Sagot sa Iyong Katanungan (Ako naman ang pagpayuhan…)

Hardpen, 02- 05-10

Capture

Mga bata pa man tayo ay batid mo na,
sa talino mo’t galing tiningala kita,
nagkalayo ma’t matagal di nagkasama,
nanatili kang buhay sa aking ala-ala.

Nang aming iniwan sinilangang Cagayan,
at sa Batangas nagsimulang manirahan,
pagmamahal sa pag-aaral aking nasumpungan,
ipinangako sa sarili galing mo ay papantayan.

Noon sa hayskul pilit pinagsikapan,
kapag nagtapos dapat ay “valedictorian,”
subalit noon October 3, 1983 may nagawang kapilyuhan,
kaya’t tanging naabot “2nd honorable mention” lang.

Alam mo bang sa araw na aking tinuran,
sa San Luis, Batangas gumawa ng kasaysayan,
kauna-unahang “rally” sa bayang iyo’y pinamunuan,
aktibismo’y nagising ng si Ninoy binaril sa palipaparan.

Aktibismong ipinakita di ko pinagsisihan,
ngunit pangarap na di naabot pinanghihinayangan,
noon araw ng “graduation” kita’y naiisip kaybigan,
marahil sa “batch” ninyo ikaw pa rin ang “valedictorian.”

Nang ang pagpasok mo sa PMA aking nabalitaan,
wika ko’y matayog talaga ambisyon ng aking kaybigan,
at sa dahilang pilit inaabot mataas mong pamantayan,
pinagbuti ko ang sarili sa napiling larangan.

Akala mo ba’y nagbibiro nang sa iyo ay sabihin,
kapag natapos sa militar ay puede mo ring hangarin,
maging pinuno sa ehukatibo ng bansa natin
Secretary of Education ako sana’y iyong kuhanin.

Akalain mo palang tadhana sa atin ay nagbiro,
nadestino ka pala sa Bulacan kung saan ako’y nagtuturo,
sana noon pa man ay muli tayong nagkatagpo,
sayang at huli na nang ito ay mapagtanto.

At mula nang sa iyo ay aking nalaman,
sa hukbong sandatahan ng Pinas ikaw ay nag-paalam,
para sa iyo kaybigan lubos akong nanghihinayang,
kung bakit ginawa mo iyon ay hindi ko maintindihan.

Sa Banjun to Hardpen (Part 5) ay nalaman ko na rin,
bakit desisyon mong iyong ay kaylangang gawin,
may iniwan ka pang tanong na dapat kong sagutin,
sige kaybigan, mga saknong na susunod, iyo ng basahin.

Ano ang silbi kung ikaw ay naging heneral,
kung di mo naman kapiling mga minamahal,
eh ano kung wala kang estrelya sa balikat,
masaya mo namang kapiling asawa at mga anak.

Bawat mahal mo sa buhay kapantay isang estrelya,
kabiyak mo’t mga supling silang lahat ay lima,
kaya nga kaybigan “5-star General” ka na,
sa hirap at ginhawa di ba’t kasama mo sila?

Tagumpay at kaligayahan paano ba sinusukat?
“Through fat bank accounts or feathers on our caps?”
Sa tanong na ito malinaw ang iyong mga kasagutan,
PAMILYA ang tagumpay mo at kaligayahan!

Kaya nga kaybigan sa akin ikaw ay maniwala,
itinaas kitang lalo sa pedestal ng paghanga,
saludo ako’t masaya sa desisyon mong ginawa,
wala kang dapat ikalungkot, walang dapat ikahiya.

Kaybigan, ako ay nalulungkot naman,
habang sa London ay mayroon kang sinundan,
ako dito sa bansa natin may gustong iwanan,
alam mo ang kuwento ko, ako naman ang pagpayuhan.

Advertisement
%d bloggers like this: