Gumising Na Juan
Galit mo Juan ay sagad hanggang langit
Nagngalit ang ngipin nagsikip ang dibdib
Napagtanto kasing ang pinuno’y switik
Pera ng bayan kanilang kinukupit
Sa bayan mo Juan padilim ng padilim
Maitim ang ulap sa kanyang papawirin
H’wag lumayo kung hanap ay sisisihin
Tanging gawin mo’y humarap sa salamin
Ikaw ang nagluklok sa mga kawatan
Kapalit ng malutong na limang-daan
Kung tutuusin ikaw ay nakinabang
Sa kinurakot nila sa kaban ng bayan
Ang pagbabago lagi mong hinihiling
Laging nililitanya ang mga hinaing
Maririnig sa iyo’y puro suliranin
Wala namang kalutasan na maihain
Pang-sarili mo Juan lagi mong iniisip
Bakit sa bansa hindi magmalasakit
Gumising ka Juan makipagkapit-bisig
Piliting ang bayan mahango sa hapis
Gumising na Juan, makilahok, makialam
Ano ba ang taya mo para sa bayan
Kung payak ang pagkatao’t walang yaman
Sapat na ang maging mabuting mamamayan
Gumising na Juan sarili’y pagbutihin
Masamang ugali dapat nang baguhin
Makitid na pananaw pilit palawakin
Ginuntuan mong dangal muling pakinangin
H’wag nang maging hangal kapag may halalan
H’wag tatanggapin kapag ika’y sinuhulan
Gumising na Juan dapat nang manindigan
Manalig kang ang DIYOS ika’y gagabayan
Leave a comment
Comments 0