sa lihim mong IKINUMPISAL (mangungumpisal din ako)

Tibong Cagayano, 02-11-10

Capture

Bago natin tapusin, kwentuhan ng kamusmusan,
at tuluyan ng sarhan ang aklat ng ating kabataan,
nais ko munang sa ‘yo din ay ipa-alam,
isang lihim na itinago ko ‘yo aking ‘igan.

Sa tula mong pang-pito, ika’y nangumpisal,
sa ating mga kaklase meron kang noo’y natitipuhan.
ang tagal din namang panahon, itinago mo yan,
anong palagay mo… manhid ako at di ko ‘yan alam?

Noon pa nama’y suspetsa ko na ‘yan,
di ba lahat may gusto sa kanya, “crush” siya ng bayan?
tuwi ngang siya’y sa harap natin mapadaan,
akong nasa tabi mo’y iyong nakakalimutan!

Pag kausap kita, nakikita sa sulok ng ‘yong mga mata,
sa kanya ka naka-tingin habang ako ay dumadada,
kibit-balikat na lang ako, sa ‘yo ay nagpa-pasensiya,
paano nga kasi, kaybigang matalik kita.

Minsan nga noon, ako’y nagse-selos na,
sa atensyong ‘binibigay mo sa “crush” mong maganda,
nababawasan na ang oras ng ating pagsa-saya,
paano kasi… abala kang sa kanya’y pumorma!

Pero ano? na-isiwalat mo ba?
ang lihim mong paghanga sa kanya?
nabanggit mo man lang ba, na gusto mo siya?
Hindi ah!!! tiyope ka talaga! Hahaha…

Binanggit mo na sa akin kanyang pangalan,
tapos naki-usap kang kahit kanino’y di ipa-alam,
huwag ka sanang magtatampo sa akin kaybigan,
sa misis ko, na-ibulgar ko na kanyang katauhan!

Pero huwag kang masyadong mag-alala,
sa misis ko, itatali ko ang kanyang dila,
sisiguraduhin kong walang makaka-alam na iba,
mananatiling lihim ito, pangako… sa bato ay itaga!

Ako naman ngayon ang magungumpisal,
mayroon din akong lihim na noo’y nagugustuhan.
maganda siya, pala-ngiti at pala-kaybigan,
lagi ko nga siyang noo’y pinagpa-pantasyahan!

Nawa’y di mag-selos ating mga misis,
sa mga lihim na ating tsini-tsismis,
sabagay… wala namang masama kung mapag-usapan,
mga “crush” natin noong ating kamusmusan.

Sabi mo nga ng mangumpisal ka,
“for the spirit of fun” lang, walang malisya.
sadya ring kasing nakaka-tawa,
ang mga usaping, ganito ang tema.

Yung kursunada ko nga pala noon,
kursunada lang… inspirasyon sa mga leksyon.
mga bata lang tayo, natural na magkaroon,
ng mga hinahangaan at binibigyan ng atensyon.

Nang magtapos tayo sa Elementarya,
itong kursunada ko’y nag-iwan ng ala-ala,
akalain mo bang ako’y abutan niya,
isang regalo, laman ay singsing, ako’y natuwa!

Ayan, isa sa mga lihim ko noon na di mo alam,
pero si Misis, alam niya lahat yan!
minsan kasi amin ding napagkwe-kwentuhan,
mga nakaraan sa buhay namin at mga karanasan.

Advertisement
%d bloggers like this: