Ang Sumpa (Part 6)

third-eye-3-1“Magandang hapon po Father Enrico. Tuloy po kayo,” wika ng aking ama sa kura paroko namin at kay kapitan. “Napasugod po yata kayo.”

“Gusto kitang kausapin tungkol kay Mon.” Ang sagot ng pari habang ito’y papaupo.

Napansin kong hindi mapakali si kapitan. Halatang asiwa itong pumasok sa aming bahay. Marahil ay nahihiya sa mga hindi magandang nangyari kagabi o dili kaya’y natatakot kay Mon.

“Dati ay hindi ko pinapansin ang mga naririnig ko tungkol kay Mon,” ang pagpapatuloy ng pari. “Para kasing hindi kapani-paniwala. Napakamoderno na nang panahon natin at hindi ko akalaing makakarinig pa ako ng mga ganitong usapin.  Pero sa kabilang banda eh mas maraming bagay akong alam na mga kababalaghang nangyayari na mas grabe pa sa mga naririnig ko ngayon. Kaya hindi na rin ako masyadong nasosorpresa.”

“Ako man Father, hirap akong unawain ang mga nangyayari. Ayaw kong maniwala pero ang dami kong nakikita na sobrang mahiwaga,” ang sagot ng ama.

“Naalarma lamang ako,” dugtong ng pari, “nang magpuntahan sa simbahan kanina ang mga kaanak ng mga batang dimuano ay namato sa inyo kagabi at ikinuwento ang mga nangyari. Isinama nila ang mga bata at sobrang malala nga ang impeksyon nila sa kamay. Maging ito ngang si kapitan ay parang namamaga din ang mga kamay.”

Napatingin sa mga kamay ni kapitan. Namamaga nga. Gusto kong maawa pero ang awa ko ay natatalo ng pagkaiinis sa mga inaasal niya kagabi.

“Sige nga Julio, ikuwento mo nga ang lahat sa akin. Mula doon sa nangyari sa school na dating pinasukan ni Mon hanggang sa kagabi. Gusto kong malaman ang lahat nang maunwaan ko.”

Inabot din ng kung ilang minuto ang pagkukwento ng ama kay father Enrico. Seryosong nakinig ang pari.

Maya-maya ay biglang pumasok si Mon may dalang mga tasa para sa kape. Kasunod ang aking ina na bitbit ang pinakuluang kapeng barako. May dala rin sina Elena at Teresa na mga kakanin.

“Magandang hapon po sa inyo father…kapitan!” Wika ng nanay.

“Good afternoon po father! Mano nga po!” Ang masayang bati ni Mon sa pari pagkalapag ng mga tasa sa lamesita. Nagsipagmano din ang mga kapatid kong babae.

Inabot ni father ang kamay ng mga kapatid ko. “God bless you mga hijo at hija. Ang babait naman ng mga batang ito.”

“Kapitan magandang hapon po sa inyo. Pwede po bang mag-mano sa inyo?”

“Ha, oo…oo naman…bakit hindi.” Atubili man ay iniabot ni kapitan ang namamaga nitong kanang kamay kay Mon.

“Halika nga hijo sa tabi ko. Upo ka!.” Tumalima si Mon sa kahinilingan ng pari. “Okay lang ba sa inyo kung susuotan ko ng rosaryo at bendisyunan ko si Mon.”

Tumango lamang ang aking mga magulang at si tito Robert.

Habang inilalabas ni father Enrico ang kanyang mga gamit sa bag ay bigla akong kinabahan. Natakot ako sa kung ano man ang mga susunod na mangyayari. Halatang hindi rin mapakali ang aking mga magulang.

Si kapitan naman ay lumapit sa may pintuan. Hindi ko alam kung iniisip ba niya na mas madali siyang makakalabas kapag may nangyaring hindi maganda.

Napatingin ako kay Mon na hindi ko nakikitaan ng ano mang pangamba.

Isinuot ni father Enrico kay Mon ang rosaryo at tahimik na umusal ng dasal sa wikang hindi ko maintidian. Marahil eh Latin iyon. Napapikit ako at naghintay sa kung ano man ang susunod na mangyayari.

Ilang segundo lang ang lumipas subalit sa pakiramdam ko ay napakatagal.

Father puwede po bang akin na lang ang rosaryong ito?”

Nagmulat ako ng mata ng marinig ko iyon. Walang nangyaring hindi maganda. Normal lang si Mon. Kitang-kita ko kung paanong halos ibuhos ni father Enrico sa ulo nya ang holy water. Walang nangyaring ano mang mahiwaga.

“Okay hijo, sa iyo na yan?

Natawa ako sa sarili ko sa dahilang ang inisip ko ay baka bigla manginig si Mon, manlilisik ang mata at mag-iiba ang boses matapos gawin ni father ang mga ginawa nya. Inisip kong magmamakaawa ang ano mang lumukob kay Mon na alisin ang rosaryong isinuot sa kanya. Inakala  kong uusok si Mon at mapapaso ng holy water.

“O normal naman si Mon. Kapitan ano ba mga pinagsasabi ng mga tao na nilulukuban daw ng masamang espiritu o demonyo itong bata?” Ang tanong ng pari kay kapitan. “Teka nga kapitan.  Patingin nga ng mga kamay mo.”

Itinaas ni kapitan ang mga kamay niya. Nawala ang pamamaga, nanumbalik sa normal ang kanyang mga kamay.

“Aba… oo nga, magaling na ang mga kamay ko, nawala ang pamamaga. Salamat, salamat Mon.” Nilapitan ni kapitan ang kapatid ko at ito’y niyakap.

“Pasensya ka na sa akin kagabi, pasensya na kayo sa akin. Pare Julio… sorry!”

Tumango ang aking ama at tinanggap ang pakikapagkamay ni kapitan.

“Dennis, hijo pasensya na sa mga nangyari kagabi.”

“Ayos na po iyon kapitan,” ang sagot ko.

“Dennis, Mon… sa labas muna kayo ha. Isama ninyo sina Teresa at Elena. Mag-uusap lang kami.”

Tumalima kami sa utos ng ama. Sa kusina kami nagpunta ni Mon.  Gusto ko kasing kahit papaano’y marinig kung ano man ang kanilang paguusapan tungkol sa kapatid ko. Ang mga kapatid naming babae’y pumasok na lamang sa kanilang kuwarto.

“Walang nakalukob na ano mang nilalang kay Mon. Pero sa nasaksihan ko ngayon sa nangyari kay kapitan ay may kung anong hiwaga ang naka-akibat sa kanya. Kung ano man ito eh hindi ko rin alam. At tingin ko nga eh parang may kakayahan siyang manggamot.”  Ang wika ni father Enrico.

Father, tulungan mo naman kaming tuklasin kung ano itong nangyayari sa aming bunso,” ang samo nga aking ina sa pari.

“Pagtulong-tulungan natin. Siya nga pala, naniniwala ako na gagaling ang mga batang namato sa inyo kagabi kung makikipag-usap sila kay Mon.  Puwede bang papuntahin natin sila dito ngayon?”

Ang unang sumagot eh ang tito Robert, “Okay lang naman iyon, ‘di ba kuya?”

“Oo naman. Wala pong problema iyon father,” ang sagot ng ama.

 “Kapitan, pakisuyo na lang. Papuntahin mo dito ang mga apektadong bata, kasama ang kanilang mga magulang.” ang pakiusap ni father Enrico sa aming punong-barangay.

“Sige po father. Pare, susunduin ko na sila.”

Part 7