Halik Sa Pisngi

capture (1)Nang muli kitang matagpuan
Bakit ka lumapit at ako’y nginitian.
Labi ko tuloy ‘di napigilan
pisngi mo’y dampian…

Hay!
Ganoon pa rin
Parang bulak
Kay lambot
Kay bango… parang rosas.

Aking inulit.
Muli akong humalik.
Sa pisngi.
Ilang ulit.
‘di maitago ang pananabik.

At labi ko’y naglakbay
hanggang sa labi mo’y dumantay.

Ika’y pumikit.
Nakangiti.
Hininga mo’y pigil.
Tila hinihintay ang muli kong paghalik.

At bago sana kita muling hagkan
kita’y masuyo munang pinagmasdan.
Nang krus sa kuwintas mo’y kuminang,
May batong sa budhi ko’y dumagan.

Di na kita muling mahagkan.

Takang-takang mata mo’y iminulat
Yumuko ako’t humingi  ng tawad
At sa pisngi mong sa luha’y tigmak
Sa huling pagkakataon
Labi ko’y lumapat.