t ng mundo eh paulit-ulit kong nasasabi ang “Bakit ganun?”

Bakit tuwing may larawang pupukaw ng aking atensyon ay laging may mga  mapuputi’t matatangkad na kung hindi nakatingala ay nakayapak sa mga bangkay ng mga taong de-kolor ang kutis?

Bakit kasi kinunan pa ng larawan ang mga sundalong Amerikano na mga nakangiti’t nakapamaywang habang nasa paanan nila ang isang malaking hukay na puno ng dang-daang bangkay ng mga kayumangging Pilipinong Muslim.

Ke puputi’t ke yayabang ng mga kriminal. Di bale sana kung mga mandirigma lang ang mga napatay nila. Bakit pati mga sibilyan, mga babae at mga bata eh kanilang idinamay? Dahil ba sa sila’y de-kolor kaya’t wala silang karapatang mabuhay.

Wala akong makitang pagkakaiba sa larawan ng Holocaust at sa larawan ng Bud Dajo massacre. Pareho lamang silang nagpapakita ng kalupitan na kayang gawin ng tao sa kanilang kapwan. At di ko alam kung bakit nagkataong parehong puti ang kulay ng kutis ng mga taong may kagagawan ng mga iyon.

Bakit ganun?

Ang mga sundalong Nazi sa Alemanya ay kinasuhan ng “genocide.” Eh ano naman ang tawag sa ginawa ng mga Amerikano sa Jolo, sa Samar at sa ilang lugar pa sa Pilipinas? Ano ba ang tawag sa ginawang pamamaslang ng mga kapwa nila puting Kastila, Pranses, Ingles, Portuges at Aleman sa mga bansang sinakop nila noong “colonial period?”

Ah, may teknikalidad pala sa batas na dapat ikonsidera. Krimen lamang na maituturing ang genocide kung ginawa ito matapos ang “Genocide Convention” noong 1948. Kaya sorry na lang sa mga de-kolor na nabiktima ng mga puti noong panahong inari nila’t pinaghahatian ang mundo.

Kung hindi man magbayad ng danyos perwisyo eh humingi man lang sana ng paumanhin ang mga puti sa mga pagpatay, pag-aabuso’t pangangamkam na ginawa nila sa mga bansang kanilang sinakop.

Pero imposibleng gawin nila iyon. Hindi kaylanman yuyuko ang mga puti sa mga taong ang balat ay de-kolor.

Nangangatwiran pa nga ang mga taong mapuputi ang kutis na kaya nila pinatay ang mga taong hindi nila kakulay sa mga bansang sinakop nila noon eh dahil sa ang mga ito’y lumaban. Aba eh natural na sila’y lumaban. Alangan namang inaalipin ka na’t  ninanakawan at sinaktan pa’y hindi ka na lamang kikibo. At kung panangutin daw ang mga gobyernong kolonyal ng mga puting mananakop sa kung ano mang krimeng ginawa nila sa mga bansang sinakop nila eh hindi daw ba dapat ring bayaran naman sila sa mga ipinagawa nilang mga gusali, tulay at mga daan at sa pagbibigay ng edukasyon sa kanilang mga  sinakop. Bakit? Wala ba silang naging pakinabang sa  mga bansang sinakop nila? Hindi ba’t sapilitan naman nilang pinagtrabaho ang mga sinakop nilang taong itim o kayumanggi ang balat? Hindi ba’t ang mga likas na kayamanan ng mga bansang sinakop nila eh kinankam nila. Kulang na kulang  pa na kabayaran  kung tutuusin ang ano man ang mga ipinagawa nila.

Hindi kayang ibalik ng mga puti o walang halaga ng salapi na makakasapat upang kanilang ipambayad sa dignidad ng mga taong de-kolor ang balat na kanilang sinira’t niyurakan ng ang mga ito’y kanilang sakupin.

*****

Bakit ganun?

Sabi ng aking ina noong bata ako na balang araw ay maiintindihan ko din kung bakit hindi pwedeng umihi ang mga de-kolor sa ihian ng mga puti. Pero heto ako’t tumanda na at sobrang dami na mga nabasa ko sa libro… sa internet… eh hindi ko pa rin maintindihan.

Ano kaya ang isasagot ko sa aking anak halimbawa’t isang araw eh makita rin niya ang alin man sa mga larawang nakita ko? May paliwanag kaya akong maibibigay kung tatanungin niya ako kung bakit ang “drinking fountain” ng mga “white” ay hindi pwedeng gamitin ng mga “colored.”

Paano kaya kung sa Facebook o sa YouTube eh makita ng anak ko  ang pamamaril ng mga puting pulis sa mga hindi armado at walang kalabang-labang mga taong kulay itim ang balat?

Pwede kayang sabihin ko na lang kapag nagtanong siya na ang mundo’y parang batyang gustong solohin ng mga puti. Ayaw nilang makasama ang mga de-kolor, lalo na ang mga itim ang balat at baka sila ay mamantyahan.

Tutularan ko na lang siguro ang aking ina. Tatango na lamang ako’t ngingiti at sasabihin kong, “Balang araw anak eh maiintindihan mo kung bakit.”

 

Advertisements
%d bloggers like this: