… sa bagyong BIANANG, ako ay nakahanda!
Tibong Cagayano, 03-05-10
Kaybigan kong katulaan huwag kang mag-alala,
sa pagdating ni bagyong Bianang ako’y nakahanda,
noon pa man talagang naramdaman ko na,
darating sa tamang panahon kalaban natin sa tula.
hagupit niya, di natinag katawan kong payatin,
nang bumalik siya, may kasama nang ulan at hangin,
kalaunan ang kalangitan ay kanyang pinadilim,
ipinadama sa akin ang lupit ng dala niyang lagim.
Katulad niya ay isang kuting na isinilang,
nang lumaki, bumangis naging isang musang,
para rin siyang bayawak na walang muwang,
na lumaking bigla at naging buwayang matapang.
Ganunpaman ako’y hindi lubos na natatakot,
sa pagdating nitong makatang daldal-parrot,
alam ko kasing ang pluma niya’y matagal ng nilulumot,
kaya sa tingin ko matatagalan bago niya ako mailugmok.
Kanyang pagdating huwag mong masyadong pansinin,
mas matanda siya sa atin kaya mas maunang maging ulyanin,
baka nga sa paghihintay sa tula niya tayo’y himatayin,
sa tagal ng panahon bago lumabas kanyang kathain. Hi.. hi.. hi..
Kung gaano katindi ang kanyang pagdating,
sana’y manatili siyang ganun sa mga sulatin,
hindi sana humina at mawala ang kanyang hangin,
mas gusto ko nang binabagyo kaysa walang tulang babasahin.
Sa iyong pakiusap na siya ay magsiwalat,
ng mga sikreto ko sa buhay na inyo kamong ikakagulat,
baka di ka makapaniwala, wala siyang maisusulat,
dahil ang libro ng buhay ko ay mahirap mabuklat.
Ako kasi ay mahusay ding madyikero,
mahirap basahin kung anong nasa ulo,
sa pinagtaguan, gamit ay libong kandado,
kaya nga ang mga lihim nananatiling sikreto!
Kanya mang halughugin ang aking baul na luma,
halukayin pa niya ang aparador kong gawa sa narra,
sinisiguro ko sa iyo, wala talaga siyang makikita,
gaano mang kaliit na sikretong sa iyo ay ibalita.
Di mo ba alam na apat na taon kong pinag-aralan,
sa PMA natutunan kung paano magtago sa mga kalaban,
kahit gaano pa kalakas ang dating ng bagyong si Bianang,
hindi niya mabubuwag ang ginawa kong taguan.
Mali ang landas na iyong tinahak aking kaybigan,
hindi si Bianang Taba ang siyang tunay na daan,
kabiyak ng puso ko ngayon ang tanging nakakaalam,
ng mga pinagkatagu-tago kong sikreto na gusto mong malaman.
Ngunit bago mo makamtan ang mga sikretong inaasam-asam,
lahat ng nakaharang na pagsubok ay kaylangan mong lagpasan,
kung paano mo paamuin at kumbinsihin ang tanging may tangan,
sa susi ng aking taguan, bahala ka nang gumawa ng paraan.
Balik ako sa pagdating nitong bagyong si Bianang,
sana naman lumakas ng husto ang buhos niyang ulan,
nang sa gayon umapaw ng lubos ang ilog-Cagayan,
at tuluyan tayong lunurin sa tula niyang puno ng kariktan.
Ang tanging masasabi ko ngayon kay Bianang Taba,
pag-igihan niyang mabuti ang paggawa ng tula.
si Hardpen at Tibong Cagayano sana ay matulala,
sa obra maestrang katha na kanyang ipalathala.