… kwentong LIGAWAN (Part 2) (nina Banjun at Magie – High School Memories)

Tibong Cagayano, 03-18-10

kwentong ligawan part 2

 Akin ngayong itutuloy ang pagkukwento,
sa nangyaring ligawan namin tulad ng aking pangako,
harinawang malibang ka sa pagbabasa nito,
at magustuhan ang … kwentong LIGAWAN nitong iyong katoto.

Sinimulan ko nang unti-unti ang magpalipad-hangin,
konting pag-asa pilit na inaapuhap sa kanyang mga tingin,
bago ang pagsuyo ko sa kanya ay tuluyang dibdibin,
gusto ko munang makatiyak na di ako sa kangkungan pupulutin!

Ngunit sadya siyang mailap na parang si Maria Clara,
kahit konting senyales wala talaga akong makita,
dahil na rin siguro kaybigan sa akin ang turing niya,
o dili naman kaya may iba ng nagmamay-ari sa puso niya.

Sa pagnanais kong pagkakaybigan namin mai-angat sa ibang lebel,
ako ay nagsaliksik kung sa kanya ba’y may pumapapel,
para makasiguro akong malakas ang aking laban,
sa pag-sungkit ng kanyang matamis na kasagutan.

Mahirap din naman itong napasukan kong problema,
suliranin ng pusong ilang beses na ring napariwara,
dagdag mo pa diyan na ang aking nililigawan,
pinormahan at napusuan ng matalik kong kaybigan.

Ngunit isa yata sa taglay kong mga katangian,
ang hindi basta-bastang pagsuko sa isang laban,
matatag kong itinayo ang bandila ng Cagayan,
sinimulan ko ang pag-sungkit sa kanyang kagandahan!

Padala ng madamdaming sulat ang unang hakbang ko,
sobre kong gamit ay humahalimuyak sa pabango,
sulat-kamay naman ay talagang pinong-pino,
likha ko ang selyong nakadikit at ito’y hugis-puso.

Sinundan ko ng pagdalaw ang mga sulat na ipinadala,
may bitbit na regalo sa bawat pagbisita,
tsokolate at bulaklak malimit kong dala,
ang porma ko naman ay parang John Travolta.

Kapag naka-iskedyul ang araw ng pagdalaw,
wala sa aking makakapigil, umulan man o umaraw,
maliligo, poporma at tuloy sa panliligaw,
kasa-kasama ko ang pinsan kong si Dodie Tamayao.

Si Dodie ang siya kong alalay at tiga-bantay,
sa labas ng bahay nitong nililigawan kong tunay,
siya ang aking tenga at mata na matiyagang naghihintay,
hinaharang mga karibal kong kay Magie ay patay na patay.

Marami din namang sulat ang aking nilikha,
sa dami ng pabangong ginamit ko pwede ng bumaha,
sangkaterbang tsokolate at bulaklak ang nai-alay,
lahat wa-epek… puso niya ayaw pa ring bumigay!

Parang madilim na ulap sa kalangitan,
na nagbabadya ng panahong may kasungitan,
ilang kulog at kidlat din naman ang dumaan,
wala pa ring linaw sa sagot kong inaasam-asam.

Dumating ang araw na ako’y kanyang binigo,
puso ko’y parang dinurog sa pukpok ng martilyo,
ang dibdib ko’y parang malakas na pinagbabayo,
sumakit ang aking ulo, muntik ng naging sintu-sinto!

Lahat ng ‘yan iwinaksi ko sa aking isipan,
pilit hinugot ang punyal na nakatarak sa pusong nasugatan,
harang na ilatag sa aming pagitan singlawak man ng ilog Cagayan,
lalanguyin ko ‘yan mahuli lang puso niyang sing-ilap ng bayakan.

Para akong magiting na sundalong umatake,
nag-planong mabuti at binago ko ang diskarte,
ibinaling ko ang panliligaw sa ibang babae,
nagbaka-sakaling magbunga ang plano kong simple.

Damdamin ko’y patuloy na pinaglaruan ng tadhana,
babaeng pinagbalingan ko ng atensyon ay naging siyota,
bagama’t walang tunay na pag-ibig na nadarama,
napilitan akong makipaglaro na muna.

Nang malaman ito ng aking tunay na mahal, siya’y nagselos,
sa wari ko’y tumalab ang estratehiya ko ng lubos,
kung kaya’t siya ay biglang nagpaganda at nag-ayos,
sa GUARDHOUSE ng iskwelahan, sabi niya “OO” na boss!

Sinagot niya ako kahit alam niyang ako’y may siyota,
handa umano siyang makipag-basagan ng mukha,
patunay lang ito na ako ay gusto niya noon pa,
nagkukunwaring di ako mahal, pakipot lang talaga!

Petsang Pebrero 22, 1984, ng ako ay kanyang sagutin,
matamis niyang “OO,” sa wakas nasungkit ko rin,
subalit naki-usap siyang huwag ko muna itong sabihin,
nangangamba siyang mga kaklase namin, kami ay tuksuhin.

Diyan nagtapos ang aming ligawan bilang binatilyo at dalagita,
na kung saan naman nagsimula ang ligawan bilang binata’t dalaga,
pagkatapos ng ilang taong pagsasama bilang mag-siyota,
kami’y ikinasal at ligawang mag-asawa, diyan naman nagsimula!

Advertisement
%d bloggers like this: