Ang Mga Hayop Sa Manggahan

(Sa Piling Ng Mga Hayop – 8)

no20flies1

Pilyong bubuyog muling pumailanlang
Iniwan ang hardin sa may kawayanan
Nang mapagod lumapag sa may manggahan
Doon ay may hardin siyang nasumpungan

Tagak nagpakita upang siya’y salubungin
Samo ng bubuyog na siya’y  patuluyin
“Halika’t tumuloy ka sa aming hardin!”
Wika ng tagak nang bubuyog sagutin

Nang mapasalamatan maputing tagak
Doon sa hardin bubuyog ay naglakad
Mga hayop doon ay nakadaupang-palad
Dahil baguhan siya’y parang sinusukat

Nang ang tagak sa hardin biglang lumisan
Bubuyog ang napili niyang bilinan
Dinig ng mga hayop nang siya’y sabihan
”Harding ito ay kaya mong pumunuan!”

Bading na tipaklong nagtaas ng kilay
Gagamba sa “wrong turn” muntik hinimatay
Marahil nangatakot bubuyog mahukay
Ibinaong nilang samot saring kalansay

Gagamba sa “wrong turn” ay biglang nagmaktol
Bakit daw ang tagak naging ganun ang hatol
Insekto sa paligid panay din ang sulsol
Ang pilyong bubuyog hindi na lang pumatol

Minsan sa harap n’ya may biglang lumitaw
Ito ay isang dambuhalang kalabaw
Biglang umunga bibig ay umalingasaw
Sa sibuyas daw kasi sobra ang takaw

Mula nang ang tagak sa hardin ay lumisan
Kalabaw ay pilit naghari-harian
Bubuyog napilitang makipagsuwagan
Sa laki ng kalabaw ‘di nahintakutan

At nakatungtong sa bumbunan ng kalabaw
Isang nakapamaywang na matabang bangaw
Hindi naman ahas subalit nanunuklaw
Tungkulin ng iba’y pilit sinasaklaw

Pilyong bubuyog sa noo’y napapakamot
Nakakapundi ang ganoong mga hayop
Maraming beses na gusto n’yang mayamot
Hindi man duwag nagpasyang tumalikod

Bubuyog nilisan ang hardin sa manggahan
Tinawid ang malawak ng karagatan
Hiling na sa pupuntahan walang madatnan
Hayop na tunay na kasuklam-suklam

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: